Nagpanggap na Paralisado ang Lalaking Ito Upang Makuha ang Pera ng Asawa sa Bangko; Mabigat Pala ang Dahilan Nito

“Mahal, ayaw mo ba talagang tulungan ang tunay mong inay? Malubha ang kalagayan niya ngayon. Kung may pera lang ako’y ako na ang tutulong sa nanay mo. Kahit naman iniwan ka niya noon, nanay mo pa rin siya,” pilit na pangungumbinsi sa kaniya ng asawang si Arthur habang kausap niya ito sa telepono.

“Sabing ayaw ko nga, Arthur! Hayaan mo ang matandang ’yon katulad ng kung paano niya ako pinabayaan noong bata pa ako!” galit namang sagot niya.

Narinig niyang napabuntong-hininga na lang si Arthur bago ito nagpaalam sa kaniya. “Ang tigas ng puso mo, mahal. Ang gusto ko lang naman ay alisin mo na ang galit sa puso mo. Patawarin mo na ang iyong inay. Sana, sa susunod nating pag-uusap ay nakapag-isip ka na.”

Tinapos ni Daisy ang tawag. Naiinis siya sa asawa dahil pinipilit siya nitong makipag-ayos sa taong nang-iwan sa kaniya noon, kaya naman matapos ang pag-uusap na iyon ay ilang araw niya itong hindi kinausap. Kakakasal lamang nila, ngunit nagpasyang mag-abroad ni Daisy habang tinatapos pa ni Arthur ang pag-aaral nito bilang isang engineer, kaya naman siya lang ang may pera sa kanilang dalawa sa ngayon.

Makalipas ang isang linggo, hindi inaasahan ni Daisy nang makatanggap siya ng tawag mula kay Arthur, at ganoon na lang ang panlulumo niya sa ibinalita nito…

“Mahal, naaksidente ako at ngayon ay paralisado na. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera para makapagpagamot,” sabi nito sa kaniya.

“Ano ka ba, Arthur? Para saan pa at nagtatrabaho ako at nag-iipon? Gamitin mo ang perang naipon ko sa bangko. Gagawa ako ng paraan para makauwi ako d’yan sa ‘Pinas at aalagaan kita.” Hindi naman tumutol si Arthur sa mga sinabi niya.

Ganoon nga ang ginawa nito. Kinuha nito ang pera niya sa bangko, ngunit lingid sa kaalaman ni Daisy ay hindi naman nito iyon ginastos sa pagpapagamot niya. Ang totoo ay hindi naman kasi talaga paralisado si Arthur, dahil sinabi lang nito iyon upang may dahilan itong kunin ang pera niya sa bangko!

Advertisement

Dala ng pag-aalala ay nagpaalam si Daisy sa kaniyang amo sa ibang bansa na uuwi siya ng ‘Pinas upang alagaan ang kaniyang paralisadong asawa. Mabuti na nga lang at pinayagan siya nito. Balak niyang sorpresahin si Arthur kaya naman hindi niya sinabi rito na uuwi siya ng ‘Pinas.

Pagdating niya sa kanilang tahanan, malayo pa lang ay naririnig na niya ang malakas na tawanang nagmumula sa loob ng kanilang bahay. Naririnig niya ang malagong na boses ng asawa at ng isang babae! Dahil doon, imbes na kumatok ng pintuan ay sinilip niya muna sa bintana ang loob ng kanilang bahay, at doon ay natagpuan niya ang asawang si Arthur na masiglang nagsasayaw sa saliw ng isang tugtugin… hindi pala ito totoong paralisado!

Marahas na binuksan ni Daisy ang kanilang pintuan. Dahil doon ay nagulat naman ang mga tao sa loob ng kaniyang tahanan. Natahimik ang lahat. Nanlaki ang mga mata ni Arthur nang makita siya at kitang-kita niyang biglang nanginig ang tuhod nito.

“M-mahal, hindi ko alam na uuwi ka…” nauutal na sabi nito.

“Ano’ng ibig sabihin nito, Arthur?! Niloloko mo ba ako?” Halos maiyak na si Daisy.

“M-mali ka ng iniisip, mahal! Inaaliw ko lang ang iyong ina. Hayaan mo akong magpaliwanag…”

Hindi alam ni Daisy kung bakit tumahimik siya at hinayaang magsalita si Arthur. Pinakinggan niya ang paliwanag nito at doon ay nalaman niyang ang perang kinuha nito mula sa bangko ay ginamit pala nito upang ipagamot ang kaniyang inang noon ay malubha ang karamdaman!

“Mahal, hindi ko gustong lokohin ka pero wala na akong ibang maisip na paraan. Kaya naman upang makabawi at maibalik ko ang perang ginamit ko sa pagpapagamot ng tunay mong ina ay nagtrabaho ako. Pasensiya ka na, mahal. Hindi ko lang gustong pagsisihan mo kapag nahuli na ang lahat. Kailangan mong pakinggan ang paliwanag ng nanay mo,” sabi pa ni Arthur na halos magpatunaw naman ng kaniyang puso.

Advertisement

Hindi inaasahan ni Daisy na ganito pala talaga kabuti ang loob ng kaniyang asawa. Dahil doon ay nakumbinsi siya nitong pakinggan ang sasabihin ng kaniyang inang ngayon ay nakatira na rin sa kanilang tahanan dahil si Arthur na rin ang nag-aalaga rito habang ito ay nagpapagaling. Doon ay nalaman niyang kaya pala ito biglang nawala at kinailangan siyang iwan sa kanilang mga kaanak ay dahil nakulong ito sa abroad sa loob ng mahabang panahon dahil sa salang hindi naman nito ginawa. Nakalaya lang ito noong ito ay nagkasakit na at siya agad ang unang pinuntahan nito ngunit hindi niya ito tinanggap.

Tama si Arthur. Isang malaking pagsisisi sana ang mangyayari sa kaniya kung hindi ito nagpanggap naparalisado para lang maipagamot ang kaniyang ina. Napakasuwerte niya sa kaniyang asawa! Simula noon ay namuhay sila nang magkakasama at hindi nagtagal ay nadagdagan pa sila dahil nagbunga na ang pagmamahalan nina Daisy at Arthur.