Ipinatawag ng Punungguro ang Isa sa mga Bagong Maestra sa Paaralan; Ano Kayang Kakaibang Problema ang Dinala Nito sa Kaniya?

“Ngayon, T. Weng, anong gagawin natin ngayon? Sa palagay mo ba, magdudulot ito ng magandang pangalan sa paaralan natin kapag nalaman nila na nirereklamo ka ng karelasyon ng isa sa mga coach natin, na isa pa mandin sa mga magulang dito?”

Problemadong-problemado ang pununggurong si Gng. Lopez sa isa sa mga guro ng kanilang pribadong paaralan na si Weng, na bagong pasok pa lamang. Wala pang kalahating buwan ay sakit sa ulo na ang hatid nito.

Noong una, nakipagmabutihan kaagad ito sa isa sa mga guro doon na talaga namang matinik sa mga babae. At ngayon naman, kumakalat ang tsismis hindi lamang sa mga kapwa guro kundi sa mga mag-aaral mismo, na ‘nakikipagharutan’ ito sa coach ng swimming team.

Madalas umanong nakikita si T. Weng na tumatambay-tambay sa swimming pool area ng paaralan, pinapanood ang pagtuturo ni Coach Simon sa swimming team. Mabuti sana kung kilalang binata ito, subalit alam naman ng lahat na may anak siyang nag-aaral din sa paaralang iyon.

Nakatungo lamang si T. Weng na para bang lulubog na sa kaniyang kinauupuan.

“M-magkaibigan lang naman po kami ni Coach Simon, Ma’am. Wala naman po kaming ginagawang masama.”

“Napakabata mo namang mag-isip, T. Weng,” naiinis na sabi ni Gng. Lopez. Inalis niya ang kaniyang salaming may grado, hudyat na napipikon na talaga siya. “Kasehodang may ginagawa kayo o wala, sana naisip mo na hindi mo naman kontrolado ang sasabihin o iisipin ng mga tao, lalo na ng mga mag-aaral natin dito. Sana naman marunong kang magpahalaga sa sarili mo. Ano ba ang ginagawa ng isang babaeng guro sa swimming pool area at nakabantay sa coach na nagtuturo sa kaniyang team?”

Halos malusaw sa kahihiyan si T. Weng.

Advertisement

“Isa pang punto, alam mo namang nag-aaral yung anak niya rito sa atin. Hindi mo na inisip na puwede kang pagchismisan? At iyan na nga ang nangyari. Pinagpipiyestahan ka na ngayon ng mga mag-aaral!” nanggagalaiting sabi ni Gng. Lopez.

“Ma’am, mawawalan po ba ako ng trabaho? Huwag po sana ninyo akong paalisin, kasi kailangan ko po ang trabahong ito. Lalo na po ngayon na buntis ako—”

Napatda si Gng. Lopez nang marinig ang sinabi ni T. Weng. Nagulat din ang guro dahil nasabi niya ang isang bagay na dapat ay sikreto lamang, nadulas siya.

“Lalo mong pinasasakit ang ulo ko, T. Weng. Malinaw naman na hindi puwede sa paaralang ito na ang isang single na gurong gaya mo ay bigla-bigla na lamang magbubuntis nang hindi kasal. Puwes, wala na tayong magagawa. Alangan namang ipalaglag mo ang dinadala mo? Hindi naman matatakpan ng isang kasalanan ang isa pang kasalanan eh. Kaya ganito na lang… papayag ba ang nakabuntis sa iyo na panagutan ka? Bago pa lumaki ang tiyan mo, dapat maikasal ka na.”

At lalong napatungo na naman ang ulo ni T. Weng.

“I-Iyon nga po ang problema, Ma’am…”

“A-Ano na naman?”

“H-Hindi ko po alam kung sinong ama…” halos ibulong na lamang ni T. Weng ang kaniyang mga sinasabi.

Advertisement

Napatayo na si Gng. Lopez.

“Ha? Anong ibig mong sabihin? Paanong hindi mo malalaman kung sinong ama—”

Napahinto si Gng. Lopez. Naramdaman niyang nanindig ang kaniyang mga balahibo. Ngayon lamang siya naka-engkuwentro ng isang gurong… hindi niya maipaliwanag ang ‘kakatihan!’

“Ibig mong sabihin… maraming posibleng ama? Dahil maraming nakagalaw sa iyo?”

Marahang tumango-tango si T. Weng. “O-Opo Ma’am… pero nandito lang naman din po ang mga posibleng ama, m-magpapatulong po sana ako sa inyo na malaman kung sino sa kanila ang naka-jackpot sa akin…”

“Kasama ba si Coach Simon dito?”

“O-Opo… kasama po siya…”

Kaya ipinatawag ng punungguro ang mga nasasangkot na lalaki na posible umanong nakabuntis kay T. Weng, kabilang ang guwapong janitor, ang guwardiya sa likod na tarangkahan ng paaralan, dalawang gurong lalaki, at ang coach.

Advertisement

Lalong naloka ang punungguro nang wala man lamang gustong umako sa kanilang lima.

“Paano ba kami makasisiguro na sa amin nga iyan? Baka sa iba ‘yan…”

Hindi na kinaya ng punungguro ang kaniyang mga naririnig.

“T. Weng, siguro ay makabubuting ayusin mo muna ang sarili mo. Tayong mga guro, mahirap ang propesyon natin, dahil tayo ang dapat na maging huwaran ng mabuting pag-uugali, at pagpapanatili ng mataas na moralidad. Saka ka na lamang bumalik sa paaralang ito kapag naisaayos mo na ang lahat sa buhay mo.”

At natanggal na nga sa trabaho ang guro, sa ayaw man niya o sa gusto, dahil nagiging usap-usapan na rin siya ng mga tao, at hindi na rin nagiging maganda para sa pangalan ng paaralan.

Hindi na nabalitaan pa ni Gng. Lopez kung natukoy ba ng guro kung sino ang ama ng kaniyang dinadala. Wala na rin siyang balita tungkol dito.