Kasuklam-suklam ang Modus ng Taxi Drayber na Ito; Isang Pasahero ang Nagturo sa Kaniya ng Leksyon

Agad na pinat*y ni Eric ang radyo nang marinig niya ang balita. Mayroon daw gumagalang krim*nal na nananamantala ng mga kababaihan. Wala raw kahit na anong lead ang mga pulis, kaya hindi matukoy ng mga ito kung paano sisimulan ang paghuli sa salarin.

“Hindi niyo ako mahuhuli,” nakangising bulong niya.

Nang matapat siya sa isang bar ay isang babae ang pumara. Agad niyang hininto ang taxi niya upang pasakayin ito.

Napanganga siya nang mabistahan ang mukha ng babae. Napakaganda kasi nito.

“Manong, sa San Juan po tayo,” anito sa isang malamyos na tinig.

Agad na nademonyo si Eric nang manuot sa ilong niya ang matamis na amoy ng pabango ng dalaga, na humalo sa amoy ng matapang na alak. Sa palagay niya ay lasing na lasing ang magandang dalaga.

Panay ang sulyap niya sa magandang pasahero. Hakab na hakab kasi sa manipis nitong katawan ang suot nitong maiksing bestida.

Dahil sa nakahaing kagandahan ay hindi maiwasan ni Eric na tuluyan nang mademonyo.

Advertisement

“Kapag sinuswerte ka nga naman,” nakangising bulong niya.

Nagpatugtog siya ng malamyos na musika nang mapansin na panay na ang paghikab ng dalaga.

“Ma’am, matulog muna po kayo. ‘Wag po kayong mag-aalala at maingat akong mag-drive. Gisingin ko na lang po kayo kapag malapit na,” aniya sa dalaga.

Isang matamis na ngiti ang iginawad nito, na lalo lang nagpatindi sa nararamdaman niyang pagnanasa.

“Sige po, Kuya. Salamat po, ha. Antok na antok na rin kasi ako,” sagot nito. May bahid ng lambing ang bawat salita nito.

Marami ang naglalaro sa isipan ni Eric habang paulit-ulit na sinusulyapan ang magandang dalaga na mukhang malalim na ang tulog sa likod ng sasakyan.

Nang mapadaan sila sa isang liblib na daan ay buo ang loob siyang lumiko pakanan. Malalim na ang gabi at mapuno sa parteng iyon kaya sigurado siya na walang makakapansin sa taxi niyang nakahinto.

Hindi iyon ang unang beses na gagawin ni Eric ang masamang balak. May iilan na ring magagandang pasahero ang dumaan sa kamay niya. Hindi pa naman siya nakukulong, kaya bakit siya matatakot?

Advertisement

Sinulyapan niya pa ang pasahero bago siya bumaba ng sasakyan upang gawin ang maitim niyang balak. Binuksan niya ang pinto ng likurang bahagi ng sasakyan.

Nag-init ang pakiramdam niya nang makita ang bahagyang pagkalilis ng suot ng dalaga, dahilan upang mas makita niya ang makinis nitong hita.

Sabik niya na sanang hihipuin ang braso ng babae nang may marinig siya ingay mula sa likuran. Tila kasi ingay iyon ng naapakang mga sanga.

Dali-dali siyang nagpalinga-linga upang tingnan kung may tao ba sa paligid subalit bumalik na ang katahimikan. Tanging mga kuliglig lang ang maririnig.

Ngunit nang balikan niya ang pasahero ay tila nagtayuan ang lahat ng balahibo sa buo niyang katawan nang makitang wala ang babae sa loob!

“Saan napunta ‘yun?” hintakot na bulong niya habang mariing sinusuyod ng mata niya ang paligid.

Lalo pa siyang nanghilakbot nang biglang tumunog ang radyo sa loob ng sasakyan. Imbes na malamyos na musika ay balita ang narinig niya.

“Pinag-iingat po ang lahat dahil sa gumagalang krim*nal…” 

Advertisement

Marami pa ang tumatakbo sa isip ni Eric at tila wala na siyang maintindihan. Balot na siya ng takot at pangamba. Nasaan na ang pasahero niya?

Humangin nang malakas na nagdulot sa kaniya ng ibayong lamig.

Takot na sumakay siya sa sasakyan at nagdesisyong umalis. Ilang beses pa niyang binuhay ang makina na paulit-ulit na namamat*y. 

Nakahinga siya nang maluwag nang umandar ang sasakyan. Akala niya ay hindi na siya makakaalis sa lugar na iyon.

“Ilang minuto na lang at makakabalik na ako ng kabihasnan,” sa isip-isip ni Eric.

Kaya naman takang-taka siya nang halos tatlumpung minuto na siyang nagmamaneho ay hindi pa rin siya nakakaalis sa masukal na bahagi na iyon ng daan.

At ang pinakakakaiba ay tila paulit-ulit lang niyang nadaraanan ang parte ng daan kung saan siya huminto kanina. Tandang-tanda niya iyon dahil iyon ang isa sa mga likuan kapag papunta na sa dulo ng daanang iyon.

Kaya paanong naroon pa rin siya?

Advertisement

Nangingilabot man ay patuloy na nagmaneho si Eric. Ngunit may nasinagan ang ilaw ng sasakyan niya na labis niyang ikinagulat. Halos humampas pa sa manibela ang mukha niya nang maagap siyang huminto.

Nanlalaki ang matang minasdan niya ang tao sa labas ng sasakyan. Sa mga oras na iyon ay alam na niyang hindi pagkaraniwan ang katauhan ng babaeng bigla na lang naglaho.

Nang makabawi sa pagkabigla ay buo ang loob na hinigpitan niya ang kapit sa manibela at muling pinaandar ang sasakyan.

Ngunit ilang minuto lang ay nakaramdam na naman siya ng pangingilabot. Mula sa likuran kasi ay may nagsalita.

“Matagal pa ba tayo? Malayo pa sa destinasyon ko?” tanong ng dalaga. Wala na ang lambing sa tinig nito.

Sa labis na pagkabigla ni Eric ay nawalan siya ng kontrol sa manibela. Agad siyang sumalpok sa isang puno, dahilan upang mawalan siya ng malay. Nakita niya pa ang nakakakilabot na ngisi ng babae bago siya tuluyang mapapikit.

Kinabukasan ay laman ng balita ang nangyaring aksidente.

“Ligtas na sa panganib ang biktima, subalit nanatili siyang tahimik at tulala, na tila ba na-trauma sa aksidente.”

Advertisement

Wala nang pagkakataon si Eric na ikwento ang kahila-hilakbot niyang karanasan nang makilala niya at pagtangkaang gawan ng masama ang misteryosong dalaga. Marahil iyon na ang karma niya.