Diring-diri na Bumalik sa Kanilang Probinsya ang Dalagang Ito; Amoy Niya Naman Pala ang Aalingasaw sa Lugar Nila

“Criselda, umuwi ka muna rito sa atin. Dito ka na lang magtayo ng negosyo mo, nakakatakot ngayon riyan sa Maynila lalo na sa tumataas na bilang mga nahawaan ng sakit. Isa pa, miss ka na namin ng tatay mo at mga kapatid mo,” pakiusap ni Aling Trinidad, ang nanay ng dalaga.

“Alam mo namang hindi ako sanay sa buhay probinsiya, ‘ma. Saka ilang beses ko bang sasabihin na Crissy nalang ang itawag niyo sa akin? Nakakadiri ‘yung buong pangalan ko,” iritableng sagot agad ng dalaga sabay ikot ng kaniyang mata habang kausap sa telepono ang ina.

“Basta, anak, tandaan mo na pwede kang umuwi kahit anong oras dito sa atin. Isa pa, online naman na lahat ng klase ngayon, may internet na rin dito sa atin kaya ‘di na mahihirapan, matutuloy mo na rito ang pag-aaral mo!” kumbinseng muli ng kaniyang ina.

“Sige na, ‘ma, babalitaan ko na lang kayo,” putol nito sa kaniyang ina sabay bulagta sa kaniyang kama.

“Umuwi ka na lang kasi, pwede ka pa rin naman bumalik dito sa Maynila kapag tapos na ang pandemic. Doon ay wala kang babayarang bahay at kasama mo pa pamilya mo,” wika ni Yna, kaibigan ng babae.

“Ayaw ko talaga roon! Matagal ko nang tinakbuhan ang amoy isda naming probinsya! Ayaw ko nang bumalik doon, basta ayaw ko talaga!” sigaw ni Crissy at saka inilapat ang mukha niya sa unan.

Ano mang tanggi ng dalaga ay wala siyang nagawa kung ‘di bumalik sa kanyang mga magulang lalo pa nga na hindi na siya makabayad ng upa at wala pa rin siyang trabaho.

“Trinidad! Ayan na ba ‘yung anak mong si Criselda? Napakagandang babae naman talaga!” bati ng isang ale na nakita silang naglalakad sa pantalan.

Advertisement

“Oo, mare! Dito na rin niya itutuloy ang pag-aabogasya niya! Pwede niyo na itong tanungin ng kung ano-ano at magaling itong anak ko!” masaya at malakas na pinagsigawan iyon ng kaniyang ina.

“’Ma! Bakit kailangan ipangalandakan na nag-aaral ako? Ano ba ‘yan!” hila ni Crissy sa ale.

Hindi naman sumagot ang kanyang ina at nakangiti lang ito. Pagdating palang ni Crissy sa kanilang bahay ay agad niyang pinalinis at pinatapon ang ilang gamit na nakatambak sa kwarto niya.

“Anak, ‘yung pinsan mo kasing si Joan ay dito sa kwarto mo natutulog nung wala ka, pwede ba kayong magtabi?” tanong ng kaniyang ina.

“Naku naman, tinatanong ba ‘yung mga ganyang bagay, ‘ma? S’yempre hindi! Anong klase naman ‘yan, ‘yung bahay natin para na lang sa lahat lagi. Pati ‘yung kwarto ko? Anong klase, hindi ba uso ang privacy rito sa atin o ‘di naman kaya common sense? Bakit tinatanong pa ‘yung mga ganyang bagay?!” galit na sagot nito sa ina.

“Nagtatanong lang naman ang nanay mo, bakit kailangang gan’yan ka sumagot, Criselda?” puna agad ng kaniyang ama.

“Hay naku, kapag sinagot pa kita ay magiging bastos lang ako sa inyo kahit hindi naman. Sige na, ‘ma, matutulog na ako,” bagsak ni Crissy ng pinto.

“Hayaan mo na, laking Maynila na kasi, sige na,” pigil pang muli ni Aling Trinidad sa kaniyang asawa.

Advertisement

Kinaumagahan ay nagising si Crissy sa ingay at tawanan sa kanilang sala.

“Ayan na, gising na ang anak ko, matutulungan na niya kayo,” ngiti ni Aling Trinidad sa kanya.

“Ano na naman ‘to? Pwede ba, umuwi na nga kayong lahat at tigilan niyo na ang kakatanong sa nanay ko ng mga bagay na hindi naman niya kayang sagutin at kailangan niya pa kayong iharap sa akin! Pumunta kayo sa bayan kung kailangan niyo ng abogado o ‘di kaya naman magsearch kayo kay Google! Libre pa ang mag-isip, hindi ilegal, kaya utang na loob, umalis na kayo!” mabilis na taboy ng dalaga sa mga bisita ng kanyang ina. Dali-dali ay nagsilabas ang mga ito at hindi nakapagsalita ang ale. Napaupo ito sa isang tabi.

“’Ma, ano ba yan!” sigaw ni Crissy sa ina.

“Criselda! Huwag mong tataasan ng boses ang nanay mo!” mabilis na sigaw din ni Mang Eugenio, ang ama nito.

“O, ayan, paaandaran niyo na naman ako ng mga ganyan niyo na kesyo isang baryo lang tayo e matuto akong makisama, bawal sumagot sa matatanda. Ito ‘yung pangit sa probinsiya na ito! Hindi pwedeng maging matalino!” iritableng balik niya sa kaniyang ama.

“Alam mo, simula nang dumating ka rito sa atin ay wala ka nang ibang ginawa kung ‘di iparadam sa lahat na ikaw lagi ‘yung nakakaangat! Ikaw ‘yung matalino at kaming mga nandito ay hindi ka kayang maintindihan. Pwes, para sabihin ko sa’yo, Criselda, pantay pantay tayo! Napakalayo mo pa sa pagiging abogado pero napakayabang mo na! Sa tingin mo ba walang pinag-aralan ang mga tao rito para pakitunguhan mo nang ganyan?” galit na tanong muli ng kaniyang ama.

“Wala naman kasi talaga, ang uso lang naman dito ay isda,” pabalang na sagot ng dalaga.

Advertisement

“Pwes, magtanong ka! ‘Yung mga taga rito na nasa edad mo, inhinyero na, abogado at lahat sila, dito iyon tinapos! Alam mo kung bakit nila gustong lumapit sa’yo? Hindi iyon dahil sa magaling ka, kung ‘di gusto ka nilang makilala bilang tao!” matigas na balik ng lalaki rito.

“Akala mo ba hindi alam ng mga tao rito kung ilan ang bagsak mo sa law school? Napakayabang mo, Criselda! Wala ka pa mang nararating ay nakaangat ka na sa lupa! Wala ka pa mang titulo, sinisigawan mo na ang nanay mo! Bumalik ka sa Maynila! Doon, ang mga tao walang pakialam sa pakikisama, sa pakikipagkapwa tao! Lumayas ka!” dagdag nito.

Napalunok ng laway ang dalaga at bigla itong namutla, saka ito bumalik sa kaniyang kwarto. Ilang araw na hindi lumabas ang babae dahil aminado siya na totoo ang sinabi ng kaniyang ama. Noong umuwi siya rito sa kanila ay wala siyang ibang baon kung ‘di ang yabang na mayroon siya kahit wala pa siyang nararating. Totoo rin na nakalimutan na niya ang makisalamuha nang maayos sa kapwa at umakyat na ang yabang niya sa kaniyang utak.

Pagkatapos noon ay humingi siya ng tawad sa kaniyang mga magulang at nagsimulang muli na maging isang tao na may paggalang sa kapwa. Mabagal na agos ng pamumuhay man siguro ang tingin ng lahat sa mga taga-probinsiya ay nakita naman niya ang hindi matatawarang pagmamahal at malasakit na mayroon ang bawat isa roon. May pinag-aralan man o wala, lahat sila ay nagtutulungan.