Biglang Nanlamig ang Kaniyang Nobyo; May Bago na nga bang Nagbibigay Init at Pagmamahal Dito?

Unang araw na ng Disyembre. Kasabay ng mga nagkukumahog na mamimili sa palengke at mga mall, mga kantang pang-Pasko na maririnig kahit saang panig ng lungsod, at mga naggagandahang pailaw sa mga kabahayan tuwing gabi, lungkot naman ang bumabalot sa puso ng dalagang si Jaja. 

Mag-iisang buwan na niya kasing napapansin na kasabay ng paglamig ng panahon, unti-unti na ring lumalamig ang trato sa kaniya ng kaniyang nobyo sa loob ng siyam na taon.

Kung dati ay palagi itong nakalingkis sa kaniya kahit siya’y naglalaba, nagluluto o naglilinis ng bahay, ngayo’y kahit silang dalawa ay nasa iisang silid na, ni hindi siya nito magawang mayakap o kahit man lang kausapin. Palagi lang itong naglalaro ng selpon at pagkatapos noon, agad na ring matutulog.

May pagkakataon pa ngang nagsuot pa siya ng isang seksing damit para lang siya’y mapansin nito. Ngunit imbis na ganahan itong manlambing sa kaniya, siya’y sinigawan pa nito at sinabing, “Bayarang babae ka ba? Bakit ka nakasuot ng gan’yan? Sana hindi ka na nagdamit kung kaunting galaw mo lang luluwa na ang dibdib mo!” na labis na nagpakirot sa puso niya.

Natatakot siya na baka ngayong Disyembre, kung kailan nila ipagdiriwang ang kanilang ika-sampung anibersaryo ay doon siya nito tuluyang iwan. 

Bago dumating ang unang araw ng Disyembre, ilang oras siyang naghintay sa pag-uwi ng kaniyang nobyo upang ito’y tanungin kung saan sila magdiriwang ng kanilang anibersaryo. Ngunit sumapit na ang alas sais ng umaga ng araw ng kanilang anibersaryo, hindi pa rin ito umuuwi.

“Sa bahay muna ako ng mga magulang ko uuwi,” tangi lang nitong sabi sa pamamagitan ng text dahilan para ganoon na lang siya mapahagulgol habang sumisikat ang araw.

Sa bawat oras na lumilipas sa araw na ‘yon, wala siyang ibang nararamdaman kung hindi takot dahil hindi na niya makita ang sarili niya na wala ang binatang nagbigay kulay at saya sa kaniya sa loob ng mahabang panahon. 

Advertisement

“Sana hindi mo ako iwan. Sana wala kang ibang mahal kung hindi ako,” hikbi niya habang patuloy na naghihintay sa muling pagpapadala nito ng mensahe.

Bandang alas dos ng tanghali, tinawagan siya ng kaniyang kaibigan. Siya’y binati nito at hiniling na siya’y maging masaya ngayong espesyal na araw.

“Hindi ko ‘yan magagawa,” sagot niya.

“Bakit, hihiwalayan ka na ba niya? May iba ba siyang babae? Magbihis ka, Jaja, puntahan natin sa bahay nila ang nobyo mo! Baka roon niya inuuwi ang babae niya!” sambit nito dahilan para siya’y magmadaling magbihis at makipagkita rito. 

Kitang-kita niya ang galit sa mukha ng kaniyang kaibigan habang sila’y naglalakad patungo sa bahay ng kaniyang nobyo. Ayaw man niyang gumawa ng eksena roon, siya’y sumunod na lang sa kagustuhan nito para malaman na niya ang katotohanan.

Ngunit, pagdating niya sa bahay ng kaniyang nobyo, sandamakmak na bulaklak ang bumungad sa kaniya.

“Nagtitinda na pala sila ng mga bulaklak?” sabi niya dahil sa labis na pagkagulat.

“Alam mo, iba na ang tama mo, Jaja, para sa’yo ang mga iyan! Ayon ang nobyo mo, o!” sambit ng kaniyang kaibigan saka tinuro ang nobyo niyang may hawak ng gitara dahilan para bumuhos na ang luha niya. 

Advertisement

Lahat ng sama ng loob at takot na kinubli niya ay sabay-sabay na bumuhos sa kaniyang pag-iyak habang pinagmamasdan niyang magtungo sa harapan niya ang binatang nanghaharana sa kaniya.

Buong akala niya’y ito lang ang supresa nito sa kaniya ngunit siya’y halos mawalan ng balanse nang lumuhod na ito sa harapan niya habang hawak-hawak ang isang mamahaling singsing.

“Alam kong gasgas na ang ganitong klaseng surpresa, mahal, pero gusto ko lang malaman mong dumating man ang araw na mawalan tayo ng kilig para sa isa’t-isa, asahan mong gagawa at gagawa ako ng paraan para balikan ang alaalang ito. Wala akong ibang mahal kung hindi ikaw lang, at wala na akong ibang mamahalin pa kung hindi si Jaja lang. Pakakasalan mo ba ako kahit nasaktan ka sa paraan ng pagsusurpresa ko?” sambit nito sa gitna ng mga paghikbi.

“Oo, palaging oo,” tangi niyang sabi kaya agad nang nagsigawan ang kani-kanilang mga kaanak na naroon.

Habang siya’y yakap-yakap ng nobyo matapos isuot ang singsing sa kaniya, ikinuwento nitong sa loob pala ng isang buwang iyon, wala itong ginawa kung hindi ang paghandaan ang surpresang ito. Nagawa pa pala nitong magpunta sa bahay ng kaniyang mga magulang sa probinsya para hingin ang kaniyang kamay.

“Hindi nila ako agad pinayagan dahil nauna pa raw kitang binahay bago kita pakasalan. Sinuyo ko silang maigi, mahal, mabuti na lang bago tayo mag-anibersaryo, napapayag ko na sila,” kwento pa nito at doon niya napagtantong ito na talaga ang binatang gusto niyang makasama sa hirap at ginhawa.

Ilang buwan lang ang kanilang binilang at sila’y nagpakasal na rin. Nag-uumapaw ang saya niya ngayon dahil ang akala niyang buwan ng lumbay ay buwan pa rin pala ng saya at tagumpay.