Itinago ng Dalaga sa Kaniyang mga Magulang na Siya pala ay Nagnonobyo na; Paano Niya Ibabalik ang Tiwala Nila?

Lumipat ang pamilya ni Leonardo sa isang baranggay malayo sa dati nilang tinirahan. Nagkaroon kasi ng hindi pagkakaunawaan ang kaniyang nanay at asawang si Mildred, kaya minabuti na lamang nilang umalis doon kahit na may posibilidad na maghihirap sila dahil kailangan pa nilang magbayad ng renta sa bahay. Dagdag gastusin man ay kailangan nila iyong gawin upang maging tahimik ang kanilang buhay.

“Leo, magtayo kaya tayo ng karinderya? Napapansin ko kasing ang layo ng mga karinderya rito,” minsan ay ani Mildred sa asawa.

“Sige, mangungutang na lang ako sa kaibigan ko, para may pangpuhunan tayo,” sagot naman ni Leonardo, dahil naisip niyang tama ang suhestiyong iyon ni Mildred. Dagdag kita rin iyon kung sakali. Kahit ano ay gagawin ng mag-asawa maitaguyod lang ang kanilang pamilya, lalong-lalo na ang kanilang mga anak.

Nangutang nga si Leonardo sa kaniyang kaibigan at pina-utang naman siya nito. Makalipas ang ilang buwan ay lumago ang karinderya ng mag-asawa. Hindi na nila pinropoblema ang pang-araw-araw nilang gastusin dahil sa kinikita nila.

Naibibigay na ng mag-asawa ang sapat na pangangailangan ng kanilang kambal anak na si Mela at Macey. Kasalukuyang nasa sekondarya ang dalawang magkapatid. Halos kada tapos ng school year, ay nakakatangap ang dalawang magkapatid ng medalya mula sa kanilang paaralan kaya ganoon na lang sila ka-proud sa mga ito.

“O, Mela at Macey saan kayo pupunta? Hapon na, a,” tanong ni Leonardo sa dalawang anak nang mapansing paalis ang mga ito, isang hapon.

“Papa, diyan lang kami sa may tapat. Nagkayayaan lang pong manuod ng liga,” sagot naman ni Macey sa ama.

Pinayagan naman ni Leonardo ang magkapatid, sapagkat halos maubos na ang oras ng mga ito sa pag-aaral. Tiwala kasi sila sa mga ito dahil buhat noon ay mabuti na silang mga anak.

Advertisement

Kinabukasan, araw ng pagsusulit ng magkapatid. Hindi mapakali si Mela dahil sa kaba. Hindi kasi niya na-review ang lahat ng pinag-aralan nila, dahil buong gabi niyang kinausap ang nobyo niyang si Benjie—nobyong hindi pa alam ng kaniyang mga magulang. Natatakot kasi siyang ipaalam sa mga ito na may nobyo na siya sa edad lamang na disisyete anyos.

Natapos ang pagsusulit at pakiramdam ni Mela na hindi niya nasagutan nang tama ang mga tanong na nasa test paper. Pagkauwi nito sa kanilang bahay ay napansin niyang galit ang mukha ng nanay niya nang kanila itong salubungin.

“Nagbo-boyfriend ka na pala, Mela? Kailan mo pa balak sabihin sa amin ng tatay mo?” sunod sunod na tanong ni Mildred sa anak. Bakas ang matinding pagkadismaya sa kaniyang tinig.

“’Ma, sorry po kung hindi ko po agad sinabi,” umiiyak na sagot naman ni Mela.

“Anong sorry? Hiwalayan mo ’yan, Mela! Hindi ako natutuwa sa mga pinaggagagawa mo!” mataas ang boses na sabi naman ni Mildred.

Natakot si Mela sa kaniyang ina sapagkat minsan lang itong magalit sa kanila. Bukod doon, nang gabing iyon ay nakatanggap ng chat si Mela mula sa adviser niya. Tinatanong nito kung ano ang kaniyang naging problema, at bakit siya nakakuha ng mababang grado sa kaniyang pagsusulit.

Lalo na lamang napahagulgol sa iyak si Mela. Kinausap niya si Benjie na itigil na lang ang kanilang relasyon. Hindi na alam ni Mela ang kaniyang gagawin kapag nalaman ng nanay niya na mababa ang grado niya ngayon.

“Papa…bagsak po ang score na nakuha ko sa test, sorry po.” Humagulohol sa iyak si Mela matapos niyang sabihin iyon.

Advertisement

“E, ano naman? Hindi mo na ba mababawi ’yan?” ngunit tanong lamang nito sa kaniya.

“Mababawi pa naman po pero kasi mababa lang ’yong makukuha kong grade,” nayuyuko pang paliwanag ni Mela.

“Iyon naman pala, e…”

Nahihiya si Mela sa ama na nananatiling mabuti ang trato sa kaniya kahit namay kasalanan siya. Kaya naman muli siyang humingi ng paumanhin. “Papa, sorry din pala kasi nag-boyfriend agad ako, hindi na po mauulit.”

“Hindi naman ako galit na nagkaroon ka ng nobyo, ’nak. Nakakatampo lang, kasi sana sinasabi mo sa amin. Kaya nagalit ang nanay mo kasi sa ibang tao pa niya nalaman,” pangangaral pa ni Leonardo sa anak na agad namang tinanguan ni Mela.

“Kaya kayong dalawa, Mela at Macey, matuto kayong magsabi sa amin.” Napalingon naman si Mela sa kaniyang likuran, sapagkat narinig niyang nagsalita ang kaniyang ina.

“Sorry po, ’ma.” Binigyan naman nina Mela at Macey ng yakap ang kanilang ina.

“Isa pa ay huwag mong masyadong dibdibin kapag mababa ang grado mo, ang mahalaga makakatapos kayo ng pag-aaral. Tandaan n’yo sana na lahat ng ginagawa namin ay para lang sa inyo, mga anak,” pahabol pa ng kanilang ina.

Advertisement

Matapos mangyari iyon ay mas naging bukas na ang magkapatid sa kanilang mga magulang. Naramdaman din nilang mas nagkaroon ng tiwala sa kanila ang mga ito buhat noon.