Dahil Mahal na Mahal ng Babae ang Matalik Niyang Kaibigan ay Nagdesisyon Siyang Lumayo Nang Malamang May Nobya na Ito; Makalipas ang Isang Taon ay Ikagugulat Nito ang Nangyari sa Kaniya

Masayang-masaya si Alea dahil magkikita sila ng bestfriend at kababata niyang si Ethan. Matagal na siyang may pagtingin sa binata ngunit nahihiya siyang ipagtapat dito ang tunay niyang nararamdaman dahil nga siguro babae siya, hindi raw maganda na sa kaniya unang manggagaling.

Ilang sandali lang ay nagkita na ang dalawa sa isang restawran. Medyo kinakabahan pa siya nang dumating ito. Ang totoo ay sabik siya nang malamang may ipagtatapat ito sa kaniya. Kinilig pa nga siya, marahil ay baka magtatapat na ito sa kaniya. Nararamdaman niya kasi na may pagtingin din ito sa kaniya.

“Bakit, ano bang meron at gusto mo akong makausap?” tanong ni Alea.

“M-may sasabihin kasi ako sa iyo, besty,” sagot ng binata na may malapad na ngiti sa mga labi.

“A-ano naman iyon?” sabik na tanong ng dalaga.

“Kami na ni Krizha!”

Nawala ang ngiti sa labi ni Alea. Bigla siyang nakaramdam ng matinding lungkot.

“Ano? K-kailan pa?”

Advertisement

“Umamin siya sa akin na may nararamdaman din siya sa akin, kaya inamin ko rin sa kaniya na gusto ko rin siya. Kami na, besty, girlfriend ko na siya!”

Natahimik si Alea. Hindi niya inaasahan ang ginawang pagtatapat na iyon ng binata. Kahit nasaktan sa sinabi nito ay pinigilan niya ang sarili at nanatiling mahinahon.

“Hindi mo ba ako babatiin ng congratulations?” sabi ni Ethan.

“C-congrats, besty. Masaya ako para sa inyong dalawa!” pilit na tugon ni Alea habang pinipigilan ang luhang gusto nang kumawala sa mga mata.

Matagal na kasing crush ng bestfriend niyang si Ethan ang tinutukoy nitong si Krizha na kaklase nila noong college. Nang malaman niyang may pagtingin din pala ito sa binata ay biglang gumuho ang mundo niya. Hindi na niya naipagtapat pa rito ang nararamdaman niya. Mahal na mahal niya si Ethan pero may mahal na pala itong iba.

Pagkatapos nilang kumain sa restwran ay nagmamadaling nagpaalam si Ethan dahil may date pa raw ito kasama ang nobya. Niyaya pa nga siya nito na ihatid siya sa bahay nila ngunit tumanggi siya, sinabi niya sa kaibigan na baka mahuli pa ito sa date nito. Nang tuluyang makaalis ang binata ay hindi na napigilan ni Alea ang mga luhang kanina pa gustong kumawala sa mga mata niya. Kahit mahal na mahal din niya si Ethan ay wala siyang magagawa kundi ang palayain ito.

Isang araw, habang namamasyal siya sa mall ay nakasalubong niya si Ethan at ang girlfriend nitong si Krizha.

“Besty, narito ka rin pala? Anong ginagawa mo rito?” tanong nito sa kaniya.

Advertisement

“O, i-ikaw pala! Wala lang, naglilibot-libot lang ako rito. Alam mo na, tumitingin-tingin ng mabibili,” sagot niya.

“Krizha, babe, siya ang bestfriend kong si Alea. Bata pa lang kami magkaibigan na kami niyan!”

“Hi, Alea. Oo natatandaan ko siya, babe. Kaklase natin siya noong college. Kumusta ka na? Minsan sama ka sa amin ni Ethan lumabas, isama mo ang boyfriend mo, double date tayo!” masayang bati ng dalaga.

“Naku, walang boyfriend ‘yang si besty ko. Pihikan iyan sa lalaki, eh!” sabad ni Ethan.

Kahit medyo nasaktan sa sinabi ng dalawa ay sumang-ayon na lang siya.

“O-oo, wala pa akong boyfriend. Wala pang nagkakamali, e!”

Maya maya ay nagpaalam na rin ang dalawa sa kaniya. Hinabol niya ng tingin ang magkasintahan. Kahit masakit sa loob niya na makitang kapiling ng ibang babae ang lalaking iniibig niya ay masaya na siya dahil iyon naman talaga ang mahalaga, ang maging masaya ito sa taong mahal nito kahit pa siya ang nahihirapan.

Pagdating niya sa bahay ay naabutan niya ang nakatatanda niyang kapatid na si Amelie na nagluluto ng hapunan.

Advertisement

“O, bakit ngayon ka lang, Alea? Alam mo namang bawal sa iyo ang sobrang napapagod,” nag-aalalang wika nito.

“Nakita ko siya kanina, ate. Masakit pa rin pala kapag nakita mo ang mahal mo na masaya kasama iyong taong mas mahal niya,” sabi niya sa malungkot na boses.

“Kalimutan mo na ang nararamdaman mo kay Ethan. May mahal siyang iba at hanggang pagiging kaibigan lang ang kaya niyang ibigay sa iyo!” anito.

“Iyon naman ang ginagawa ko, pero hindi ko pa rin maiwasang malungkot, ate. Mahal na mahal ko pa rin si Ethan,” tugon niya.

“Nag-aalala lang naman ako sa iyo, bunso. Alam mo naman na mula nang mawala sina mama at papa ay ako na ang tumayong magulang sa iyo kaya sobrang mahal na mahal kita. Alam kong mahal mo si Ethan, pero panahon na para tuluyan mo siyang palayain diyan sa puso mo. Para hindi ka na masaktan pa, makakasama iyan sa kalagayan mo, eh.”

“Alam ko naman iyon, ate. Thank you at palagi kang nariyan para sa akin,” sagot niya sa kapatid sabay yakap rito nang mahigpit.

Mula noon ay napagdesisyunan ni Alea na lumayo na lamang kay Ethan at hayaan na ang binata sa taong minamahal nito. Nagpunta siya sa probinsya kasama ang kapatid. Nagpaalam siya kay Ethan na may aasikasuhin lang doon pero ang plano talaga niya ay hindi na siya babalik pa sa Maynila.

Unti-unting hindi na nagparamdam si Alea kay Ethan. Hindi na rin siya tumatawag at nagcha-chat sa binata para kumustahin ito.

Advertisement

Makalipas ang isang taon

Habang naglalakad si Ethan pauwi ay bigla niyang nakasalubong ang kapatid ni Alea na si Amelie.

“Ate Amelie?” tanong ng binata.

“E-Ethan? Ikaw na ba iyan? Mas lalo kang gumuwapo a!” balik na tanong nito na halos ‘di nakilala ang binata. Mas lalo kasing lumaki ang katawan nito sa pagdyi-gym. Kasal na ito kay Krizha at may isa nang anak.

“Oo, ate. Ikinasal na rin kami ni Krizha at may baby na rin kami. Kumusta ka na? Kumusta na si Alea? Matagal na po kaming hindi nagkakausap. Inimbitahan ko kayo sa kasal namin kaso hindi naman kayo nagrereply at sumasagot sa mga text at tawag ko lalo na si Alea,” sunud-sunod na tanong ni Ethan.

Biglang nalungkot ang mukha ni Amelie at ‘di na napigilang maiyak.

“W-wala na siya, Ethan. W-wala na ang kapatid ko, ang bestfriend mo,” bunyag nito.

“A-ano?!”

Advertisement

Gulat na gulat si Ethan at hindi makapaniwala sa sinabi ng kapatid ni Alea.

“May colon c*ncer si Alea. Hindi niya sinabi sa iyo ang tungkol sa sakit niya dahil ayaw niyang bigyan ka pa ng alalahanin. Ayaw niyang malungkot ka, gusto niya na palagi kang masaya lalo’t nahanap mo na ang babaeng mahal na mahal mo. At may dapat ka pang malaman tungkol sa bestfriend mo, matagal ka na niyang iniibig, Ethan kaso nalaman niya na may girlfriend ka na pala. Pilit ka niyang kinalimutan dahil gusto niya na palagi kang masaya kaya siya na ang nagpaubaya. Desisyon niya na lumayo at hindi na makipag-usap pa sa iyo dahil ayaw ka na niyang guluhin pa ngunit kahit sa huling hininga niya ay ikaw pa rin ang bukambibig niya. Ang sabi niya sa akin, kapag wala na raw siya ay sabihin ko sa iyo na huwag na huwag ka raw malulungkot dahil palagi ka raw niyang babantayan,” bunyag ni Amelie.

Hindi na rin napigilan ni Ethan na mapaiyak sa ipinagtapat ng babae.

“H-hindi ko alam na iyon pala ang dahilan niya kung bakit siya umalis. Diyos ko, napakabuti ni Alea, napakabuti niyang tao. Sana’y mapatawad niya ako, ate.” Napahagulgol na si Ethan at niyakap nang mahigpit ang kapatid ng kaniyang yumaong bestfriend.

“Wala kang kasalanan, Ethan. Hangad ni Alea ang iyong kaligayahan. Nasaan man siya ngayon, alam kong masaya na rin siya dahil alam niyang masaya ka sa piling ng iyong asawa at anak,” sambit ni Amelie.

Ipinakita sa kuwento na ang tunay na pagmamahal ay kayang magsakripisyo para sa mas ikaliligaya ng taong minamahal.