Naiinis Siya sa Ina Tuwing Sinasabing Pera lang ang Habol sa Kaniya ng Kinakasama; Totoo Pala ang Hinala Nito

Walang mapagsidlan ang inis na nararamdaman ni Joana sa tuwing harap-harapang sinasabi ng kaniyang ina na pera lang ang habol sa kaniya ng bago niyang kinakasama. Hindi niya mawari kung bakit kailangan pa nitong gawin ang ganitong klaseng pamamahiya lalo na’t wala namang masamang pinapakita sa kanilang buong pamilya ang naturang binata.

Sa tuwing pinagtatanggol niya pa ito o kung kaya nama’y sasawayin niya ang matalim na dila ng ina, palagi nitong singhal sa kaniya, “Kapag ‘yan nabisto mong pera lang talaga ang habol sa’yo, huwag na huwag kang iiyak sa akin, ha? Dahil kapag ikaw nakita kong umiyak, papahiran ko pa ng sibuyas at sili ‘yang mata mo dahil sa kat*ngahan mo! Sinong nasa tamang pag-iisip ang papatol nang walang kapalit sa isang katulad mo?” dahilan para ganoon na lang siya manahimik dahil sa sakit na nadarama at paliwanagan na lang ang kinakasama kapag silang dalawa na lang sa silid.

Tatlong taon na simula nang madaanan ng tren ang kaniyang mga paa dahil sa kalokohang ginawa ng dati niyang asawa na naging ugat ng pagkaputol ng kaniyang dalawang paa. Sa katunayan, nagdadalantao pa siya nang mangyari ang aksidenteng iyon kaya nga tinuturing ng kaniyang buong pamilya na himala ang pagkabuhay ng kaniyang anak. 

Hindi niya pa rin lubusang maisip kung bakit sinugal niya ang kaniyang buhay noon maligtas lang ang dati niyang asawa na nais nang sumakabilang buhay na ngayon ay masaya nang naninirahan sa ibang bansa kasama ang bago nitong pamilya. Ngayon tuloy, siya ang naaapektuhan ng ginawa niyang ito na labis na ikinainis ng kaniyang ina.

Simula nang siya’y mapilay, nanlamig na sa kaniya ang asawa niyang ito at hindi man lang hinihintay na siya’y manganak bago siya hiwalayan. Sa sakit na nararamdaman niya noon at sa itsura ng kaniyang katawan, buong akala niya’y wala nang muling magtatangkang umibig sa kaniya.

Ito ang dahilan para itutok niya ang kaniyang buong atensyon sa pagnenegosyo hanggang sa makapagpatayo na siya ng sariling kumpanya ng mga pabango na may daan-daan nang empleyado.

Dito na dumating sa buhay niya ang binatang si Jero na talagang tanggap ang kaniyang kapansanan pati na ang kaniyang anak. Isa niya lang itong empleyado noon ngunit naramdaman niya kung gaano siya ito pahalagahan dahilan para pumayag siyang makipagrelasyon dito nang minsan itong magtapat sa kaniya.

Tutol man ang kaniyang ina sa agaran niyang pagtanggap sa binata, pinaglaban niya ito hanggang sa patirahin niya na rin ito sa kaniyang sariling bahay.

Advertisement

Ngunit isang gabi, habang siya’y matiwasay na natutulog, siya’y pilit na ginising ng tatlong taong gulang niyang anak upang ipakuha sa kaniya ang naiwang laruan sa kanilang sasakyan.

“Naku, anak, gabi na, pwede bang bukas na lang kuhanin ni mommy? Matulog ka na muna ngayon o kaya manuod ka na lang sa selpon ng movie,” payo niya rito, ngunit imbes na siya’y pakinggan, nagwala lang ito sa kanilang kama.

Ang kinakasama niya na lang sana ang kaniyang uutusan ngunit nakita niya kung gaano kahimbing ang tulog nito kaya kahit siya’y hirap na magsaklay papunta sa kanilang garahe, pinilit niya pa rin ang sarili.

Pagbukas niya ng kanilang sasakyan, pabango ng babae ang agad niyang naamoy na labis niyang pinagtaka.

“Wala namang ibang babae ang sumasakay dito, ha? Saka, hindi naman ako ganito kung magpabango!” sabi niya sa sarili, ngunit imbes na mag-isip ng kung anu-ano, minabuti niyang hanapin na lang ang laruan ng anak upang siya’y makatulog na ulit.

Pero imbes na laruan ang makita niya, isang piraso ng pekeng hikaw ang kaniyang nakita. Roon na siya pinakanaalarma dahil hindi naman siya nagsusuot ng pekeng hikaw. 

“Hindi, imposibleng may babae siya!” giit niya habang patuloy na hinahanap sa bawat sulok ng sasakyan ang laruan ng kaniyang anak.

Sa paghahanap niya, isang selpong de pindot na naka-tape pa sa ilalim ng upuan ang nakita niya. Kahit siya’y nanlalamig na sa kaba, matapang niya pa rin itong binuksan at siya’y namulat sa katotohanan.

Advertisement

Sandamakmak na mensahe mula sa isang nagngangalang “Mama Rosie” ang makikita sa selpong iyon at hindi lang ito basta mga mensahe.

“Kailan ka magpapadala ng pera? Akala ko ba mayaman ‘yang nabingwit mo sa Maynila?”

“Magkikita ba tayo ngayon? Sunduin mo ako sa kapitolyo, ha! Gamitin mo ‘yong sasakyan niya para mukha tayong mayaman!”

“Wala nang gatas ang anak mo, magpadala ka na!”

“Salamat sa libre, mahal, bukas ulit? Doon naman tayo sa mamahaling hotel!”

Ilan lang ito sa mga mensaheng nabasa niya na talagang nagbigay ng labis na panghihina sa kaniya. Sa sobrang sakit ng kaniyang nararamdaman, kahit pa sabi ng kaniyang ina na huwag siyang iiyak, tinawagan niya pa rin ito habang siya’y humagulgol.

“Mama…” tangi niyang sabi rito.

“Hintayin mo ako, pupunta na ako,” agad nitong sagot.

Advertisement

Ilang minuto lang ang binilang niya, dumating na ang kaniyang ina at siya’y mariing niyakap. Pinabasa niya rito ang mga mensaheng nakita niya at bago pa siya makapagsalita, agad na itong lumabas ng sasakyan at kinaladkad palabas ng kaniyang bahay ang kinakasama niyang walang kamalay-malay sa natuklasan niya.

“Hubog palang ng mukha mo, alam ko nang pera lang ang habol mo sa anak ko! Manggagamit ka! Imbes na magtrabaho ka, aasa ka sa ibang babae matustusan lang ang pamilya mo!” sigaw nito. 

Kung dati’y nagagalit siya sa ina, ngayo’y naiintindihan niya nang wala itong ibang hinangad kung hindi ang maprotektahan siya sa mga taong ginagamit ang kahinaan niya upang makakuha ng pera sa kaniya.

Durog na durog man ang puso niya noong pagkakataong iyon, siya’y pilit na tinulungan ng kaniyang ina na makabangon at makalimot.

“Naranasan mo na ito dati, anak, kayang-kaya mo nang lagpasan ito ngayon. Nandito lang si mama, susuportahan kita,” payo nito sa kaniya dahilan para muli siyang tumutok sa negosyo at ito’y lalo pang palakihin. 

Nawalan man siya ulit ng katuwang sa buhay, ngayo’y alam na niyang hindi niya kailangan ng lalaki para siya’y sumaya at makumpleto, dahil sa pamilya’t anak niya pa lang, nag-uumapaw na ang sayang nararamdaman niya.