Maliit ang Tingin Niya sa Kaniyang “Alalay”; Ikinagulat Niya ang Tinatago Nitong Talento

“Julie, bitbitin mo nga ‘tong bag ko, masyadong mabigat!” pabulyaw na wika ni Hera sa “alalay” niya.

Agad naman itong tumalima.

Bata pa siya ay kasa-kasama niya na si Julie. Anak ito ng katulong nila na si Nilda. Ito ang utusan niya sa bahay, maging sa eskwelahan. Ito rin ang nagsisilbing taga-gawa ng mga gawain sa eskwelahan na tinatamad siyang gawin.

Dahil kaedaran niya lang si Julie ay magkaklase sila. Sa tulong ng kaniyang mga magulang ay nakakapag-aral din ito sa isang prestihiyosong eskwelahan, tulad niya.

Parehas din sila ng kinukuhang kurso sa kolehiyo. Gaya niya ay nangangarap din ito na maging magaling na designer, bagay na madalas niya lang tawanan.

“Hindi mo dapat ipinapantay sa pangarap ko ang pangarap mo. Magkaiba ang estado natin.” Iyon ang madalas niyang sabihin kay Julie.

Isang araw ay isang magandang balita ang dala ng kanilang guro. Alam niya na iyon na ang pagkakataon niya na tuparin ang kaniyang mga pangarap.

“May programa ang eskwelahan. Lahat ay inaanyayahan na makilahok sa isang contest. Kung sino ang makakapag-prisinta ng pinakamagandang damit ay siyang ipapadala sa ibang bansa upang mag-aral doon,” anang kanilang guro.

Advertisement

Agad na kumabog ang dibdib ni Hera. Matagal niya nang pangarap na mag-aral sa ibang bansa! Nakikini-kinita niya na ang magiging buhay niya roon!

Napalis ang ngiti sa labi niya nang mahagip ng tingin niya sa Julie. Mataman itong nakikinig sa sinabi ng guro nila. Gaya niya ay may pag-asam na mababanaag sa mga mata nito.

Napailing na lang siya. Paano ba ito papantay sa kakayahan niya, gayong simula pagkabata ay iyon na ang gusto niyang gawin?

Habang pauwi sila ay unusisa niya si Julie.

“Sasali ka sa contest?” aniya.Tumango ito bago ngumiti.

“Malaking tulong kasi ito sa amin ni Nanay, kung mabigyan man ako ng scholarship. Kaya susubok ako,” determinado nitong saad.

Napailing siya bago muling magsalita.

“Tulungan mo ako sa ipapasa ko ha. Kailangan maganda ang magawa ko. Ikaw ang bibili ng lahat ng materyales na kailangan ko,” walang habas na utos niya.

Advertisement

Agad na bumakas ang pagtutol sa mukha nito.

“Pero, Hera, sasali rin ako. Pwede bang bigyan mo naman ako ng libreng oras?” malungkot na pakiusap nito.

“Aba, hindi ko kasalanan ‘yan! Wala kang karapatan na magreklamo! Kung hindi ka naman pinag-aaral ng mga magulang ko, baka wala ka rito ngayon,” dagdag pa niya.

Natahimik naman ito, tila nasupalpal. Maya-maya ay tumango rin ito at pilit na ngumiti.

“Sige, Hera. Sabihin mo lang at ako na ang bahala sa mga kailangan mo. Tutulungan kita,” anito.

Isang buwan lamang ang binigay sa kanila, kaya naman puspusan talaga ang paghahanda nila. Kay Julie niya ipinagagawa ang mga komplikado at detalyadong proseso. Paraan niya na rin iyon para pigilan ito sa pagsali sa contest.

Nang sumapit ang contest ay labis ang kaba ni Hera. Inimbita niya pa ang kaniyang mga magulang na dumalo sa exhibit upang makita naman ng mga ito ang pinaghirapan niya.

Isa pa, gusto niya na maging proud ang mga ito sa kakayahan niya.

Advertisement

“Anak, ang galing mo naman. Talagang ikaw ang gumawa ng magandang gown na ito?” hindi makapaniwalang bulalas ng kaniyang ina.

Saglit niyang sinulyapan si Julie na kasalukuyang idini-display ang sarili nitong gawa.

“Yes, Mama. Ako po mismo ang gumawa lahat nito,” pagsisinungaling niya. Ang totoo kasi ay malaki talaga ang naitulong ni Julie upang maisaayos niya ang lahat. Wala nga lang maaaring makaalam noon dahil paniguradong aalisin siya sa contest.

Maya-maya ay nagkaroon ng bulungan. Nagulat siya nang makitang isa-isang lumapit ang mga bisita sa pwesto ni Julie.

Pawang papuri ang mga narinig niya.

“Grabe, ang ganda naman!”

“Talaga bang siya ang may gawa niyan?” 

“Parang tinahi ng isang sikat na designer!”

Advertisement

Maging ang kaniyang mga magulang ay todo ang papuri kay Julie. Bakas sa mukha ng mga ito ang paghanga sa alalay niya!

“Grabe, Julie. Ang sipag-sipag mo na, ang talentado mo pa! Sigurado akong malayo ang maaabot mo, hija,” komento ng kaniyang ina, na sinegundahan naman ng kaniyang Papa.

Nang makiusyoso si Hera ay ikinagulat niya ang nakita—isang napakaganda at napakaeleganteng gown din ang tinahi ni Julie!

“Paano siya nagkaroon ng oras na gawin ‘yun?” takang-takang bulong niya.

Dahil sa nakita, ang kumpyansa niya ay unti-unting bumaba. Maganda rin talaga ang gawa ni Julie, at alam niyang makikita iyon ng mga hurado.

Nang dumating ang mga hurado ay inisa-isa ng mga ito ang mga proyekto nila.

Bumalik ang kumpyansa niya nang makita ang reaksyon ng hurado sa gawa niya.

“Maganda ang disenyo mo. Moderno, at tiyak na magugustuhan ng marami,” komento ng isang sa mga hurado.

Advertisement

Napangiti siya nang matamis. Subalit ang sumunod na sinabi nito ay hindi niya inasahan.

“Anong tahi ang ginawa mo rito? Mukhang matibay at hindi agad-agad nasisira,” dagdag tanong nito.

Hindi siya nakaimik. Si Julie kasi ang inatasan niya na magtahi, dahil magaling itong manahi.

Napapailing na lang na umalis ang mga hurado, bakas ang pagtataka at pagkadismaya sa kanilang mga mukha.

Naiwan si Hera na tameme sa isang tabi. Hiyang-hiya siya dahil hindi niya man lang inalam ang proseso na ginawa ni Julie para sa kaniya.

Nang sulyapan niya ang mga hurado ay bakas ang tuwa sa mukha ng mga ito habang kinakausap si Julie. Hindi gaya niya, nasagot nito ang lahat ng tanong na ibinato ng mga hurado.

“Saan ka natutong manahi, hija? Magaling ka na kahit bata ka pa,” narinig niyang usisa ng hurado.

“Sa Lola ko po. Tinutulungan ko siyang manahi ng kung ano-ano noon, kaya natuto akong gumamit ng makina,” paliwanag ni Julie.

Advertisement

Bago matapos ang araw ay mayroon nang desisyon ang hurado kung sino ang mapalad na nagtagumpay sa contest.

“Salamat sa mga nakilahok. Ang nanalo ay walang iba kundi si Julie!” anunsyo ng kanilang guro.

Kitang-kita niya ang saya sa mukha ni Julie, maging ang ina nito. Ang kaniyang mga magulang ay lumapit din upang batiin ang nagwagi.

“Congrats, Julie. Maganda nga ang nagawa mong damit. Sigurado ako na marami kang matututunan sa pag-aaral mo sa ibang bansa,” sinserong wika niya sa dalaga.

Malungkot na minasdan ni Hera ang dinisenyo niyang damit. Napagtanto niya kasi na kahit may talento siya ay marami pa rin siyang dapat matutunan.

Dahil ang nagwawagi ay hindi laging ang pinakamagaling—kundi ang pinakamatiyaga at ang hindi sumusuko gaano man karami ang hadlang. Kagaya ni Julie.