Pinerahan lang ng mga Kapitbahay ang Pangit na Labandera Nang Manalo Ito sa Lotto; Nang Muling Suwertehin ay Inusig Sila ng Kanilang Konsensya

Kilala si Dahlia sa lugar nila bilang pinakamahusay na labandera.

“Hoy, Dahlia, kailan ka pupunta rito sa bahay? Magpapalaba ako sa iyo,” wika ng isa sa mga kapitbahay niya.

“Tatlong araw ako kina Aling Bella, eh. Doon ako nagse-service sa kaniya. Pagkatapos sa kaniya, iiskedyul kita,” sagot niya.

Napakalinis kasing maglaba ni Dahlia kaya paboritung-paborito siya ng kaniyang mga kapitbahay na maglaba sa mga ito.

“Ako rin Dahlia, kunin mo’ng mga uniporme ko sa boarding house,” sabi naman ng isa sa mga binatang kapitbahay niya.

“Sige, sa Linggo dadaanan ko. Basta ikaw pogi,” tugon niya.

Sa kanilang lugar, iyon lang ang pakinabang niya, ang pagiging labandera. Nilalapitan lamang siya ng mga nagpapalaba. Bukod doon ay wala nang kumakausap pa sa kaniya dahil sa nagtataglay siya ng pangit na mukha at matabang pangangatawan kaya walang may gustong makipagkaibigan sa kaniya. Minsan kapag naiisip niya iyon ay hindi niya mapigilan na malungkot.

“Kailangan lang naman nila ako kapag nagpapalaba sila sa akin. Kapag natapos ang aking pagseserbisyo ay kung anu-ano na ang naririnig ko sa kanila na mukha raw akong mamaw, lumba-lumba at kung anu-ano pang masasakit na salita. Tinitiis ko na lamang dahil mas mahalaga sa akin ngayon ang kumita ng pera. Ito lang naman ang alam kong trabaho dahil hindi naman ako nakatapos sa pag-aaral. Ang inay kasi, namat*y agad, siya lang ang talagang nagmamahal sa akin,” bulong ni Dahlia sa isip.

Advertisement

Mabait si Dahlia, kahit kailan ay hindi siya nagalit o namuhi sa mga taong nanlilibak sa kaniya, sa katunayan nga, kahit alam niyang ayaw makipagkaibigan sa kaniya ang mga kapitbahay niya ay gusto pa rin niyang makipagkuwentuhan sa mga ito, kaya lang…

“Umalis ka nga rito, Dahlia! Naaalibadbaran ako sa mukha mo, eh. ‘Yung mga labada mo ang atupagin mo,” sambit ng isa sa mga kapitbahay niya nang minsan tangkain niya na makisali sa usapan.

“Politics ang pinag-uusapan namin, Dahlia. Wala ka namang alam dito dahil boba ka, paglalaba na lang ang pagkaabalahan mo,” sabad ng isa pa.

Ang alam nilang tamang dapat lang kay Dahlia, ay…

“O, Dahlia, alisan mo ng mantsa ito ha? Saka magkula ka ng puting damit,” wika ng isa sa mga suki niya.

“Opo, Aling Maria,” aniya sa magalang pa ring tono.

Dahil walang gustong makipag-usap sa kaniya, nakaisip si Dahlia na iba na lang ang pagkaabalahan niya bukod sa paglalaba. Mahilig siyang tumaya sa lotto.

“Sana ay manalo ako. Dinggin sana ng Diyos ang panalangin ko,” sabi niya sa sarili.

Advertisement

Isang gabi ay pinagbigyan ang hiling niya, sinuwerte agad siya at tumama ang mga numerong itinaya niya.

“Naku, salamat po Diyos ko! Malaking tulong na ito sa akin,” tuwang-tuwa niyang sabi.

Dahil sa may mabuting puso ay ibinahagi niya sa mga kapitbahay niya ang suwerteng dumating sa kaniya. Nagpakain siya at binalatuhan pa ang mga ito. Nagbabakasakali siya na sa pamamagitan niyon ay kaibiganin na siya ng mga ito.

“Sige lang, kain lang kayo diyan,” wika niya. “’Pag may pera pala ako’y marami ang kumakausap sa akin,” bulong pa niya sa isip.

Ang hindi niya alam, sa ginawa niya ay inabuso siya ng mga kapitbahay niya.

“Limandaan lang, Dahlia. Pambili lang ng gamot ng anak ko,” sabi ni Aling Tisya na noon ay halos ipagtabuan siya kapag gusto niya ritong makipagkuwentuhan.

“Ako rin, Dahlia, pautangin mo naman ako, mapuputulan na kami ng kuryente at tubig,” hirit pa ng isa.

Hindi niya nahindian ang mga ito. Binigyan pa rin niya kahit alam niyang pakitang tao lang ang ginagawa ng mga ito sa kaniya. Mabait lang kapag nakaharap siya at nauutangan siya.

Advertisement

Dumating ang araw na naubos ang perang napanalunan niya sa lotto, kabibigay sa mga kapitbahay niya. Gaya ng inaasahan niya ay wala na namang kumakausap sa kaniya, dahil nga wala na siyang pera, wala na siyang pakinabang sa mga ito.

“Betty, halika, kuwentuhan tayo,” yaya niya sa isa niyang suking kapitbahay.

“Pasensya na, Dahlia, marami pa akong gagawin, eh,” sagot nito sa kaniya.

Nakaramdam na naman ng lungkot si Dahlia.

“Wala na naman akong kaibigan. Wala na kasi akong pera kaya nilalayuan na ulit nila ako,” sambit niya sa sarili.

Nang sumunod na araw ay nagbakasakali ulit siya, tumaya ulit siya sa lotto.

“Sana tumama ulit ako, pag nanalo ako ay uuwi na lang ako sa probinsya at doon ako magnenegosyo. At least doon ay tanggap ako ng mga tao,” aniya.

Kinagabihan ay muling dininig ng langit ang dalangin niya. Tinamaan niya ang jackpot!

Advertisement

“Yehey! Tumama ako! Tumama ako! Isandaang milyon! Eeee!” hiyaw niya.

Kinubra ni Dahlia ang napanalunan, palihim. Sa tulong ng direktor ng lotto ay naibangko niyang lahat ang perang nakuha niya. Isang araw ay nagising na lamang ang kaniyang mga kapitbahay at nalaman ng mga ito ang nangyari sa kanya.

“Oo, umalis na rito sa lugar natin si Dahlia. Ito nga at may iniwan siyang sulat at tseke na may malaking halaga, paghati-hatian na lang daw natin. Nakasaad dito sa sulat na pasasalamat daw niya ito sa atin, na kahit minsan lang ay kinausap daw natin siya at kinaibigan,” wika ng kapitan ng barangay nila.

Nakaramdam ng konsensya ang mga kapitbahay ni Dahlia. ‘Di nila inasahan na sa kabila ng ginawa nila ay binahaginan pa rin sila ng biyaya niyang natamo. Sa huli ay kabutihan pa rin ang isinukli ng dalaga.

Samantala, si Dahlia ay bumalik na sa probinsya. Tuwang-tuwa ang mga kamag-anak, mga kaibigan at kapitbahay niya roon na totoong nagmamahal sa kanya. Doon naman siya nagbahagi ng nakuha niyang suwerte. Dahil mapera na ay naisip niyang magtayo ng negosyo na alam na alam niyang pamahalaan at siguradong hinding-hindi malulugi, iyon ay ang pagtatayo niya ng laundry shop na siya ang may-ari. Binigyan din niya ng trabaho roon ang mga kapitbahay niyang salat sa buhay.

Ang pagkakaroon ng mabuting kalooban ay nagbubunga ng magandang hinaharap. Tandaan na hindi natutulog ang Diyos, ibinibigay talaga sa karapat-dapat ang biyaya na ibinabalik din sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan.