Pinuntahan ng Babae ang Kaniyang Nakatatandang Kapatid; Iyon na pala ang Huli Nilang Pagkikita

Ikinagulat ni Shy nang biglang tumunog ang telepono.

“Sino kaya itong tumatawag?” sabi niya sa sarili.

Kahit tinatamad na bumangon sa kama ay napilitan siyang sagutin ang tawag.

“Hello!” aniya.

“Hello, Shy? Si Alfred ito. Pasensya ka na kung naistorbo kita. Gusto ka kasing makita ng ate mo, eh,” wika ng boses ng lalaki sa kabilang linya.

Naging seryoso ang mukha ni Shy.

“Bakit? Anong nangyari?” tanong niya.

“Nakiusap siya sa akin na tawagan daw kita at sabihing gusto ka niyang makita at makausap,” sagot ng kausap.

Advertisement

Biglang nakaramdam ng pag-aalala si Shy.

“Okay, sige, sa Linggo ay pupunta ako riyan. Kumusta naman si Ate Jean?”

“Hindi na siya nakakatayo kaya maghapon na lamang siyang nakahiga sa kama. Palaging pangalan mo ang bukambibig niya,” sabi pa ng lalaki.

Naipikit niya ang mga mata.

“Pakisabi na pupuntahan ko siya sa Linggo. Alagaan mo siyang mabuti ha, Alfred?” aniya.

“Makakarating. Huwag kang mag-alala, palagi akong narito para sa kaniya. Hinding-hindi ko siya papabayaan. Sige, pasensya na kung naabala kita. Asahan ka namin sa Linggo,” paalam ng kausap.

Nang ibaba na niya ang telepono ay tahimik na nahigang muli sa kama si Shy. ‘Di niya napigilang malungkot at maiyak. Maya maya ay muling bumalik sa kaniya ang nakaraan.

Lumuwas siya sa Maynila para makapag-aral sa kolehiyo. Nakitira siya sa isang maliit na paupahan na pagmamay-ari ng isang mabait na matandang babae. Kasama nito ang apong dalaga, iyon ay ang Ate Jean niya. Mas matanda ito sa kanya ng tatlong taon kaya ate ang tawag niya. Naging malapit sila sa isa’t isa, naging matalik na magkaibigan at parang tunay na kapatid na ang turingan nila.

Advertisement

Ilang buwan pa lamang siya naroon ngunit isang malungkot na balita ang nakarating sa kanya. Pumanaw na ang kaniyang ina dahil inatake ito sa puso. Hindi siya makapaniwala na susunod na ito sa kaniyang ama na binawian din ng buhay dalawang taon na ang nakalilipas. Sobra-sobra ang pighati ni Shy dahil ulila na siya. Naawa sa kanya ang maglola sa tinitirhan niyang paupahan kaya kinupkop siya ng mga ito at itinuring siyang kapamilya at tunay na kadugo. Kahit nang pumanaw ang lola ng kaniyang Ate Jean ay hindi siya nito pinabayaan. Iginapang nito ang pag-aaral niya hanggang sa nakatapos siya sa kolehiyo dahil maganda ang trabaho nito noon sa isang lending company.

“O, Shy magkano ba ang matrikula mo? Huwag kang mahihiyang magsabi sa akin ha?” wika ni Jean sa kanya noon.

“Naku, nakakahiya na, Ate Jean. Sobra-sobra na ang naitulong mo sa akin,” aniya.

“Ano ka ba? Hindi ka na iba sa akin, ikaw na ang aking bunsong kapatid mula ngayon,” sagot ng kausap.

Nang makapagtapos siya sa kolehiyo ay tinulungan din siya ng kaniyang kapatid na makahanap ng trabaho. Dahil may kakilala ito sa isang pribadong kumpanya ay agad siyang nakapasok roon at natanggap sa trabaho. Ngayon ay mataas na ang posisyon niya roon.

Maya maya ay muling bumalik sa alaala niya ang tawag ni Alfred, ang asawa ng Ate Jean niya. Hindi pa rin humihinto ang pagdaloy ng luha sa kaniyang mga mata sa sobrang awa sa taong itinuring niyang tunay na kapatid sa kasalukuyang kalagayan nito. Malala na ang k*nser nito sa dugo at nalaman niyang may taning na rin ang buhay. Hindi pa rin niya matanggap ang sinapit nito sa kabila ng kabutihan nito.

Nang sumapit ang araw ng Linggo ay agad siyang gumayak at tinungo ang bahay ng kapatid. Pagdating niya ay sinalubong siya agad ng mister nitong si Alfred.

“Salamat at nakarating ka, Shy. Tuloy ka!” bungad ng lalaki.

Advertisement

“Si Ate Jean?” tanong niya.

Dinala siya nito sa isang kuwarto. Nakita niya ang nakaratay na katawan ng isang babae sa kama. Nagmulat ang mga mata nito nang maramdamang dumating na siya.

“A-Ate Jean?” aniya.

“S-Shy? Mabuti at dumating ka na,” mahina nitong sagot.

“Siyempre naman darating ako. Gusto ko nang makita ang pinkamaganda at pinakamabait kong kapatid!” sambit niya habang nanginginig ang boses, pinipigilang maluha.

Kahit todo pigil ni Shy sa pangingilid ng kaniyang luha ay masaya pa rin niyang inaliw ang kapatid. Ilang oras din silang nagkuwentuhan ng kung anu-ano. Maya maya ay ‘di niya namalayan na nakatulog na ito. Habang nagpapahinga ang Ate Jean niya ay ipinaghanda naman siya ni Alfred ng masarap na pananghalian.

Sumapit na ang oras ng kaniyang pag-alis. Bumalik siya sa kuwarto ng kapatid para magpaalam ngunit laking gulat nila na hindi na ito humihinga. Pumanaw na ang kaniyang Ate Jean. Hindi na nito napaglabanan pa ang karamdaman. Hindi na nila napigilang humagulgol ni Alfred na agad na niyakap nang mahigpit ang asawa.

Hinintay lang pala siya nito bago tuluyang nagpaalam. Kitang-kita niya na walang halong lungkot ang mukha ng Ate Jean niya habang nakahimlay sa higaan. May ngiti sa mga labi nito na ang ibig sabihin ay masaya itong lumisan, na wala na itong hirap at sakit na nararamaman. Payapa na ang Ate Jean niya.

Advertisement

“Paalam, Ate Jean. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng naitulong mo sa akin lalung-lalo na ang pagmamahal mo sa akin bilang iyong kapatid, kahit kailan ay hindi mo ipinaramdam sa akin na hindi tayo magkadugo. Maraming-maraming salamat sa iyo. Mahal na mahal kita ate,” pabulong niyang sabi sa harap ng puntod nito.

Nawala man ang taong itinuring niyang kapatid ay panatag na siya dahil alam niyang masaya na ito kung saan man ito naroroon.