Lalong Kinatakutan ng mga Magsasaka ang Bagong Mamamahala sa Hacienda; Hindi Nila Akalaing Ito pala ang Kayang Gawin Nito

“Aba’y tanghali na at ‘yan lang ang natapos niyo? Paano ako matutuwa na lakihan ang mga pasahod sa inyo’y kay tatamad ninyong lahat? Kung hindi lang ako naka kompromiso kay governor ay matagal ko na kayong pinaalis lahat dito sa lupain ko at kukuha na lang ako ng ibang magtatanim. Mga mas bata at mas mabilis kumilos!” saad ni Don Narciso sa kaniyang mga tauhan habang lumilibot sa kaniyang hacienda.

“Don Narciso, kung mamarapatin n’yo naman po, kay tagal na naming hinihiling na taasan niyo kami ng porsyento sa lupang aming sinasaka. Hindi naman po lalago ang kabuhayan ninyo kung hindi dahil sa aming mga magsasaka,” saad ni Aling Lena, matagal nang tauhan sa lupain. 

“Kakasabi ko lang na gusto ko na kayong palayasin lahat dahil sa kakuparan ninyo, tapos ngayon ay nanghihingi ka pa sa akin ng taas ng pasahod? Kung gusto ninyong kumita ng malaki ay galingan ninyo at sipagan ninyo sa pagtatanim! Kay kakapal ng mukha ninyong mag-asam pa sa akin ng mas malaki gayong hanggang ngayon ay wala pa kayo sa kalahati ng sakahan!” bulyaw pa ng don.

Nais pa sanang bumwelta ni Aling Lena ngunit pinigilan na siya ng iba pang kasamahan.

“Huwag na po kayong sumagot, Aling Lena. Baka nakakalimuitan n’yo po ang ginawa ni Don Narciso kay Mang Ador. Basta na lang siyang pinalayas dito sa hacienda. Ngayon po ay wala nang nakakaalam kung nasaan na siya,” sambit naman ni Ka Berting. 

Nagpupuyos na ang damdamin ng lahat ng mga tauhan ngunit wala silang magawa. Saan nga ba sila pupulutin kung hindi rin sila magtatrabaho sa sakahan? Halos lahat kasi sa kanila ay pawang mga walang pinag-aralan at ang tanging alam lamang ay magtanim.

Ilang araw ang nakalipas at bigla na lang may kumalat na balita. Magbabalik na raw ang anak ni Don Narciso mula sa ibang bansa. Ito na raw ang mamamahala sa hacienda.

“Hindi ba’t sakit ng ulo ni Don Narciso ang binatang iyon kaya ipinatapon sa Amerika? Ang balita nga noon ay kahit nasa ibang bansa na raw ‘yun ay wala pa ring ginawa kung hindi makipag basag-ulo. Marahil ito ang dahilan kung bakit laging mainit ang ulo ng don,” wika ni Ka Berting.

Advertisement

“Kung walang puso ang ama ay lalong walang puso ang anak. Pare-pareho silang mayayaman. Wala silang pagtingin sa mga kagaya nating mahihirap. Tayo naman ang dahilan kung bakit sila lalong yumayaman. Kung walang magsasaka ng lupang ito ay wala rin naman silang aanihin. Bakit kasi hindi ninyo ako tulungan na ipaglaban ang karapatan natin? Ilang dekada na rin nating sinasaka ang mga lupa namin simula pa sa mga magulang natin. Panahon na siguro upang ibigay nila sa atin ang dapat ay sa atin!” sambit ni Aling Lena. 

“Walang laban ang tulad natin. Kahit kailan ay hindi tayo papanigan ng batas!” dagdag pa ng isang magsasaka.

“Ihanda na lang natin ang mga sarili natin sa pagbabalik ng anak ni Don Narciso. Tiyak kong lalong maghihirap ang buhay natin sa pamamahala niya,” saad pa ng ginang.

Makalipas ang ilang linggo ay dumating na rin ang nag-iisang anak ni Don Narciso na si Francis. Hindi pa man nagtatagal sa mansyon ay isinama agad ito ng kaniyang ama at inilibot sa hacienda.

“Kaya mo bang pamunuan ang lupaing ito, Francis? Matanda na ako. Sa tigas ng ulo ng mga magsasaka rito ay baka kung ano pa ang mangyari sa akin. Ibinibigay ko na sa iyo ang sakit ng ulo ko! Sana ay magbago ang pananaw nila kapag ikaw na ang namahala,” wika ni Don Narciso sa anak.

“Kasing tigas ba ng ulo ko? Baka kailangan nilang latiguhin upang matutong sumunod,” pagpapatawa ng binata. 

“Huwag kang mag-alala, papa, ako na ang bahala sa lupaing ito. Mapapasunod ko ang mga tauhan mo sa lalong madaling panahon,” saad pa ng binata.

Sa pakiramdam ng mga magsasaka ay lalong mahihirapan ang buhay nila sa pamamalakad ni Francis. Sa itsura pa lang kasi nito ay tiyak na walang sinasanto.

Advertisement

Kinabukasan ay muling nagtungo sa taniman itong si Francis. Naabutan niya ang mga tauhan na nagkukwentuhan at nagkakainan. Tamang-tama kasi na oras na rin ng kanilang pahinga.

“Tama nga ang aking ama. Kay kukupad ninyong kumilos. Alam n’yo bang marami ang nais na pumalit sa inyong kinalalagyan? Maraming nais na magkaroon ng trabaho. Sabihin n’yo lang kung ayaw n’yo na ng ginagawa ninyo,” saad ni Francis.

“Buong araw kaming nagtrabaho sa taniman ninyo. Hindi naman kami mga hayop, ginoo. Oras na po ng pahinga namin,” sagot naman ni Aling Lena.

“Aba’y kay tapang din naman ng isang ito. Napakatalim ng dila mo. Hindi mo ba kilala kung sino ang kinakausap mo? Matanda ka man sa akin ay ako pa rin ang amo mo!” dagdag pa ng binata.

“Nagsasabi lang ho ako ng totoo, ginoo. Paano kami gaganahang magtrabaho gayong ginigipit kami ng iyong ama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya binibigay ang kaunting taas ng porsyento na hiling namin! Buong buhay namin ay iniaalay namin sa pagtatanim sa lupain ninyo. Ngunit sa tuwing anihan ay kakarampot lang ang napupunta sa amin. Kulang na kulang pa para sa pamilya namin!” giit pa ni Aling Lena kahit na pinipigilan na siya ng ibang kasamahan.

“Hindi ba’t dito rin kayo sa lupa namin nakatira? Hindi pa ba sapat iyon na hindi kayo sa natutulog sa lansangan ng pamilya n’yo? Talagang wala pala kayong utang na loob sa nagpapakain sa inyo!” sambit muli ng binata.

“Kung may iba lang kaming mapupuntahan ay hindi namin titiisin ang buhay na mayroon kami rito. Masahol pa sa hayop ang tingin ninyo sa amin. Mabuti pa ng ang mga kabayo ninyo ay alagang alaga. Samantalang kaming nagtatanim para meron kayong naihin ay madalang kumain.”

“Kung ayaw n’yo naman ng trabaho n’yo ay makakaalis kayo. Bukas ang hacienda. Kahit saan kayo dumaan!” mariing sambit ni Francis.

Advertisement

Patuloy na pinipigilan ng mga kasamahan itong si Aling Lena dahil kita na nila sa mukha ni Francis na hindi ito natutuwa sa pagsagot-sagot nito.

“Aling Lena, tama na po. Baka makagaya kayo kay Mang Ador. Ayaw namin kayong mapahamak. Sumunod na lang tayo sa gusto nila. Wala rin naman tayong magagawa,” saad naman ni La Berting.

Nang mga sumunod na araw ay mataas ang tensyon sa taniman. Pinakikiramdaman ng lahat ang susunod na hakbang ni Francis. Malaki ang tyansa na mapaalis si Aling Lena at matulad ito sa kasamahan nilang si Mang Ador kaya naman pilit nila itong tinatago.

Kaya naisipan rin ng mga magsasaka na lumaban na lang rin kung mapapahamak si Aling Lena. Hinanda nila ang kanilang mga kakailanganing armas. Kabado ang lahat dahil handa na sila sa anumang mangyayari.

Noong araw rin na iyon ay nagtungo sa taniman itong si Francis kasama ang ilang tauhan ng ama.

“Kung si Aling Lena ang kailangan mo ay hindi namin siya ibibigay sa inyo!” saad ni ka Berting. 

“Nais ko lang siyang anyayahan sa isang pag-uusap. May nais lang akong sabihin sa kaniya!” saad ni Francis sa ginoo.

“Kung may nais kang sabihin sa kanya ay dapat rin naming marinig. Hindi na kami natatakot sa inyo. Lalaban na kami kung kinakailangan!” giit pa nito.

Advertisement

Ngunit iginiit din ni Francis ang kaniyang gusto. Sa tulong ng mga tauhan ng ama ay nahanap nila si Aling Lena sa bahay nito. Agad nila itong dinampot at saka isinama.

“Huwag na kayong gumawa ng kahit anong hakbang. Ako na ang bahala! Ayaw kong madamay pa kayo!” saad pa ng ginang.

Lahat ay kinakabahan sa maaaring mangyari sa matandang ginang.

Ilang oras din ang lumipas at hindi na mapakali ang lahat. Hanggang sa biglang natanaw na lang nila si Aling Lena na patakbong bumabalik patungo sa kanila.

“Dininig na ng mga amo natin ang gusto nating mangyari! Makakaraos na tayo! Makakaraos na tayo sa wakas!” masayang bungad ni Aling Lena sa mga kapwa magsasaka.

“N-ngunit paanong nangyari ‘yun? Hindi ba’t galit na galit ang anak ni Don Narciso sa ginawa mo noong isang araw?” pagtataka ni Ka Berting.

“Dahil sa labis na paglaban ko ay siniyasat niya ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka. Ang bintang iyon ay kinuha ang mana sa kaniyang ama upang mapagbigyan ang hiling natin. Wala nang magawa si Don Narciso dahil narito na sa kasulatan ang lahat. Salamat sa Diyos at pinakinggan na ang mga dalangin natin. Hindi lang tataas ang porsyento natin kung hindi babahagian din tayo ng lupang magiging sa atin. Hulog ng Diyos si Francis sa atin!” naiiyak na wika pa ng ginang. 

Labis ang pasasalamat ng mga magsasaka dahil sa paglaban ni Aling Lena. Ngunit higit din ang pasasalamat nila kay Francis dahil dininggin nito ang kanilang hiling. Sino ba ang mag-aakala na ito lang pala ang tutupad ng kanilang matagal nang minimithi?

Advertisement

Sa pamamalakad ni Francis ay naging mas maayos at mas masagana ang hacienda. Hinayaan na rin ni Don Narciso ang nais ng anak dahil nakita niyang mas napabuti ang kanilang lupain.

Mula noon ay naging maginhawa na ang buhay ng mga magsasaka. Lalo nilang pinagbuti ang kanilang trabaho dahil nararamdaman na nila ngayon ang kanilang halaga.