Pineke ng Ginoo ang Kasal Nila ng Kasintahan; Matinding Karma ang Babalik sa Kaniya

Mahirap lang si Elise pero marami ang nabibighani sa kaniya dahil sa angking kagandahan niya. Ngunit mailap siya. Hindi siya tumatanggap ng kahit sinong manliligaw dahil ang nais niya ay makapagtapos ng pag-aaral at matulungan ang kaniyang mga magulang.

Kilala naman sa eskwelahan si Bryan. May kaya ang kaniyang pamilya kaya naman sanay siya na nakukuha niya ang lahat ng nais.

Isang araw ay napansin ng binata ang ganda nitong si Elise at nais niya itong maging nobya.

“Si Elise? Walang lalaki ang makalapit diyan! Hindi makabasag pinggan ‘yan. Walang alam kung hindi mag-aral. Hanggang ngayon nga ata ay hinahatid at sundo pa ‘yan ng mga magulang niya,” saad ng isang kaibigan kay Bryan.

“Hindi pa niya kasi ako nakikilala kaya talagang mailap siya. Tandaan n’yo, wala pang babaeng humindi sa akin. Lahat ng ginugusto ko ay nakukuha ko!” saad pa ng binata.

“Sige nga, subukan mo ang galing at angas mo d’yan kay Elise. Kapag mapasagot mo ‘yan ay hanga na talaga kami sa iyo!” saad pa ng kabarkada.

Nais patunayan ni Bryan sa kaniyang mga kaibigan na tama ang kaniyang sinabi. Kaya agad siyang gumawa ng paraan upang mapansin siya ni Elise. Nilapitan niya ito at nagpakilala.

“Ako nga pala si Bryan. Alam kong kilala mo na ako pero gusto ko lang sabihin sa iyo na ikaw na ata ang pinakamagandang babae dito sa unibersidad,” wika ni Bryan.

Advertisement

“Narinig ko na ‘yan. Madalas sabihin sa akin ng tatay ko na ako ang pinakamagandang babae sa mundong ito sunod sa nanay ko, kaya hindi na bago sa akin ‘yan. Kung wala ka nang kailangan pa ay p’wede ka nang umalis dahil iniistorbo mo ang pag-aaral ko,” mataray na wika naman ni Elise. 

Sa pagiging mailap ng dalaga ay lalong ninanais ni Bryan na mapasagot ito dahil nga naman mapapahiya siya sa lahat kapag nakahanap siya ng katapat.

Kaya naman talagang pinaglaanan niya ito ng panahon at maging ng pera. Bumibili siya ng mamahaling regalo. Makikipagkuntyabahan pa nga ito sa ilang kaibigan upang pakiligin si Elise. Ngunit ang talagang nakapagpabago ng isip ng dalaga ay nang bigyan siya araw-araw ng liham ni Bryan. Ito kasi ang gawain ng kaniyang ama noong nililigawan pa ang kaniyang ina. 

Simula noon ay unti-unti nang nahulog ang loob ni Elise sa binata.

“Limang buwan kang pinahirapan niyang si Elise ngayon ka pa lang niya hahayaang manligaw?” saad ng kaibigan.

“Ako pa lang ang una niyang hinayaang manligaw. Hindi naman ako papayag na pahirapan pa niya ako. Gagawin ko ang lahat para mapasa akin na siya!” wika pa ni Bryan.

Lalong pinaibig nitong si Bryan si Elise hanggang sa tuluyan na nga siyang sinagot nito.

Ngunit hindi pa roon natatapos ang binata. Nais niyang makuha ng buong-buo ang kasintahan. Alam niya kasing mas hahanga sa kaniya ang mga kaibigan kapag nagawa niya ito.

Advertisement

“Ako na ang bahala sa iyo. Mahal mo naman ako, ‘di ba? Mahal naman din kita. Ikaw lang ang babaeng nagpabago sa akin. At wala na akong ibang gustong makasama kung hindi ikaw lang,” saad pa ni Bryan,

“Pero mali itong gagawin natin. Ayaw kong magalit sa akin ang mga magulang ko, Bryan. Ako na lang ang pag-asa nila,” saad naman ni Elise.

“Hindi naman kita pababayaan. Magkasama nating haharapin ang lahat. Huwag kang mag-alala at hindi ka mabubuntis,” dagdag pa ng nobyo.

Nagtiwala naman itong si Elise. Dahil unang beses ngang umibig ay ibinigay niya ang lahat sa binata. Napaniwala kasi siya na tunay talaga ang hangarin nito.

Kinabukasan ay agad na ibinalita ni Bryan sa kaniyang mga barkada ang nangyari sa kanila ni Elise. Hangang-hanga naman ang mga ito sa kaniya.

“O, ‘di ba? Sabi ko naman sa inyo na kaya kong makuha ang babaeng iyan!” saad ni Bryan.

Ayos na sana ang lahat ngunit makalipas ang isang buwan ay hindi na dinatnan pa ng buwanang dalaw itong si Elise. Kinabahan na ang dalawa at doon nga ay nalaman nilang buntis ito.

Naging mabilis ang mga pangyayari. Kailangan niyang pakasalan si Elise kung hindi ay sasampahan siya ng kaso ng mga magulang nito. Malaking kahihiyan rin ito sa pamilya niya kapag nagkataon.

Advertisement

Nakaisip ng paraan si Bryan nang sa gayon ay makatakas pa rin siya sa pananagutan kay Elise. Nagpatulong siya sa isang kakilala upang i-peke ang kanilang pag-iisang dibdib.

“Baguhin mo ang pangalang ilalagay sa marriage certificate nang sa gayon ay hindi kami legal na mag-asawa. Pakikisamahan ko pa rin naman siya pero hahanap na ako ng pagkakataon para makatakas sa responsibilidad ko. Sa ganyang paraan ay hindi na ako mahihirapan pang ipawalang bisa ang aming kasal,” saad naman ni Bryan. 

Natupad ang nais ni Bryan at hindi tunay niyang pangalan ang nasa sertipiko. Walang kamalay-malay itong si Elise sa panlolokong ginawa ng kaniyang asawa. 

Sa loob ng limang taon ay nagsama sila ngunit puro sakit na lang ng ulo ang binibigay ni Bryan sa kaniyang misis. Madalas itong walang trabaho at lagi na lang nakaasa sa kaniyang mga magulang. Ngunit bumagsak ang kanilang negosyo at wala na ring matatakbuhan pa itong si Bryan. Kaya naman itong si Elise ang naghahanapbuhay sa kanilang dalawa. Namamasukan ito bilang isang tagapag-alaga ng isang matanda.

Hanggang isang araw ay may nakilala si Bryan na isang dalaga. Nabighani siya rito. Lalong nahulog ang kaniyang loob nang malaman niyang galing ito sa mayamang pamilya at gusto rin siya nito.

“Paano ang gagawin natin ngayong kasal ka, Bryan? Pagmamay-ari ka na ng iba. Paano ka mapapasakin?” tanong ni Shiela.

“Madali lang naman gawan ‘yan ng paraan. Iiwan ko ang asawa ko para iyo. Hindi naman totoo ang kasal namin kaya p’wede akong ikasal sa iyo. P’wede tayong magsama. P’wede tayong gumawa ng isang pamilya,” wika pa ni Bryan. 

“Talaga? Gagawin mo ‘yan para sa akin? Iwan mo na siya kaagad at sumama sa akin sa ibang bansa. Doon na tayo gagawa ng panibago nating buhay. Tutal alam kong hindi ka na rin masaya sa kaniya. Iwan mo na siya at sumama sa akin!” wikang muli ng babae.

Advertisement

Hindi na nagdalawang isip pa si Bryan. Desidido na siyang talikuran ang kaniyang mag-ina upang sumama kay Shiela. Naghahanap lang siya ng tiyempo. Pagod na rin naman siyang mamuhay ng sakto lang. Batid niyang mas maganda ang kaniyang hinahanap sa piling ng kaniyang bagong kinalolokohang babae.

Isang araw ay maagang umuwi si Elise sa kanilang bahay. Nadatnan niya si Bryan na nag-aalsa balutan.

“S-saan ka pupunta, Bryan? A-anong ibig sabihin ng lahat ng ito?’ tanong ng misis.

“Bulag ka ba o sadyang tatanga-tanga? Aalis na ako, Elise. Hindi ko na kaya pang makisama sa isang katulad mo! Pagod na pagod na ako! Ilang taon na akong nagtitiis!” wika ni Bryan.“Akala ko ba ay mahal mo ako kaya mo ako pinakasalan? Paano na kami ng anak mo?” wika muli ni Elise.

“Wala na lang akong pagpipilian kaya kita pinakasalan. Pero alam mo? Hindi naman totoo ang kasal natin dahil hindi ako ang pinakasalan mo! Hindi mo ba napapansin na ibang pangalan ang nakalagay sa marriage certificate natin? Hindi ‘yan ang tunay kong pangalan! Pinasadya ko ‘yan nang sa gayon ay walang bisa ang kasal natin. Nakahanap na ako ng babaeng pakakasalan ko. Kaya iiwan ko na kayo ng anak mo!” giit pa ng mister. 

Nagsusumamo si Elise na huwag siyang iwan ni Bryan lalo na at may anak sila. Hindi madali ang mabuhay nang hindi kumpleto ang pamilya, ngunit wala na siyang nagawa pa dahil tuluyan nang umalis si Bryan sa bahay na iyon.

Pakiramdam ni Bryan ay nakatakas na rin siya sa responsibilidad nang makaalis siya sa piling ng kaniyang mag-ina. Hindi na siya makpaghintay pa na maikasal kay Shiela. Iniisip na niya kung anong gagawin niya sapagkat makakaranas na naman siyang maging mayaman muli.

Ngunit nang magtagpo silang muli ni Shiela ay laking gulat niya nang malamang nasa paliparan na ito at paalis na ng bansa. Dali-dali niya itong tinawagan.

Advertisement

“Akala ko ba ay magsasama na tayo? Bakit iiwan mo ako rito?” sambit ni Bryan.

“Hindi pa ako nasisiraan ng bait, Bryan! Hindi ko ipagkakatiwala ang sarili ko sa isang tuso na kagaya mo! Alam ko ang hilatsa ng bituka ng mga kagaya mo. Gagamitin mo lang din ako at iiwan kapag wala ka nang mapapala sa akin. Paalam, Bryan! Sana ay maging masaya ka sa buhay mo!” saad naman ni Shiela. 

Hindi makapaniwala itong si Bryan sa nangyari. Buong pagkakataon pala ay niloloko lamang siya ni Shiela. Ngayon ay hindi niya alam kung saan pa siya pupunta. Ayaw na rin naman niyang bumalik kay Elise sapagkat nagsasawa na siya sa buhay niya na kapiling ito.

Lumipas ang ilang buwan at nabalitaan na lang ni Bryan na nagbago na raw ang buhay ni Elise. Yumaman na ito at maganda na ang buhay ngayon.

Pinuntahan niya ang dating kinakasama upang tingnan ang tunay nitong kalagayan. Hindi siya makapaniwala sapagkat totoo nga ang kumakalat na balita.

“P-paano ka naging ganito kayaman?” tanong ni Bryan.

“Natatandaan mo ba ang araw na iniwan mo kami ng anak ko? Umuwi ako nang maaga noon upang ibalita sa iyo na wala na akong trabaho. Pumanaw na ang inaalagaan kong matanda ngunit iniwanan niya ako ng malaking yaman. Pero hindi ka nakinig sa akin. Mas pinili mong sumama sa babae mo!” wika pa ni Elise. 

“H-hindi natuloy ang pagsasama namin. Hindi ako sumama sa kaniya. Hindi ko lang alam kung paano ako babalik sa iyo dahil nahihiya ako! Baka naman p’wedeng ayusin natin ang lahat para lang sa bata. Mag-asawa pa rin naman tayo, ‘di ba?” saad muli ng dating mister.

Advertisement

“Baka nakakalimutan mo na ang ginawa mo sa akin, Bryan. Pineke mo ang kasal natin upang malaya kang iwan kami ng anak ko. Pero alam mo sa totoo lang mas mainam nga ang ginawa mo dahil ikaw mismo ang nagtanggal ng karapatan sa lahat ng tinatamasa namin ngayon!” saad naman ni Elise.

Bumalik kay Bryan ang lahat ng kasamaang ginawa niya. Labis siyang nagsisisi sa kaniyang ginawa. Nagbalik ang lahat sa kaniyang gunita simula nang panahong pilit niyang pinaibig si Elise.

“Sa tingin ko nga ay nararapat sa akin ang ganitong buhay. Mahirap na nga ay nag-iisa pa. Marahil kung tunay ko na lang na minahal si Elise ay masaya sana ako ngayon kasama sila ng anak ko. Ngunit mas pinili kong sirain ang pamilya namin! Kung mabibigyan lang ako ng pagkakataon ay aayusin ko ang lahat,” saad ni Bryan sa kaniyang sarili.

Kahit ano pang pagsisisi niya ay wala nang magagawa dahil buo na ang desisyon ni Elise na huwag na siyang muling papasukin sa buhay nilang mag-ina.