Minamaliit ng Isang Doktor ang Kapwa Doktor na Galing sa Hirap; Sa Huli’y Malalaman Niya Kung Sino Talaga ang Mas Mahusay

Nagkukumpulan ang lahat sa labas ng unibersidad upang tingnan ang resulta ng Licensure Examination ng mga magdo-doktor. Kabilang na sa mga tao na naroon ay sina Marcus at Raymond na pawang magkakompetensya simula pa lang nang sila’y maging magkaklase.

Kinakabahan si Raymond na lumapit sa listahan upang tingnan ang kaniyang pangalan. Hindi pa man siya nakakalapit ay agad namang sumingit si Marcus.

“Tumabi ka nga riyan at titingnan ko ang pangalan ko. Sigurado akong nangunguna na naman ako sa pagkakataong ito! O bakit parang natitigilan ka, Raymond? Hindi ka ba kumpyansa sa pagsagot mo sa exam? Kung ganoon ay hindi ka karapat-dapat na maging isang doktor,” pagyayabang pa ng binata.

Hindi na lang sumagot si Raymond sapagkat ayaw niya ng gulo.

Napasigaw si Marcus nang makita niya ang pangalan niya na nasa unahan.

“Sinabi ko na nga ba at ako ang mangunguna sa pagsusulit na ito! Tutuparin ko ang pangako ko sa daddy ko na hihigitan ko ang galing niya!” muling sambit ng binata.

Ngunit naputol ang kaniyang tuwa nang makita rin niya ang pangalan ni Raymond sa unang pwesto. Tabla ang kanilang iskor.

“Akalain mo nga naman at nakatiyamba ka! Alam mo, Raymond, hindi ako titigil hangga’t hindi ko mapapatunayan sa iyo kung sino talaga ang magaling sa atin. Alam mo naman kung sino sa ating dalawa, ‘di ba? Ilang beses na ba kitang nilampaso sa pagsusulit noong nasa kolehiyo palang tayo? Hindi magtatagal ay ganyan ulit ang gagawin ko sa’yo ngayong ganap na mga doktor na tayo,” pagmamataas pa ni Marcus. 

Advertisement

“Tigilan mo na ‘to, Marcus. Hindi na tayo mga bata pa. Hindi na tayo ang magkalaban dito. Noon pa man ay hindi naman ako nakikipagkompetensya sa iyo! Bakit hindi na lang nating gawin ang mga tungkulin natin bilang doktor? Ubusin na lang natin ang enerhiya natin sa pagpapagaling ng mga may sakit,” saad naman ni Raymond. 

“Sinasabi mo lang ‘yan dahil alam mo kung sino ang mas magaling sa atin! Diyan ka na nga at may selebrasyon pang naghihintay sa akin!” wika pa ng binata.

Hindi kasi matanggap ni Marcus na ang isang katulad ni Raymond ang kaniyang magiging karibal sa pangunguna sa klase. Galing kasi siya sa mayamang angkan samantalang ito ay anak lang daw ng isang tindera sa palengke. Isa itong iskolar kaya nagkaroon ito ng pagkakataon na makapag-aral ng medisina.

Maraming ospital ang nag-uunahan kina Marcus at Raymond. Napunta ang dalawa sa magkalabang ospital. Parehong kilala at tinitingala sa larangan ng medisina.

Sa kanilang larangan ay parehong nakilala ang kanilang mga pangalan dahil sa kanilang husay at galing. Ngunit mas nagiging matunog ang pangalan ni Raymond dahil nga nagsisilbi rin ito sa mga pampublikong ospital.

“Hindi ko naman ikakayaman kung magsisilbi ako sa gobyerno. Pasasaan ba at magkakaroon din naman ako ng sarili kong ospital. Saka kailangan talaga ni Raymond na magpalakas. Kakaunti lang ang kapit niya sa mundong ginagalawan namin. Hindi naman kilala ang mga magulang niya,” saad naman ni Marcus.

Ngunit sa pagkakataong iyon ay umiisip na ito ng paraan para siraan ang karibal. Hindi niya kasi matanggap na naungusan na siya ni Dok Raymond.

Isang araw ay nabalitaan na lang ni Marcus na bibigyan ng parangal ang karibal na doktor samantalang siya ay hindi man lamang nominado.

Advertisement

Kaya ang ginawa niya ay ginamit niya ang kaniyang mga impluwensiya. Gumawa siya ng kwento na kinopya lamang daw ni Raymond ang isang pag-aaral. Mabilis itong kumalat hanggang sa nalaman ito ng pamunuan kung saan ito ang magbibigay ng parangal. Dahil dito ay panandaliang inatras ang paggagawad at nais muna nila itong imbestigahan.

“Hinding-hindi ko magagawa ‘yan. Kahit kailan ay hindi ako nangopya o nanloko ng iba. Hindi ko alam kung kanino nagmula ang balitang ito, pero nagkakamali kayo! Hindi ko yuyurakan ang pangalan ng mga magulang ko!” giit ni Dok Raymond.

Iisa lamang ang tanging tao na naiisip niya kung sino ang may kayang gumawa nito sa kaniya. Walang iba kung hindi si Dok Marcus. Ngunit dahil wala naman siyang ebidensya ay hindi na lang din niya inilaban pa ito. Bagkus ay nagpatuloy na lang siya sa panggagamot. Hindi rin naman niya kailangan pa ng parangal para lang makatulong sa kapwa.

Lumipas ang isang taon ay nabalitaan na lang ni Raymond na si Marcus ang makakakuha ng parangal na dapat ay sa kaniya iginawad.

Nang magkita sila sa isang conference ay ipinamukha ni Marcus kay Raymond ang parangal na iginawad sa kaniya.

“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na isang araw ay papatunayan ko sa iyo kung sino ang tunay na magaling? Ngayon ay alam mo na. Kaya dapat alam mo rin kung saan ka lulugar,” wika ni Dok Marcus.

“Hindi ko alam kung ano ang problema mo sa akin, Marcus. Anong saya ang naidudulot sa iyo kapag natatalo mo ako? Pareho naman tayong mga doktor. Pareho ang sinumpaan nating tungkulin. Hindi ako ang kalaban mo rito, Marcus,” saad naman nio Raymond.

“Kahit kailan ay hindi ko matatanggap na isang kagaya mo lang ang makakapantay sa akin. Hindi ka nababagay sa mundong ito, Raymond. Bumalik ka na lang sa lusak na pinanggalingan mo!” saad naman ni Marcus.

Advertisement

Kahit gigil na gigil na itong si Raymond ay pinili pa rin niyang magpakumbaba. Lumipas ang mga taon ay hindi na lang siya kumibo sa lahat ng patutsada ni Marcus.

Hanggang isang araw ay laking gulat niya nang ipatawag siya sa operating room.

“Dok, si Dok Marcus po ang pasyente ninyo. Kailangan po siyang operahan kaagad sa puso. Masama po ang kaniyang lagay,” saad pa ng nars.

Daling isinagawa ang operasyon sa naturang doktor. Nang makita ni Marcus kung sino ang doktor na oopera sa kaniya ay pilit siyang nanlalaban. Hirap man ay pilit niyang inaayawan ang nangyayari.

“Ako na ang bahala sa iyo, Marcus. Gagawin ko ang lahat para bumalik ka sa dati,” saad ni Raymond.

Inabot ng walong oras ang operasyon sa puso ni Marcus. Lahat ay naghihintay ng kasagutan kung ano na ang mangyayari. Hanggang sa lumabas na si Dok Raymond sa naturang operating room.

“Tagumpay ang operasyon. Kailangan na lang siyang suriin upang masiguro na magiging maayos ang kaniyang kalagayan!” masayang ibinilita ng doktor sa lahat.

Nang magkamalay itong si Marcus ay hindi pa rin siya makapaniwala na si Raymond ang gumamot sa kaniya.

Advertisement

“Paano mo nagawang iligtas ang buhay ko gayong malaki ang pagkakasala ko sa iyo? Kahit na puro kasamaan ang ginawa ko sa iyo’y narito pa rin ako at humihinga,” tanong ni Marcus.

“Madali lang namang sagutin ‘yan, Marcus. Pareho tayong doktor. Pareho ang sinumpaan nating tungkulin na sumagip at dugtungan ang buhay ng tao. Isantabi mo na lang muna ang inis at galit mo sa akin. Sa ngayon ay hayaan mo munang tulungan kitang gumaling,” saad naman ni Raymond.

“Sige, dok, ikaw na ang bahala sa akin. Maraming salamat sa iyo. Hindi ko inaasahan na darating ang araw na ito at magkikita tayong muli sa ganitong sitwasyon,” saad muli ni Marcus.

Napatunayan ni Raymond na talagang bukal sa kaniyang damdamin ang pagsisilbi na kaniyang ginagawa. Naisantabi niya ang sama ng loob niya kay Marcus upang sagipin ang buhay nito bilang isang doktor.

Simula noon ay mas naging malapit na sa isa’t isa ang dalawa. Sa katunayan, pagkagaling ni Marcus ay sinimulan nila ni Raymond ang isang masusing pag-aaral tungkol sa isang malubhang sakit. Dahil sa talino ng dalawa ay mas maraming pananaliksik ang kanilang napagtagumpayan.

Ngayon ay matalik na magkaibigan na ang dalawa at magkasangga sa pagpapalakad ng sarili nilang ospital.