Pinalayas ng Lalaki ang Kaniyang Sariling Anak; Ngunit Hindi upang Pahirapan Ito Kundi para Iligtas sa Kamay ng Malupit Nitong Madrasta

Umiiyak si Daniela habang yapos-yapos ang bag na itim na inihagis sa kaniya ng kaniyang ama. Naglalaman iyon ng lahat ng kaniyang mga gamit, dahil pinalalayas na siya nito sa kanilang tahanan.

“Papa, ayaw po kitang iwanan. Huwag mo na akong paalisin!” umiiyak na sabi ng labinlimang taong gulang na dalagita sa ama na bagama’t hindi nagpapakita ng emosyon sa mga sandaling ’yon, alam niyang nahihirapan din.

“Umalis ka na, Daniela! Hindi ka na namin kailangan dito! Pabigat na nga ako sa Tiya Hilda mo’y dadagdag ka pa!” sigaw pa ng kaniyang ama na lalong ikinahagulhol ni Daniela, hindi dahil sa nasasaktan siya sa mga sinabi nito, kundi dahil alam niyang hindi iyon ang tunay na nasa isip ngayon ng kaniyang ama.

Mahal na mahal siya nito kaya nito iyon ginagawa. Alam ni Daniela na hindi na kaya ng kaniyang ama na nakikita nitong sinasaktan siya ng kaniyang madrasta kaya naman mas pipiliin pa nitong palayasin na lamang siya upang makawala siya sa kalupitan nito!

Buhat kasi nang umuwi ang kaniyang ama galing sa pag-a-abroad ay naging ganito na ang kaniyang madrasta. Paano kasi ay hindi na magagawa pang magtrabaho ng kaniyang ama dahil naputulan ito ng paa sa isang aksidenteng nangyari noon sa kaniyang trabaho. Kasal ang kaniyang ama sa kaniyang madrasta kaya naman hindi nito magawang basta na lang makipaghiwalay, lalo na at alam nitong may karapatan din ang babaeng iyon sa kanilang bahay. Alam niyang malaki ang pagsisisi ng ama sa desisyong pakasalan ito noon.

Lumabas si Daniela na pinagbubulungan ng mga tao ang kaniyang ama. Tinatawag nila siyang walang kuwenta dahil pinabayaan nito ang sariling anak para lang sa babaeng kinakasama. Ang hindi alam ng mga taong ito ay isang sakripisyo ang ginawang ’yon ng ama ni Daniela.

Nakarating siya sa kubong dating tinitirhan ng mga magulang ng kaniyang yumaong tunay na ina. Doon siya nagpalipas ng gabi at doon na rin niya balak na tumira ngayon lalo na at alam niyang pagmamay-ari na nila ang lupang kinatitirikan nito.

Sa pagbukas ni Daniela ng bag na inihagis sa kaniya ng ama kanina ay ganoon na lang ang gulat niya dahil ang laman n’on ay pera! Maraming-maraming pera na ayon sa kalakip na sulat nito ay galing daw sa ibinayad ng kompaniyang pinagtatrabahuhan ng kaniyang ama nang maputol ang kaniyang paa! Nagsinungaling pala ito sa kaniyang madrasta nang sabihin nitong wala siyang nakuhang ni sinco mula roon!

Advertisement

Ginamit ni Daniela ang perang iyon upang mabuhay sa loob ng tatlong taon, habang tinatapos niya ang kaniyang pag-aaral. Bukod doon ay nagtatrabaho rin siya nang sa ganoon ay hindi niya gaanong mabawasan ang nasabing perang napagdesisyonan niyang itago muna sa bangko.

Nang makatapos siya ng dalawang taong kurso sa kolehiyo ay tumigil na si Daniela at nagsimulang magtayo ng negosyo gamit ang kapital na kaniyang naipon. Hindi inaasahang mabilis namang lalaki iyon, hanggang sa unti-unti na siyang umangat sa buhay. Nakapagpagawa siya ng malaking bahay at nakabili ng sasakyan. Dalawang taon pa ang lumipas at talagang isa na ngayong matagumpay na personalidad si Daniela. Ngayon ay kakayanin na niyang kunin ang kaniyang ama mula sa malupit niyang madrasta.

Matagal na pinaghandaan ni Daniela ang muling pagtatagpo nila ng nasabing madrasta, na ayon sa balita niya ay kung kani-kaninong lalaki na pumatol sa loob ng limang taong pagkawala niya. Inilaban niya sa korte ang ginawa nito sa kaniyang ama, at dahil doon ay nawalan ito ng karapatan sa lahat ng ari-arian ng kanilang pamilya kahit pa kasal ang mga ito.

Naging madamdamin ang muling pagtatagpo nila ng ama na sa wakas ay muli na niyang makakapiling. Nalinis na rin niya ang pangalan nito sa mga taong nag-akalang ito ay isang masamang ama.

“Salamat sa ’yo, anak. Hindi ako nagkamali nang gawin ko ang bagay na ’yon sa ’yo, limang taon na ang nakakalipas, kahit na napakasakit para sa akin na makita kang naglalakad palayo,” naluluhang sabi ng kaniyang ama habang inaalala nito ang gabing pinalayas siya nito sa kanilang tahanan.

Agad namang pinahid ni Daniela ang mga luhang naglalandas sa pisngi nito bago niyakap nang mahigpit ang ama. “Huwag kang mag-alala dahil mula ngayon ay hindi na po tayo magkakalayo, papa. Ipinapangako ko ’yan sa inyo. Mahal na mahal ko po kayo.”