Madalas Siyang Maghari-Harian sa mga Kumpanyang Pinagtatrababuhan; Isang Nakapanghihinang na Pangyayari ang Naranasan Niya

Ilang beses man na siyang natanggal sa trabaho dahil sa ugali niyang paghahari-harian, hindi pa rin gumagawa ng paraan si Mico upang maalis sa kaniya ang hindi magandang pag-uugaling ito. Siya man ay araw-araw nang pagsabihan ng kaniyang misis tungkol dito dahil sa takot nitong baka wala silang makain kung patuloy niya itong gagawin, hindi niya ito pinapansin.

Katwiran niya pa, “Ganito ako, eh, ito talaga ang ugali ko. Kung ayaw nila sa akin, mas ayaw kong magtrabaho sa kanila!” na talagang ikinasasakit ng ulo nito.

Sa katunayan, sa loob lang ng isang taon, hindi bababa sa sampung kumpanya ang napagtrabahuhan niya dahil sa angking niyang talino at galing sa pagsasalita na talagang nakakabilog ng mga kliyente ngunit agad din siyang natatanggal sa mga kumpanyang ito dahil sa reklamo ng kaniyang mga katrabaho sa pamamaraan ng kaniyang pakikisalamuha sa mga ito. 

“Mico, kailan mo ba pipiliting baguhin ang sarili mo? Ang dami mo nang magagandang kumpanyang nasayang! Kung marunong ka lang sana makibagay sa mga katrabaho, siguradong hindi na tayo mamomroblema pa sa kakainin natin para sa kinabukasan!” sabi ng kaniyang asawa nang malaman nitong muli na naman siyang natanggal sa trabaho dahil sa kaniyang ugali. 

“Bakit kailangan kong magbago para sa kanila? Ako ang halos gumagawa ng lahat ng trabaho, dapat, ako ang pakisamahan nila!” sigaw niya rito nang may halo pang pagdadabog. 

“Hindi sapat na matalino at magaling ka lang, Mico! Dapat marunong ka ring makisama!” bulyaw din nito sa kaniya.

“Iyan ang hinding-hindi ko gagawin!” pagmamatigas niya saka binasag ang nahablot niyang baso para tumahimik na ang kaniyang asawa.

Kahit halos araw-araw ang ganitong pag-aaway nila ng asawa dahil sa kaniyang ugali, hindi niya pa ring hinahayaang magutom ito at ang kanilang mga anak kaya panay pa rin ang paghahanap niya ng trabaho.

Advertisement

Kinabukasan, kahit wala pang laman ang tiyan niya, siya’y agad na lumuwas ng Maynila sa pagbabakasaling makatiyempo siya ng swerte roon at hindi nga siya nagkamali dahil pagkababang-pagkababa niya ng bus, isang malaking karatula mula sa isang mataas na gusali ang kaniyang nakita. Naghahanap daw ito ng isang sekretarya.

Dali-dali siyang nagtungo roon at nagpakitang gilas sa may-ari ng naturang kumpanya. Dahil nga likas naman talaga sa kaniya ang talinong taglay at hindi niya nilagay sa dokumento niyang maraming kumpanya ang nagtanggal sa kaniya, siya’y agad nitong kinuha. 

Ngunit sa loob pa lang ng isang buwang pagtatrabaho niya roon, sandamakmak ng empleyado ang nagrereklamo sa kaniya.

Sumbong ng ilan sa mga ito, “Akala mo siya na ang may-ari ng kumpanya kung makapag-utos!”

“Bagong salta lang dito kung makaasta akala mo kung sino!”

Kahit pa ganoon, hindi pa rin siya magawang mapaalis ng mga katrabaho dahil hangang-hanga sa kaniya ang may-ari ng kumpanya. Binabalak pa nga nitong bilhan siya ng sariling sasakyan upang hindi na siya mahirapan bumiyahe araw-araw.

Kaya lang, isang araw, siya’y unang beses na pinapunta ng kaniyang boss sa mansyon nito.

“Feel at home, hintayin mo ako riyan,” bati nito nang siya’y makitang dumating.

Advertisement

Dahil sa basbas na iyon na sinabi ng amo, siya’y hindi na nga nahiya sa pagkilos sa bahay nito. Siya’y nag-ikot-ikot doon hanggang sa makarating siya sa isang silid. Tipikal na silid lang ito ng isang lalaki kaya agad niya na rin itong sinara. 

Ngunit bago pa siya makalabas, may isang lalaki siyang nakabangga at siya’y nabuhusan nito nang mainit na kape. “Ay, sorry po!” sambit nito saka pilit pinunasan ang kaniyang damit.

“Ang kapal naman ng mukha mong tapunan ako ng kape! Sino ka ba, ha? Hindi mo ba ako kilala?” pagyayabang niya rito.”Hindi, eh, sino ka ba?” tanong nito.

“Ako lang naman ang sekretarya ng may-ari ng bahay na ito! Hinding-hindi niya ako mapalitan dahil sa talino ko kaya kung ako sa’yo, magbigay galang ka sa akin,” sabi niya na ikinatawa lang nito, “Tatawa-tawa ka pa, ha!” wika niya pa saka ito inambahan ng suntok.

“Pinalagpas ko ang lahat ng reklamo ng mga empleyado ko dahil nagbabakasali akong magbabago pa ang ugali mo kapag nakaramdam ka ng kabaitan mula sa akin. Pero ngayong anak ko na ang gusto mong pagbuhatan ng kamay, ibang usapan na ito, Mico. Makakaalis ka na sa pamamahay at kumpanya ko,” bulong sa kaniya ng kaniyang boss matapos siyang pigilan sa pagsuntok sa binata.

“Pero, boss, wala ka nang makikitang katulad ko!” agad niyang pagmamakaawa rito.

“D’yan ka nagkakamali. Marami pang mas matalino sa’yo. Sa katunayan, ang kailangan ko talaga ay isang maaasahang sekretarya kahit hindi siya gaano katalino katulad mo,” sagot nito saka siya agad na pinalabas sa mga guard na naroon.

Panghihinayang at labis na pagsisi ang tangi niyang naramdaman habang siya’y kinakaladkad palabas ng mga sekyu. Gusto man niyang magpumiglas, wala na siyang magamit na lakas dahil sa mga narinig na salita.

Advertisement

“Tama nga ang asawa ko. Kung patuloy akong magiging ganito, hindi kami aangat sa buhay,” hikbi niya habang naghihintay niyang umalis ang sinasakyan niyang bus pauwi.

Muli man siyang kinagalitan ng asawa dahil sa pangyayaring iyon, siya’y labis na nagpakumbaba at humingi ng tawad dito. Kabaliktaran kung paano niya ito kausapin noon.

“Sa’yo ko sisimulan ang pagbabago ng ugali ko,” sabi niya rito na talagang ikinaluha nito dahil sa tuwa.

Iyon na ang naging simula ng tuluyan niyang pagbabago. Muli siyang naghanap ng trabaho at agad ding natanggap katulad ng kaniyang inaasahan ngunit ngayon, imbes na siya’y maghari-harian dahil sa angking galing, siya’y labis na nagpakumbaba dahilan para marami siyang maging kaibigan at agad na mabigyan ng mataas na posisyon sa trabaho.