Hindi Tanggap ng Dalagang Ito ang Tunay na Ina dahil Ito’y Isang Bilanggo; Manlulumo Siya sa Katotohanang nasa Likod ng Kanilang Nakaraan

“Marisol, sige na. Baka naman gusto mong dalawin ang tunay mong ina,” nakalabing sabi sa kaniya ng Ate Alexa nang minsang makapag-usap sila. Anak ito ng kaniyang kinilalang ina buhat nang ipagbilin siya ng kaniyang tunay na ina sa mga ito.

Agad namang napakunot ang noo niya. “At bakit ko naman gagawin ’yon?” naiinis na tanong niya. Talagang napakabilis mag-init ng ulo niya sa tuwing mababanggit ang mga salitang ’yon.

“Kaarawan na niya sa makalawa, Marisol. Dalawin mo naman siya! Maawa ka naman. Kahit naman anong gawin mo, kahit pagbali-baliktarin mo pa ang lahat, hindi mo pa rin maiaalis na siya ang tunay na nagluwal sa ’yo sa mundong ’to,” katuwiran pa nito na mukhang determinadong kumbinsihin siya.

“Ate, alam mo namang hindi ko itinuturing na kadugo ang babaeng ’yon! Kayo ni mama ang tunay kong pamilya. Hindi siya! Isa pa, ano na lang ang sasabihin ng friends ko kapag nalaman nilang ampon ako? And worst, kapag nalaman nilang isang bilanggo ang tunay na nanay ko?” ngunit giit pa rin ni Marisol.

“Bakit ba iniintindi mo ang sasabihin ng ibang tao? Marisol, nanay mo ang pinag-uusapan natin dito! Please naman, magkaroon ka ng puso para sa kaniya!” Ayaw pa ring tumigil ng kaniyang Ate Alexa kaya naman napatayo na sa inis si Marisol.

“Bakit ba ipinagpipilitan mo sa akin ang babaeng ’yon ngayon, ate? Ayaw mo na ba akong maging kapatid? Ayaw n’yo na ba sa akin ni mama? Palibhasa kasi, hindi mo alam kung ano ang pakiramdam na may nanay kang nasa bilangguan. Kung gaano ako nahihiya na isa siyang masamang tao!”

“Iyan! Iyan mismo ang dahilan kung bakit kinukulit kita ngayon, Marisol! Hindi ko na kayang makitang ginaganito mo ang tunay na ina mo gayong wala naman siyang ginawang kasalanan sa ’yo! Alam mo bang malaki ang utang na loob mo sa kaniya? Kung hindi dahil sa kaniya—”

“Ano, ate? Kung hindi dahil sa kaniya, wala ako sa mundong ’to? Sana nga hindi na lang niya ako ipinanganak. Nandidiri ako sa kaniya. Nandidiri akong naging anak ako ng isang masamang tao!”

Advertisement

Malakas ang naging paglagapak ng palad ng kaniyang Ate Alexa sa mukha ni Marisol, dahil sa ginawa niyang pagputol sa sana’y sasabihin nito. Gulat namang napahawak siya sa kaniyang pisngi na pakiramdam niya ay namanhid dahil doon.

“Oras na siguro talaga para malaman mo ang totoo, Marisol. Patawarin sana ako ni tita dahil sasabihin ko sa ’yo ito kahit na ayaw niya, pero hindi ko na kaya itong ginagawa mo sa kaniya…” sabi pa nito sa galit na tono. “Kung hindi dahil sa tunay mong ina, Mirasol, matagal ka na sanang wala sa mundong ito. Kung may dapat ka mang kamuhian ay hindi siya iyon, kundi ang tatay mo na noong bata ka’y walang habas kang sinaktan at halos bawian ng buhay dahil lang lulong siya sa ipinagbabawal na gamot!”

“Alam mo ba kung ano ang ginawa ng tunay mong ina nang makitang halos hindi ka na makahinga dahil hawak ka sa leeg ng iyong ama, gayong dalawang taong gulang ka pa lang noon? Hindi siya nagdalawang isip na piliin ang buhay mo kaysa sa buhay nilang mag-asawa. Iniligtas ka ng iyong ina sa kamay ng ama mo na naging dahilan upang bawian ito ng buhay… at iyon ang kwento sa likod ng pagkakabilanggo ng babaeng kinamumuhian at ikinahihiya mo ngayon!” umiiyak na pagpapatuloy pa ng kaniyang Ate Alexa.

Biglang napaluhod si Mirasol sa mga narinig. Nanlumo siya at halos hindi makapaniwala! Gusto niyang saktan ang sarili. Paano niyang nagawang pasakitan nang ganoon ang taong inialay ang buong buhay niya para sa kaniya?!

“Napakawalang kwenta kong anak, ate!” umiiyak na sabi niya pa kaya naman agad siyang niyakap nito.

“Hindi pa huli ang lahat, Marisol. Puntahan mo ang ’yong ina at yakapin mo siya nang mahigpit. Iyon lang ang tanging hiling niya ngayong kaarawan niya,” sabi pa nito.

Dali-dali namang nagpunta si Marisol sa presinto at doon ay lubos na humingi ng tawad sa ina. Ipinahayag niya ang labis niyang pasasalamat. Bukod doon ay nagpasiya siyang muling pabuksan ang kaso at ilaban ang katotohanan sa likod ng ginawa ng kaniyang ina…at sa pagkakataong ito ay nanalo sila.

Ngayon ay binabawi na nina Marisol at ng kaniyang ina ang mga oras na nawala sa kanila. Ipinaramdam niya sa ina ang pagmamahal na matagal niyang ipinagkait dito.