Mayamang Binata ang Hanap ng Dalagang Ito, Iyon ang Rason Kung Bakit Siya’y Nanggagalaiti sa Kaibigang Pumatol sa Mahirap

Walang ibang hinangad ang dalagang si Noemi kung hindi ang makapangasawa ng isang mayamang lalaki upang maisabuhay na niya ang marangyang buhay na kaniyang pinapangarap simula pa lamang nang mamulat ang kaniyang mga mata sa reyalidad ng buhay. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya maghanap ng mga binatang mayayaman na pupwede niyang makarelasyon.

Sa katunayan, sa edad niyang dalawangpu’t limang taong gulang, nagkaroon na siya ng humigit kumulang sampung mayayamang nobyo na palagi rin naman siyang iniiwang luhaan pagkatapos gamitin ang kaniyang katawan.

Wala naman siyang pinagsisisihan sa lahat ng ito dahil nakuha at naranasan naman niya ang mayamang buhay na pangarap niya kahit sa saglit na panahon.

Palagi niya pa itong binibida sa kaniyang mga kaibigan na ineengganyo niya ring humanap ng mayamang lalaki para silang lahat ay maging masaya at magpakasasa sa pera nang wala silang ginagawa.

“Kayo ba nakapunta na sa Boracay at Palawan sa loob lang ng isang linggo?” pang-iinggit niya sa mga kaibigan habang sila’y naglalakad patungo sa mamahaling restawran na kanilang gustong kainan.

“Naku, ito na naman si Ms. Gold Digger, ibibida na naman ang kaniyang mga lakad sa mga purita niyang kaibigan kahit pagkatapos kuhanin sa kaniya ang Bataan, iniwan din naman siya agad!” sabat ng isa niyang kaibigan na labis niyang ikinainis. 

“Hoy, itahimik mo ‘yang bunganga mo kung naiinggit ka, ha! Humanap ka na rin ng mayamang lalaki para maranasan mo ang sarap ng mayamang bulsa!” sigaw niya rito dahilan para ito’y mapairap na lang sa kaniya.

Habang inaasar-asar niya ang kaibigang ito, napansin niyang abala sa pagpipipindot ng selpon ang isa niya pang kaibigan, “Ikaw din, Clarisse! Balita ko may manliligaw ka na, ha? Mayaman ba ‘yon? Ayos lang kahit mukhang dumi sa laot basta mataba ang bulsa, ha! Itatak mo sa kokote mo ‘yan, hindi ka mapapakain ng kagwapuhan!” sambit niya rito habang pilit na sinisipat ang mensaheng binubuo nito.

Advertisement

“Nandito na pala siya, eh!” masigla nitong sabi matapos mabasa ang mensahe ng manliligaw, “Hi, Ronnie! Halika, pasok na tayo!” yaya nito saka agad na pumasok sa mamahaling restawran.

Nang makita niya ang itsura ng binata, agad niyang hinila palayo ang kaniyang kaibigan at manipis itong kinurot sa tagiliran.

“Kakasabi ko lang, huwag kang kukuha ng gwapong walang pera! Busted-in mo na agad ‘yan! Diyos ko, nakakahiya! Nasa mall tayo tapos ang suot niya lang ay sando at pajama?” pangmamaliit niya rito kaya ito’y bahagyang napatingin sa kaniya.

“Huwag mo naman siya agad husgahan,” malumanay na tugon ng kaniyang kaibigan saka agad na nagpunta sa manliligaw na naghihintay.

“Paanong hindi huhusgahan? Mukhang ikaw pa nga ang pagbabayarin niyan sa kakainin niyo ngayon, eh!” sigaw niya pa rito dahilan para mahiya na rin ang iba niyang kaibigan at siya’y awatin na.

“Noemi, tumigil ka nga. Hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo? Umorder na tayo! Hayaan mo muna silang dalawa mag-usap!” saway ng isa niyang kaibigan saka sila naupo sa isang lamesa kasama ang binatang pinandidirihan niya.

Habang sila’y nakain, napansin niyang malakas kumain ang binata. Panay pa ang order nito ng samu’t saring pagkain at inumin kaya siya’y nag-alala na sa perang tiyak na gagastusin ng kaniyang kaibigan.

“Clarisse, may pambayad ba ‘yan? Panay ang order, ha!” parinig niya rito habang pinagmamasdan ang binatang sarap na sarap sa pagkain at hindi siya pinapansin. Ngumiti lang ang kaniyang kaibigan saka agad na bumalik sa pagkain na talagang labis niyang ikinainis. 

Advertisement

Maya maya pa, tuluyan na silang natapos kumain. Agad niya na ring hiningi ang bill ng kanilang kinain para sana sila’y makauwi na dahil inis na inis na siya sa kaibigang tila baliw na baliw sa lalaking mukhang mahirap. 

“Ano? Kinsemil na agad ‘yong nakain namin?” tanong niya sa waiter, sasagot pa lang sana ito nang biglang agawin ng binata ang resibo sa kamay niya.

“Ako na ang magbabayad, tutal kaibigan naman kayo ng dalagang nililigawan ko, itatrato ko na rin kayo nang mabuti. Sana lang, huwag niyong husgahan ang paraan ko ng pananamit. Ganito ang itsura ko dahil isa akong masipag na direktor na kakagaling lang sa isang taping d’yan sa katapat na hotel. Pasensya na kung hindi ako nakapag-ayos sa unang pagkikita nating lahat,” kwento ng binata saka kumindat sa kaniya. 

Sa labis na pagkahiyang naramdaman niya, siya’y labis na mapatahimik at doon niya lang napansin na kahit nakasando at pajama ito, mamahalin ang suot nitong relos, tsinelas, ang dala nitong bag, at ang gamit nitong selpon.

Bago sila tuluyang maghiwa-hiwalay pagkalabas nila ng restawran, siya’y nilapitan ng binata na labis niyang ikinagulat.

“Huwag ka lang basta maghanap ng isang mayamang binata. Isang mabait na binata ang hanapin mo at sabay kayong yumamang dalawa. Kami ni Clarisse, bata pa lang ako pinangako ko na sa kaniyang liligawan ko siya. Walang-wala pa ako noon, pero sinuportahan at naniwala siya sa akin habang tinutupad niya rin ang pangarap niya. Sana, ganoon din ang gawin mo, kaysa humanap ka ng mayamang binatang sasagot sa luho mo,” pangaral nito na talagang kumurot sa puso niya at paulit-ulit na tumakbo sa isip niya.

“Mali ka ng taong hinusgahan, Noemi,” bulong ng isa pa niyang kaibigan at nang siya’y mapatingin sa kaibigan niyang si Clarisse, nakangiti lang ito sa kaniya saka siya kinindatan.

Gusto man niyang maglahong parang bula noong mga oras na iyon, siya’y napasalamat pa rin sa binata dahil sa aral na binigay nito.

Advertisement

Kaya naman, simula noon, imbes na siya’y mahanap ng mayamang binata, sinimulan niya munang ayusin at pagyabungin ang sarili niya. Siya’y naghanap ng trabaho kasabay ng pagnenegosyo.

Hindi man siya agarang nakakilala ng lalaking makakasama niya sa pagyaman, masaya siyang nabibili at nararanasan niya ang lahat ng gusto niya gamit ang sarili niyang pera.