Napansin ng Ama na Kakaunti lang Kung Kumain ang Kaniyang Anak Simula nang Umuwi Siya; Nakagagalit na Katotohanan pala ang Kaniyang Matutuklasan

Maraming dalang tsokolate at iba’t ibang pasalubong para sa kaniyang pamilya ang balik-bayang si Nardo, lalong-lalo na para sa nag-iisa niyang anak sa kaniyang unang asawa—si Nadia, mula nang siya ay magtrabaho sa ibang bansa ay iniwan niya sa pangangalaga ng kaniyang bagong kinakasamang si Laura.

Inaasahan niyang sasalubungin siya ng kaniyang mahal na anak, dahil natatandaan niyang isa itong bibo at masayahing bata na kinagigiliwan ng lahat, lalo na at siksik ang laman nito. Cute na cute ito noon dahil sa pagiging malaman at malusog nitong bata, dahil isa sa paborito nitong gawin ay ang kumain.

Ngunit ganoon na lamang ang pagtataka ni Nardo nang sa kaniyang pag-uwi ay ni hindi man lamang siya halos lapitan ng bata. Nagtatago lamang ito sa sulok at bahagyang nakasilip sa hamba ng pintuan ng kanilang kusina. Samantalang ang mga anak ng kaniyang kinakasama sa dati nitong asawa ay masiglang naghahalungkat na sa kaniyang mga dalang pasalubong.

“Nadia, anak, bakit ayaw mong lumapit kay papa? Nandito na ako, o!” tawag niya sa anak na agad namang sinagot ng kaniyang kinakasamang si Laura.

“Naku, Nardo, napakamahiyain talaga n’yang anak mo. Ni hindi nga halos lumalabas ’yan ng bahay, e,” sabi nito. Napakunot naman ang noo ni Nardo sa pagtataka dahil alam niyang hindi naman gano’n ang anak niya. Tila naalarma naman si Laura kaya muli itong nagsalita. “Nagdadalaga na kasi kaya lumalaking mahiyain. Nadia, anak, halika na rito. Magmano ka sa papa mo, dali,” magiliw pang baling nito sa bata.

Nagsimula namang humakbang si Nadia at nagmano sa ama. Pagkatapos ay niyakap siya nito nang napakahigpit na lalo namang nakapagbigay ng pag-aalala kay Nardo.

“Anak, marami akong pasalubong sa ’yo. Hindi ba’t paborito mo ang mga tsokolate? Halika na’t kumuha ka. Kahit ilan ang gusto mo, anak ko.” Inabutan ni Nardo ng tsokolate ang anak, ngunit tila ayaw iyong tanggapin ni Nadia, sa kabila ng halatang pagkakatakam nito habang nakatingin sa mga hawak niya.

“H-huwag na po, papa. Baka po kasi masira ang ngipin ko. Kina Kuya Jake n’yo na lang po ibigay ’yan. D-doon po muna ako sa kwarto, a?” tugon pa nito na hindi na siya hinintay pang sumagot at dumiretso na lamang ito sa sarili nitong silid.

Advertisement

Nagtataka man ay mas pinili na lamang ni Nardo na manahimik. Ang ginawa niya’y ipinagbukod na lamang niya ng pagkain ang kaniyang anak at inihatid sa kwarto nito ang mga pasalubong na dala niya para dito.

Nang gabing iyon, habang naghahapunan sila ay pansin ni Nardo na ni hindi man lamang kumakain ng karne si Nadia. Kung hindi gulay ay sabaw lamang ng ulam nilang nilaga ang kinakain nito, kasabay ng kakarampot na kanin sa kaniyang plato. Matamlay din ang hitsura ni Nadia na animo walang gana, ngunit muli ay nanatiling tahimik si Nardo.

Kinabukasan ay nagpaalam siya sa kaniyang kinakasamang si Laura na isasama niya si Nadia sa bahay ng kaniyang dating mga biyenan, dahil gusto nila itong makita. Nagtangka pa siyang pigilan nito ngunit maging sa pagtutol ni Nadia ay hindi rin siya nagpatinag. Ang totoo ay hindi naman talaga sila pupunta sa bahay ng kaniyang dating mga biyenan, bagkus ay isasama niya si Nadia sa doktor upang ipakonsulta. Siya ang ama nito kaya naman alam ni Nardo na may mali sa kaniyang anak.

Ilang oras ang itinagal ng konsultasyon, at nang lumabas ang doktor ay halos gumuho naman ang mundo ni Nardo. Doon ay nakumpirma niyang minamaltrato nga ni Laura ang kaniyang anak! Halos madurog ang kamao niya sa sobrang galit habang nakikipag-ugnayan siya sa mga pulis upang ipahuli ang bagong kinakasama. Hinding-hindi niya ipagpapalit dito ang kaniyang prinsesa!

“N-Nardo, a-ano’ng ibig sabihin nito?!” Nanlaki ang mga mata ni Laura nang umuwi siyang may kasama nang mga pulis.

“Akala mo ba’y hindi ko alam na may ginagawa kang kawalanghiyaan sa anak ko? Oras na para pagdusahan mo ang ginawa mo sa kaniya!” galit namang sagot ni Nardo at niyakap ang ngayon ay umiiyak niyang anak.

Nalaman niya na habang nasa abroad siya ay ginugutom pala ni Laura si Nadia. Bukod doon ay palagi rin nitong minamaltrato ang bata. Lumabas din sa konsultasyon nito sa doktor na minsan ay minsan nang naospital si Nadia dahil sa matinding pananakit na natamo nito mula kay Laura, at lahat ng iyon ay walang ideya si Nardo. Noon din ay ipinangako ni Nardo sa kaniyang anak na hinding-hindi na muli nito mararanasan ang mga ’yon, dahil hindi na siya muling aalis.

Nadala nang makipagrelasyon pang muli si Nardo kaya naman napagdesisyunan niyang gugulin na lamang ang buong buhay niya para sa anak. Naging masaya naman ang mag-ama sa piling ng isa’t isa.