Ipit na Ipit na sa Utang ang Lalaking Ito; Paano Niya Naman Kaya Sosolusyunan ang Problemang Ito?

“Victor! Lumabas ka riyan! ‘Wag mo akong taguan!”

Ang matinis na sigaw ni Aling Nena ang bumungad kay Victor nang umagang iyon.

Halos siya palang ang gising sa buong kabahayan nang kumatok ito sa kanila nang walang humpay, tila hindi na makapaghintay na sabihin ang pakay nito.

Lumabas siya para harapin ito. Nahihinuha niya na ang sasabihin nito dahil hindi naman iyon ang unang beses na nangalampag ito. Ngunit minabuti niya pa rin na magtanong.

“Magandang umaga po. Ano pong atin?” magalang niyang tanong.

“Walang maganda sa umaga, Victor. ‘Wag na tayong maglokohan pa dahil alam mo naman ang ipinunta ko rito. Kailan mo mababayaran ang inutang mong pera sa akin? Aba’y ilang buwan na ang nakalipas pero hanggang ngayon, hindi pa rin bumabalik ang perang pinahiram ko,” galit nitong litanya.

Hindi siya agad nakaimik.

“Pasensya na po, pero wala pa kasi akong perang pangbayad. Alam niyo naman po ang sitwasyon ko, hindi ba? Walang-wala rin ako lalo na’t nahihirapan akong magtrabaho nitong mga nakaraang araw dahil hindi maganda ang pakiramdam ko. Lahat ng perang kinikita ko, pinambibili ko ng pagkain para sa mga anak ko,” paliwanag niya. 

Advertisement

Isang matalim na irap ang natamo niya.

“Hindi ko na problema ‘yan, Victor! Sapat na naman siguro ang binigay kong palugit sa inyo. Kapag hindi mo pa rin nabayaran ang inutang mo pagkatapos ng linggo na ‘to, pasensiyahan na lang tayo pero mapipilitan akong magreklamo sa barangay,” banta nito, bago nagdadabog na umalis.

Hindi na siya nakaalma pa, lalo pa’t may isang parte sa kaniya na naiintindihan naman ang desisyon nito.

Alam na alam niyang hindi biro ang kumita ng pera at bawat sentimo ay mahalaga.

“Pano ‘yun, Tatay? Paano natin babayaran si Aling Nena? ‘Pag nagkataon, baka hingin niya ‘tong bahay natin bilang kabayaran,” mula sa likod ay sabat ng isang tinig.

Nilingon niya ang anak. Sa totoo lang ay may punto ito. Sa probinsya kasi nila ay normal ang ganoon. Kapag hindi mo na kayang bayaran ang inutang gamit ang pera, pwede mong ibayad ang mga ari-arian mo. Ang problema, wala naman silang ibang ari-arian maliban sa maliit nilang bahay na buong buhay niyang pinaghirapan para lang maipundar.

“Hayaan mo at hindi ko hahayaan na mangyari ‘yun, anak. Gagawa ako ng paraan. Kung kinakailangan na magtrabaho ako sa bukid maghapon magdamag gagawin ko,” pahayag niya.

Iyon nga ang ginawa niya ng mga sumunod na araw. Halos hindi na siya nagpapahinga. Umulan man o umaraw ,dire-diretso lang siyang nagtatrabaho sa bukid kahit na alam niyang hindi pa rin sasapat ang maghapon niyang pagbabanat ng buto para mabayaran ang utang.

Advertisement

Gayunpaman, umaasa siya na makaipon kahit na kalahati lang ng halagang hiniram niya. Siguro naman ay mapapakiusapan niya si Aling Nena kapag nakita nitong gumagawa naman siya ng paraan.

“Mang Victor, ayos po lang ba kayo? Medyo maputla po kasi kayo. Magpahinga po kaya muna kayo lalo na’t tirik na tirik ang araw,” puna ng kasamahan niyang si Roger nang mapansin siya nito.

Nilingon niya ito bago siya umiling.

“Ayos lang ako. ‘Wag kang mag-alala,” sagot niya kahit na ang totoo hindi maganda ang pakiramdam niya noong araw na iyon. Mukhang naapektuhan na nga siya ng ilang araw niyang pagbababad sa trabaho at kakulangan sa pahinga.

Napansin din ito ng anak at kinumbinsi siyang manatili na lang sa bahay pero hindi siya pumayag. Sabado na kasi, ang huling araw sa palugit ni Aling Nena kaya mas lalong higit na kailangan niyang magtrabaho sa araw na ‘yun.

“Sige po, pero kung may kailangan kayo, sabihin niyo agad sa akin,” paalala ni Roger. 

Nang umalis ito ay saka pa lang siya bumalik sa ginagawa. Pilit niyang inignora ang kumikirot niyang ulo, pero nang hindi niya na makayanan pa ay nagpasya siyang magpunta muna sa lilim ng puno para sandaling magpahinga. 

Sandaling natulala si Victor habang iniisip ang suliraning kinakaharap niya. Ang totoo ay nawawalan na siya ng pag-asa pero wala naman siyang magagawa dahil iyon lang ang tanging paraan na kikita siya kahit paano.

Advertisement

Natigil lang siya sa pagmumuni-muni nang may isang matandang lalaki ang lumapit sa kinaroroonan niya.

“Pwede bang magtanong? Mayroon kasi akong hinahanap na lugar at hindi ako pamilyar dito,” anito.

“Ayos lang naman ho. Ano ho bang hinahanap niyo?” tanong niya pabalik.

Sinabi naman nito ang detalye at dahil kabisado niya na ang probinsya nila, mabilis niyang natukoy ang hinahanap nito.

“Salamat ha. Nakalimutan ko na kasi ang daan, ngayon na lang kasi ako makabalik dito,” nakangiti nitong sinabi.

Tiningnan niya nang mabuti ang matanda. Hindi nga ito pamilyar sa kaniya kaya posibleng dayuhan ito.

“Saan ho ba kayo galing?” usisa niya.

Binanggit nito ang isang malayong lugar.

Advertisement

“Noong isang araw pa ako naglalakad. Hindi na kasi kinaya ng pera ko ang pamasahe kaya napilitan akong maglakad,” kwento nito.

Nanlaki ang mata ni Victor sa narinig. Tinitingnan niya ang matanda na sa tantiya niya ay kasing edaran ng mga magulang niya kung sakaling nabubuhay pa ang mga ito. Agad siyang binalot ng awa. Doon niya lang rin napansin na balot na ng mga sugat at paltos ang mga paa nito.

“Naku, kumain na ho ba kayo? Magpahinga ho muna kayo rito bago kayo umalis,” udyok niya.

Pinaupo niya ito saka inabot ang baong niyang pagkain at tubig. Noong una ay tumanggi ito dahil sa hiya pero nang magpumilit siya ay wala rin itong nagawa.

“Salamat. Kanina pa nga ako nagugutom pero wala akong pambili,” nahihiyang wika nito bago inisang lagok ang tubig.

Bago ito umalis ay inabutan niya ito ng singkwenta pesos para makatulong kahit papaano. Hindi niya kasi kayang tiisin ang matanda.

“Salamat. Napakabait mo, sana ay dinggin ng langit ang dasal ng puso mo,” anang matanda.

“Naku, malabo ho ‘yan. Masungit ho ang inuutangan ko, ginigipit kami. ‘Yun lang naman ang hiling ko—na sana ay bigyan niya pa ako ng panahon para makaipon… Magbabayad naman ako, eh,” hindi maiwasang kwento niya sa estranghero.

Advertisement

Tinapik nito ang balikat niya.

“Maniwala ka, hijo. Hindi nabibigo ang may malinis na intensyon at puso,” anito bago nagpasyang tuluyan nang umalis.

Araw ng Linggo. Kabado si Victor habang tinatahak ang daan papunta sa bahay nina Aling Nena. Dala ang kakarampot na halaga, handa na siyang masigawan at makiusap.

Ang nakangiting mukha ni Aling Nena ang bumungad sa kaniya.

Nahihiyang iniabot niya rito ang sobre.

“Ito muna ho, Aling Nena… Pasensya na po,” nakayukong wika niya sa babae.

Inaasahan niya na ang sigaw nito, ngunit hindi iyon dumating. Bagkus ay tinapik nito ang balikat niya.

“‘Wag mong alalahanin ‘yun, Victor. Magbayad ka kapag kaya mo na. Ang totoo, ako nga dapat ang humingi ng tawad sa mga nasabi ko noon,” anito. 

Advertisement

Nanlaki ang mata niya sa narinig. Bago pa siya makaimik ay muli itong nagsalita.

“Nag-isip-isip ako. Hindi ako dapat manggipit ng sinuman. Hindi ko naman madadala sa hukay ang pera. Mas mahalaga ang relasyon sa kapwa,” paliwanag nito.

“Salamat, salamat po!” hindi matapos-tapos na pasasalamat niya sa matanda.

Habang papauwi si Victor ay isang bagay ang naglalaro sa isipan niya. Tama nga ang misteryosong matanda. May nakakarinig ng panalangin ng ating mga puso. Kaya ‘wag na ‘wag tayong susuko.