Galit Siya sa Pinsang Marami na Ngang Anak, Iba-Iba pa ang Asawa; Naunawaan Niya ang Sitwasyon Nito Kalaunan

Labing walong taong gulang pa lang ang dalagang si Darla noon nang malaman niyang pinagbubuntis na ng kaniyang pinsan na kaedad niya lang ang pangalawa anak nito sa ibang lalaki. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang mapangiwi nang umingay ang balitang iyon sa kanilang buong angkan.

Tandang-tanda niya pa kung paano niya ipagtanggol ang kaniyang sarili mula sa mga tiyahin niyang mapanghusga.

“Ikaw, Darla, ha! Baka bukas o kaya sa makalawa, malaman din namin na buntis ka na! Bigyan niyo naman ng kahihiyan ang angkan natin! Hindi ‘yong puro sanggol ang binibigay niyo! Kababata niyo pa, hindi niyo mapigilan ang kalandian niyo!” sermon sa kaniya nito habang sabay-sabay silang kumakain sa isang selebrasyon.  

“Hoy, Tita Jo, baka nakakalimutan mo, ang paborito mong pamangkin ang may dalawa nang anak! Ako ang walang sabit dito, ni nobyo, wala ako, tapos sa akin niyo isesermon lahat ng galit niyo?” sagot niya rito dahilan para mapataas ang kilay nito.

“Aba, sumasagot ka na? Pinapayuhan ka lang na maging maingat ka sa paglandi mo! Akala mo ba hindi namin alam na tumatakas ka sa gabi para makipag-inuman sa tambay sa labas? Baka nga naipulutan ka na roon at may laman na rin ‘yang sinapupunan mo!” bulyaw pa nito sa kaniya, pinigilan man siya ng kaniyang ina na huwag nang sumagot, tumayo pa siya at lumapit sa tiyahin niyang iyon.

“Makakaasa kayong hindi ako magiging katulad ng paborito niyong pamangkin! Ikakasal muna ako bago magkaanak! Sisiguraduhin kong isa lang ang magiging asawa ko hindi katulad niyang malanding pamangkin niyo!” sigaw niya sa mukha nito saka dinuraan ang pagkain nito dahilan para labis itong magalit at siya’y sabunutan.

Matapos ang pangyayaring iyon, hindi na siya muling nakipagkita sa mga tiyahin at ilan nilang kaanak. Lalo ring tumindi ang galit niya sa pinsang pagkatapos manganak ay muli na namang nagpabuntis sa ibang lalaki.

“Hinding-hindi talaga ako magiging katulad mo, kadiri ka!” sabi niya nang makita niya itong naglalakad sa tapat ng kanilang bahay na lobo na naman ang tiyan.

Advertisement

Hindi kalaunan, siya rin ay nakakilala ng isang binatang nagparamdam sa kaniya nang matinding pagmamahal na hindi rin nagtagal ay nagpakasal sa kaniya.

“Sabi naman sa inyo, magpapakasal muna ako bago magpabuntis. Kumusta na ang paborito niyong pamangkin? Balita ko, apat na ang anak mula sa iba’t ibang lalaki, ha?” sabi niya sa tiyahin niyang si Jo na walang nagawa kung hindi ang mapayuko na lang sa selebrasyon ng kaniyang kasal. 

Ilang buwan pa ang lumipas, siya rin ay nagdalantao na. Ni katiting na kahihiyan, wala siyang nararamdaman dahil bukod sa may basbas na ito ng simbahan, hindi rin sakit sa ulo ang kaniyang asawa at may malaking ipon kaya ganoon niya na lang kung ibida ang buhay sa social media. 

Ngunit isang araw, habang siya’y nagbababad sa social media at hinihimas ang dinadalang anak, pinadalhan siya ng mensahe ng tiyahin niyang si Jo.

“Ano na naman kayang kakahiyan ang gusto nitong matanggap?” inis niyang sabi saka binuksan ang mensahe nito.

Halos mabitawan niya ang selpong hawak nang makita niyang may hawak na sa sanggol ang kaniyang asawa.

“May anak at asawa na pala ang binibida mong lalaki sa ibang bansa, Darla. Hindi mo ba iyon alam?” sabi pa nito na talagang nagpaguho ng mundo niya.

Sakto namang bago bumagsak ang luha niya, siyang dati ng kaniyang asawa. May dala-dala pa itong pagkain at nakangiti sa kaniya ngunit nang ipakita niya ang litrato, agad na nag-iba ang timpla ng mukha nito.

Advertisement

Ginawa man nito ang lahat upang magpaliwanag sa kaniya, hindi niya na ito pinakinggan dahil kahit saang sulok niya tinggan, siya pala’y isang hamak na kabit lang kaya agad niyang tinapos ang relasyon sa lalaking ito.

Samu’t sari man ang katatawan at pangmamaliit na muli niyang natatamasa mula sa mga kaanak, siya’y nagpakatatag at malusog na sinilang ang batang kaniyang dinadala.

Ngunit dahil siya’y hirap sa pag-aalaga rito kasabay nang kaniyang pagtatrabaho, roon niya tuluyang naunawaan ang sitwasyon kinabibilangan ng pinsang kaniyang kinaiinisan dahil sa dami ng asawa.

“Siguro, sadyang hirap na siya sa buhay kaya naghahanap siya nang makakaagapay. Pero imbes na katuwang sa buhay ang makasama niya, puro sakit sa ulong lalaki ang nakikilala niya. Hindi pala ako dapat magalit sa kaniya, dapat pala, unawain at tulungan ko pa siya,” sabi niya sa sarili nang makita niya itong hirap na hirap sa pag-aalaga ng mga anak na nakapila sa feeding program sa kanilang barangay. 

Dahil doon, sa unang pagkakataon, kaniya itong pinuntahan sa bahay upang magbigay ng tulong at humingi ng tawad sa galit na naramdaman niya para rito.

“Gusto ko sanang ngayon, tayong dalawa na lang ang magtulungan kaysa humanap at umasa tayo sa mga lalaking katawan lang ang habol sa atin,” hiling niya rito na agad nitong tinanggap na may luha sa mga mata.

Simula noon, ginamit nilang dalawa ang perang naipon niya upang magtayo ng isang kainan sa bakanteng parte ng bahay ng kaniyang pinsan.

Wala man itong ambag sa puhunan, ito naman ang siyang nagluluto ng lahat ng putahe, naghuhugas ng pinggan, at kung minsan pa, ito ang nag-aalaga ng kaniyang anak tuwing siya’y nasa trabaho.

Advertisement

Sa ganoong paraan, unti-unti silang nakaahon sa kahirapan at sabay na pumayagpag dahilan para sila’y parehong hangaan ng kanilang mga kaanak na noon ay parehas silang hinuhusgahan.