Hinahayaan Niyang Umuwi Mag-isa ang Nobya Kahit Dis Oras ng Gabi; Habambuhay na Pagsisisi ang Kaniyang Natamo dahil Dito

Araw ng Pasko noong unang makita ni Denis ang pinakamagandang babae para sa kaniyang paningin. Nakasuot ito ng puting bestida habang mataimtim na nagdarasal sa simbahan kung saan siya naninilbihan bilang sakristan. Kitang-kita niya paano lumiwanag ang mukha nito tuwing nagsasabi ang paring kasama niya tungkol sa mga mabubuting salita sa bibliya dahilan upang ganoon na lang siya mapatulala rito.

“Hoy, Denis, baka mamaya, may inuutos na si Father, tulala ka pa rin d’yan, ha!” saway ng isa niyang kasamahan. 

“Sino bang hindi matutulala sa ganda ng dalagang iyon?” sagot niya habang patuloy na nakatitig sa dalaga.

“Kung ako sa’yo, hindi ko hahayaang sa malayuan ko lang siya matitingnan. Hintayin mo mamaya pagkatapos ng misa sa labas ng simbahan at doon ka makipagkilala!” payo nito na agad niyang ikinangiti.

“Sabi mo ‘yan, ha! Kapag ako napahiya sa una naming pag-uusap, malalagot ka sa akin!” sambit niya pa rito saka na sila muling bumalik sa pakikinig sa paring nagbibigay ng aral.

Katulad ng payo ng kapwa sakristan, pagtapos na pagtapos ng misa, agad niya itong hinintay sa labas ng simbahan. Nag-uumapaw man ang pawis sa buo niyang katawan bunsod ng matinding kaba, tinuloy niya pa rin ang plano at nakipagkilala sa dalaga. 

Pakiwari niya’y nanalo siya sa lotto nang mahawakan niya ang kamay nito at siya’y ngitian.

“Ah, eh, susulitin ko na ang tagpong ito, ha. Pupwede ko bang makuha ang numero mo?” hiyang-hiya niyang tanong dito na muli nitong ikinangiti saka hiningi ang kaniyang selpon at itinipa ang numero.

Advertisement

Doon na nagsimula ang kanilang pagkakaibigan na hindi kalaunan, dahil sa mabubulaklak niyang mga salita at aksyong ginagawa na talagang nagpapakita ng kaniyang mabuting intensyon dito, siya’y sinagot na rin nito sa harap ng kani-kanilang mga magulang na tinipon niya pa bago niya ito tanungin kung pwede na ba silang maging magkarelasyon. 

“Naku, ang mga batang ito, pinapakilig ako! Sana habambuhay gan’yan kayo magpakita ng pagmamahal sa isa’t-isa!” mangiyakngiyak na sabi ng ina ng dalaga.

“Botong-boto kami sa’yo, Denis, huwag mong sasaktan ang unica hija namin, ha?” sabi pa ng tatay nito dahilan para siya’y mangako rito.

Simula noon, ginawa niya ang lahat upang mabigyan ng purong pagmamahal ang dalaga. Hinahatid at sinusundo niya ito sa paaralan, binibilhan ng mga bulaklak kahit walang okasyon, at marami pang bagay para lang kaniya itong mapasaya.

Ngunit nang makuha na niya ang Bataan nito paglipas ng tatlong taong pagmamahalan nila, hindi niya mawari kung bakit para bang nawawalan na siya ng gana rito.

Hindi na ganoon kaganda ang tingin niya rito, hindi na siya nag-aalala kung makakauwi ba ito nang ligtas at madalas pa, hindi niya ito kinakausap dahil siya’y tinatamad na.

Pero sa tuwing siya’y nakakaramdam ng pagkahayok sa makamundong bagay, dali-dali niya itong pinapunta sa kanilang bahay at pinapauwi niya rin ito kinagabihan nang mag-isa.

“Hindi mo man lang ba ako ihahatid, Denis? Dis oras na ng gabi, eh,” sabi nito matapos niya itong gamitin.

Advertisement

“Ano naman kung dis oras na ng gabi? Kaya mo naman umuwi mag-isa. Dali na, umuwi ka na, kailangan ko nang matulog dahil maaga ang pasok ko bukas sa trabaho,” masungit niyang sabi rito saka agad na ring natulog nang hindi man lang hinahatid sa labas ng kanilang bahay ang dalaga.

Habang nasa kalaliman siya ng pagtulog, siya’y napabalikwas nang bigla siyang ginising ng kaniyang ina. Tarantang-taranta ito at tila hindi makahinga.

“Ang no-nobya mo, natagpuang wa-walang buhay d’yan sa may kanto natin,” uutal-utal nitong sabi. 

“Huwag mo nga akong lokohin nang gan’yan, mama! Kakagising ko lang, ayan na agad ang bungad mo!” inis niyang tugon dito saka muling bumalik sa pagkakahiga.

“Magpunta ka roon nang makita mo!” sigaw nito sa kaniya, bago pa siya makasagot, tinawagan na siya ng mga magulang ng dalaga at galit na galit ito sa kaniya.

Doon na siya labis na nanlambot. Kumikirot ang puso niya dahil sa pagsisisi at pangongonsenya. Gayon pa man, siya’y dali-daling pinapunta roon ng kaniyang ina upang humingi ng tawad sa mga magulang nito.

Ngunit palabas palang siya sa kanilang bahay habang humihikbi, sinalubong na siya ng dalawang kapatid ng dalaga at siya’y pinagsususuntok.

“Ibalik mo ang buhay ng kapatid namin! Anong klaseng lalaki ka? Papapuntahin mo sa bahay niyo tapos hindi mo ihahatid pauwi? Ayan tuloy, inabangan na ng mga walang hiya niyong kabarangay! Malamang, takot na takot ang bunso namin habang binababoy siya ng mga iyon!” sigaw ng panganay nitong kapatid saka siya malakas na binalibag sa sahig.

Advertisement

Gusto man niya sanang lumaban, hindi niya magawa dahil alam niyang kasalanan niya ang lahat ng ito. Katakot-takot na panunumbat at pamamahiya man ang ginawa ng pamilya ng dalaga sa kaniya, hindi pa rin siya nagdalawang-isip na gabi-gabing magpunta sa burol nito at tumulong sa pag-iimbestiga ng mga pulis.

“Hindi ko lubos akalaing sa ganitong pagkakataon ko muling makikita na suot-suot mo ang bestidang iyan, mahal. Sana’y mapatawad mo ako,” hikbi niya bago tuluyang isara ang kabaong nito.

Natunton man niya mismo ang mga lalaking gumawa ng kr*meng iyon, hindi pa rin mawala ang bigat sa puso niya. Wika niya pa, “Siguro, habambuhay ko na itong dadalhin at pagsisisihan. Ang pinakamagandang dalagang pumukaw sa mga mata ko, hinayaan ko lang mapagsamantalahan ng iba.”

Dalangin na lamang niya ngayon ay sana’y mapayapa na ang kaluluwa ng nobya.