Kinutya ang Binatilyo Dahil sa Pagbebenta Niya ng Makeup at Lipstick; May Dahilan Pala Kung Bakit Niya Iyon Ginawa

Online selling ang pinagkakakitaan ng estudyanteng si Juancho. Nag-aalok siya ng mga damit at sabon sa mga kustomer niya.

“Bili na kayo ng mga paninda ko, murang-mura lang!” alok niya sa mga kaklase.

“Aba, hindi ka lang pala sa online nagbebenta, pati rito sa eskwelahan ay nagbebenta ka na rin?” tanong ng isa sa mga kaklase niyang babae.

“Siyempre, may mga dala nga akong sample rito. Gusto mong makita?”

“Sige nga patingin at bibili ako!” kinikilig na sabi ng babae habang tinitingnan ang mga paninda niya.

Hindi lang siya hinahangaan ng mga kaklase at ibang mag-aaral sa kaniyang kaguwapuhan, pagiging matalino at magaling sa sports, hinahangaan din siya sa kaniyang pagiging madiskarte sa pagnenegosyo. Nakakabenta naman siya sa eskwelahan ngunit sa tingin niya ay hindi pa sapat ang kinikita niya kaya nag-isip siya kung ano pa ang maaari niyang ibenta. Tumingin-tingin siya sa internet kung ano pang mga item ang maaari niyang pagkakitaan at nakahanap nga siya roon.

Nang sumunod na araw ay ipinost na niya sa social media ang mga bago niyang paninda.

“Mga suki, bili na kayo nito!” sabi niya sa facebook, twitter at instagram.

Advertisement

Ngunit nang makita ng mga kaklase, mga kakilala at mga follower niya sa social media ang mga bago niyang ibinebenta ay pinagtawanan at nilait-lait siya ng mga ito.

“Hoy, Juancho, hindi ka na nakuntento sa pagbebenta ng mga damit na pambabae. Nagbenta ka pa talaga ng make up at lipstick?” pang-aasar ng isa niyang kaklaseng lalaki.

“Sa dami ng puwede mong ibenta, make up at lipstick? Ikaw pa naman ang heartthrob sa school tapos ay magtitinda ka lang ng mga pampaganda. Naku, nagiging bad*ng ka na yata, eh,” gatol pa ng isa.

Hindi na niya napigilan ang sariling ipagtanggol ang sarili.

“Ano’ng masama sa pagbebenta ng make up at lipstick? Ginagamit naman ng mga tao ‘yan at gumagamit rin naman ang mga nanay, lola at kapatid niyong babae ng mga paninda ko, ‘di ba? Kaya walang masama sa ginagawa ko.”

“Pero, pare, kilala ka bilang habulin ng mga babae. Isa ka ring magaling na varsity player at marami kang tagahanga sa school, pero magtitinda ka lang pala ng mga ganyan sa online? Ang guwapo at ang tikas mo pa naman sa profile picture mo sa Facebook, Twitter at Instagram account mo, tapos ang makikita ng mga follower mo ay ang mga ibinebenta mong make up at lipstick? Kakahiya!” hirit ng isa niyang kaklase.

Hindi na niya pinakinggan pa ang mga negatibong komento ng mga kaklase at ipinagpatuloy ang pagbebenta ng mga pampaganda ngunit patuloy pa rin siyang sinabihan ng mga kaibigan at kaklase niya.

“Ano ka ba naman, pare. Hindi mo ba titigilan iyang ginagawa mo?” sambit ng isa niyang kaklase.

Advertisement

“Hinuhusgahan na nila ang pagkatao mo. Pati ang kasarian mo ay kinukuwestyon na rin nila. Itigil mo na ang pagbebenta mo ng make up at lipstick kung ayaw mong mas lalo kang pagtawanan at kutyain ng mga follower mo. Ang dami tuloy mga babae ang umaayaw na sa iyo dahil sa mga kalokohan mo,” sabad ng isa pa.

“Hindi ko maaaring itigil ang pagbebenta ko ng make up at lipstick dahil malaki ang kinikita ko sa mga ‘yon!” giit niya.

“Kung gusto mong huwag tuluyang masira ang image mo, itigil mo na ‘yan, pare.”

“Hindi ko nga puwedeng itigil dahil malaki ang naitutulong ng mga ibinebenta ko sa pagpapagamot ni mama,” hayag niya.

“A-ano?!” sabay-sabay na bigkas ng mga kaklase niyang lalaki.

“May malubhang sakit sa bato si mama at kailangan na tuluy-tuloy ang pagda-dialysis niya. Kailangan ko ng dagdag na kita para sa pagpapagamot niya, kaya nang makita kong maganda ang kitaan sa pagbebenta ng make up at lipstick ay ‘di ako nagdalawang isip na magbenta ng mga ito. Lahat ay gagawin ko para kay mama. Wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba dahil wala naman akong ginagawang masama,” pagtatapat niya.

Ikinagulat ng mga kaklase niya ang dahilan at naunawaan naman ng mga ito kung bakit nagagawa niyang magbenta ng mga pampaganda. Sa kagustuhan na tumulong sa kaniyang ina ay sinuporthan ng mga kaklase niya ang kaniyang negosyo.

Ipinost din niya sa social media ang dahilan kung bakit araw-araw siyang lumalaban sa buhay at nagbebenta ng kung anu-ano. Nang mabasa ng mga tao ang post niya ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Ang mga pangungutya, pambabatikos at panghahamak sa kaniya ay biglang napalitan ng mga magagandang salita at pagbuhos ng tulong mula sa mga follower niya. Dahil doon ay mas dumagsa pa ang mga order sa mga produkto niya, habang ang ilan ay nagpahayag pa ng kanilang pagnanais para sa mas mabuting kalagayan ng kaniyang ina.

Advertisement

Mas dumami rin ang mga follower niya sa social media at mas nadagdagan pa ang mga tagahanga niya. Sa ginawa niya ay pinarangalan pa siya ng kaniyang eskwelahan dahil isa siyang magandang ehemplo sa mga kabataan na handang gawin ang lahat para sa magulang.