Kinutya at Hinamak ng Babaeng Ito ang Kaniyang Matabang Kaibigan; Hindi raw Ito Magugustuhan ng Binatang Pareho Nilang Napupusuan

“Ano na naman ’yang dala mo? Nangangamoy!” Matindi ang disgustong tanong sa kaniya ng dating kaibigang si Frida, habang nakahawak pa sa sarili nitong ilong.

Agad namang napayukod si May. Napahigpit din ang kapit niya sa dala-dalang baunan na handa na sana niyang iabot kay Christian… ang lalaking pareho nilang napupusuan ni Frida, at ang lalaking dahilan kung bakit ito nagagalit sa kaniya ngayon.

Matagal ding naging magkaibigan sina Frida at May. Unang taon pa lamang nila noon sa highschool ay naging malapit na sila sa isa’t isa na animo magkapatid na rin kung magturingan. Ngunit nagbago ang lahat nang tumuntong sila sa huling taon nila sa highschool at naging kaeskuwela nila ang noon ay bagong lipat na si Christian. Pareho kasi silang nagkagusto sa binata at hindi iyon nagustuhan ni Frida.

Dahil doon ay unti-unting nagbago ang pakikitungo nito sa kaniya. Nag-umpisa siya nitong laitin at pagtawanan sa harap ng kanilang mga kaeskuwela na para bang hindi sila naging matalik na magkaibigan noon. Animo wala silang pinagsamahan! Kaya naman imbes na magpapaubaya na sana siya ay naisip ni May na dapat na lamang niyang ipaglaban ang nararamdaman sa binata.

Magaling magluto si May dahil mahilig din naman siyang kumain, at iyon ang ginagamit niya ngayon para mapalapit sa binata, dahil naniniwala siya sa kasabihang, “A way to a man’s heart is through his stomach.”

Ngunit lalo siyang pinagtatawanan ni Frida dahil doon. Sabi nito, wala raw lalaking mas pipiliin ang isang mataba at pangit na babaeng kagaya niya kumpara sa ’tulad nitong maganda na’y balingkinitan pa ang hubog ng katawan. Wala raw sinuman ang hindi maaakit sa kaniya, kaya naman madalas ay nawawalan na ng pag-asa si May.

Sa totoo lang ay wala namang kaso sa kaniya kahit hindi siya magustuhan ni Christian. Ang gusto lang naman niya ay pasayahin ito kahit minsan lang, sa pamamagitan ng mga putaheng kaniyang iniluluto. Bukod doon, natutuwa rin kasi siya dahil kailan man ay hindi ipinakita ni Christian na hindi nito gusto ang mga iniluluto niya. Katulad na lang ngayon…

“Wow, alamang ba ’yong naaamoy ko, May?” biglang singit ni Christian sa kalagitnaan ng pangungutya sa kaniya ni Frida. “Kare-kare ’yan, ano? Iniluto mo ’yong paborito ko!” masayang sabi pa nito sabay sunggab sa hawak niyang baunan.

Advertisement

“Huwag mong sabihing kakainin mo ’yang dala ni May, Christian? Hindi ka ba nandidiri sa masangsang na amoy na nanggagaling d’yan? Saka, hindi ka ba natatakot na baka tumaba ka rin katulad ni May kung kakain ka nang kakain ng mga dala niya?” tatawa-tawang singit naman muli ni Frida sa usapan na ikinaangat ng mukha ng binata.

“Ano namang masama sa pagiging mataba kung malusog naman siya? Kaysa naman sa ’tulad mo na kailangan pang gutumin ang sarili para lang manatiling maganda sa mata ng ibang tao. At least si May, kuntento siya sa kung anong mayroon siya dahil wala siyang pakialam sa sasabihin mo. Wala naman kasing kwenta,” pambabara pa ni Christian sa babae sabay hablot ng kamay ni May na nang mga sandaling ’yon ay napapanganga. Hindi siya makapaniwalang ipinagtanggol siya ni Christian laban sa magandang si Frida!

“Huwag kang papaapekto sa mga sinasabi n’on, May. Naiinggit lang ’yon sa ’yo kasi napakarami mong magagandang katangian, samantalang siya, pisikal na anyo lang ang maganda sa kaniya,” napapangiwi pang sabi sa kaniya ng binata nang makaupo na sila sa isang mesa sa kanilang canteen. “Sa totoo lang, hindi nga ako nagagandahan doon, e. Ayaw ko ng babaeng masiyadong conscious sa hitsura niya kaysa sa ugali niya. Mas nagagandahan pa nga ako sa ’yo, e,” tila wala lang na dagdag pa nito sabay subo ng kaning may kare-kare.

Talagang hindi na nakapagsalita pa si May dahil doon. Natulala na lamang siya sa harap ng binata na maya-maya ay napansin nito. “Bakit naman parang gulat na gulat ka? Hindi mo ba alam na ganoon ang tingin ko sa ’yo?”

Umiling si May bilang tugon sa binata. Napatampal naman ito sa sariling noo. “Ibig sabihin, hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw sa ’yo na nililigawan kita?”

Nanlaki ang mga mata iya sa muling sinabi ng binata. “N-nanliligaw ka?” hindi makapaniwalang tanong niya.

Napapikit si Christian dahil doon. “Kaya pala ang tagal ko nang nanliligaw, pero hanggang ngayon hindi mo pa rin ako sinasagot! Hindi mo pala alam!” Parang gusto nitong maiyak matapos sabihin ’yon.

Nasaksihan ni Frida ang lahat ng pangyayaring ’yon kaya naman halos madurog ang puso niya. Ngunit noon din ay pinagsisihan niya ang mga ginawa niya kay May. Sa totoo lang ay matagal na niyang alam na si May ang gusto ni Christian kaya naman lahat ay ginawa niya upang paglayuin ang dalawa.

Advertisement

Sa pagkakataong ito ay pinili na lamang ni Frida na gumawa ng tama. Lumipat siya ng eskuwelahan upang hindi na makagulo pa kina May at Christian na ngayon ay opisyal nang magkasintahan. Ganoon pa man ay umaasa pa rin si Frida na balang araw ay mapapatawad siya ng kaniyang dating pinakamatalik na kaibigan.