Hindi Nagdalawang Isip na Tulungan ng Lalaki ang Dalagitang Pulubi na Ninakawan ng Pera; May Magandang Sorpresa Pala na Naghihintay sa Kaniya

“Fishball! Fishball kayo riyan!” sigaw ni Dindo habang naglalako ng paninda.

Hindi niya iniinda ang init ng panahon at pagod, ang mahalaga sa kaniya ay ang maibebenta niya ang mga fishball niyang tinda para may panggastos siya sa araw-araw. Matandang binata si Dindo at wala nang ibang pamilya, nag-iisa na lamang siya sa buhay.

“Kaunting tiyaga lang at mauubos din ang paninda ko,” sabi niya sa isip habang matiyagang nilalakad ang kahabaan ng kalsada.

Maya maya ay napansin niya ang isang dalagitang pulubi na nanlilimos sa palengke.

“Palimos po, palimos po! Hahandugan ko po kayo ng magandang awitin!” wika ng pulubi habang sinimulan na ang pag-awit.

Sandaling huminto sa paglalakad si Dindo at pinanood ang pag-awit ng pulubi. Napakasarap sa pandinig ang boses ng dalagita. Pakiramdam niya ay para siyang nakikinig ng isang konsyerto. Kahit ang mga taong nanonood ay tuwang-tuwa at napahanga ng pulubi.

Nang matapos ang pagtatanghal ay nagsipalakpakan ang mga manonood. Pati si Dindo ay napapalakpak din sa husay ng dalagita. Binigyan ng mga taong naroroon ang pulubi ng limos. Napuno ng pera ang lata na hawak nito. Masayang-masaya naman ang pulubi habang binibilang ang nakuhang mga barya at perang papel ngunit iyon ay biglang inagaw ng mga sigang lalaki na mahilig mangotong sa palengke. Nagtangkang lumaban ang pulubi, pero hindi ito umubra sa lakas ng mga mangongotong. Nilubayan ng mga lalaki ang pulubi matapos na makuha rito ang perang pinaghirapan nito kanina at dali-daling tumakas palayo. Agad niya itong nilapitan.

“Ayos ka lang ba, hija?” tanong niya rito.

Advertisement

“Kinuha po nila ‘yung pera ko, kinuha nila!” mangiyak-ngiyak na sabi ng dalagita.

Inalalayan ni Dindo ang pulubi at iniupo sa gilid ng kalsada.

“Wala na ang pera ko. Wala na akong pambili ng gamot ni lola,” sabi ng dalagita.

“Kaya ka ba nanlilimos ay para sa iyong lola?”

Tumango ang pulubi.

“Panlilimos lang po ang ikinabubuhay namin ng aking lola. Dahil mahirap lang po kami ay hindi ako nakapag-aral. Maaga pong pumanaw ang aking mga magulang. Ginagamit ko po ang talento ko sa pag-awit para makapanglimos. Ngayong kinuha ng mga salbaheng iyon ang lahat ng kinita ko’y wala na akong maipambibili ng gamot ni lola,” wika ng pulubi.

Biglang nakaramdam ng matinding awa si Dindo. Sa isip niya ay pinaghirapan nito ang perang kinita sa panlilimos, pero basta-basta na lamang kinuha ng mga walang awang lalaki.

“Huwag kang mag-alala. Marami naman akong naibentang fisballl kanina kaya ibibigay ko na sa iyo ang kalahati ng kinita ko ngayong araw. Sa tingin ko naman ay sapat na ang perang natira para sa akin,” tugon ni Dindo.

Advertisement

Ibinigay niya sa pulubi ang kalahati ng benta niya.

“Maraming salamat po. Hindi ko po alam kung paano ibabalik ang inyong kabutihan,” wika ng dalagita.

“Ang mahalaga ay maibili mo ng gamot ang lola mo para gumaling na siya.”

Makalipas ang maraming taon

Kahit sisenta y singko anyos na si Dindo ay tandang-tanda pa rin niya ang dalagitang tinulungan niya noon. Hindi man lang niya naitanong ang pangalan nito. Hindi na niya kasi ito nakitang nanlilimos sa palengke. Sa isip niya ay nakahanap na siguro ito ng mas magandang puwesto sa panlilimos.

Wala pa ring nagbago sa buhay niya dahil ang pagtitinda pa rin ng fishball ang pinagkakakitaan niya. Habang nagbebenta siya sa palengke ay ‘di niya namalayan na may humintong kotse sa kaniyang harapan.

“Ang gara naman ng sasakyang ito!” manghang sabi niya sa isip.

Lumabas sa kotse ang isang dalaga na may maayos na pananamit. Mukhang mayaman ito dahil tila mamahalin ang suot nitong napakagandang bestida. Lumapit ito sa kaniya.

Advertisement

“Magandang umaga, bibili ho ba kayo ng fishball?” tanong niya sa kaharap.

“Hindi niyo po ba ako natatandaan?

Tinitigang mabuti ni Dindo ang mukha ng dalaga ngunit hindi niya talaga ito makilala.

“Pasensya na, hija, pero parang ngayon lang kita nakita rito, eh.”

Ngumiti ang dalaga.

“Ako po si Jamila. Ako po ‘yung pulubi na tinulungan niyo noon. Ako po ‘yung binigyan niyo ng pera para pambili ng gamot ng lola ko. Pasensya na po at hindi ko naibigay sa inyo ang aking pangalan.”

Napanganga si Dindo. ‘Di niya akalain na ang dalagitang pulubi na tinulungan niya noon ay mayaman na ngayon.

“I-ikaw ‘yon? Asensado ka na, hija! Ano’ng nangyari sa iyo at bakit ka biglang yumaman?”

Advertisement

“Isa pong mayamang Italyano ang tumulong sa aming mag-lola. Nakita po niya ang aking pag-awit habang ako’y nagtatanghal sa kalye. Sobra niyang nagustuhan ang aking pag-awit kaya kinupkop niya kaming mag-lola at isinama sa Italy. Doon ay pinag-aral niya ako sa kurso na may kinalaman sa musika at ngayon nga ay isa na akong hinahangaang mang-aawit doon. Naging maayos po ang buhay namin sa Italy, dalawang taon na pong namayapa si lola pero masaya ako na sa mga huling araw niya ay nabigyan ko siya ng kaginhawaan. Nagbalik po ako rito para magpasalamat sa isang tao,” sabi ng dalaga.

“Sino naman ‘yon, hija?”

“Kayo po. Ipinagtanung-tanong ko po kayo sa mga tao rito at ang sabi nila ay dito pa rin kayo nagtitinda ng fishball at ang pangalan niyo pala ay Dindo. Gusto ko po kayong pasalamatan sa ginawa niyong pagtulong noon sa akin. Ito na po ang tamang panahon para makabawi ako sa inyong kabutihan. Sumama po kayo sa akin at may sorpresa ako sa inyo.”

Niyaya siya ni Jamila na sumakay sa magara nitong sasakyan. Ilang minuto lang ay nasa harap na sila ng isang malaking bahay.

“Ang laki at ang ganda naman nito, hija! Iyo ba ang bahay na iyan?” tanong ni Dindo.

“Opo, iyan po ang bahay ko dito sa Pilipinas. Dahil wala na si lola ay mag-isa na lamang ako riyan habang nagbabakasyon ako rito ng ilang araw, pero alam niyo ba na simula ngayon ay hindi na ako mag-iisa, dahil magkasama na po tayong titira riyan. Napag-alaman ko po na wala na kayong ibang pamilya at nag-iisa na rin sa buhay kaya mula ngayon ay ituring niyo na po akong anak at kayo ay ituturing kong na ring ama. Isasama ko na rin kayo pagbalik ko sa Italy,” bunyag ni Jamila.

Sa tinuran ng dalaga ay ‘di napigilan ni Dindo na mapaluha. Hindi niya inasahan na sa kaniyang munting pagtulong noon ay babalik sa kaniya ang biyayang ibinahagi niya.

“Maraming salamat, hija!” tanging nasambit niya habang ‘di pa rin makapaniwala sa sorpresa sa kaniya ng dalaga.

Advertisement

Matapos ang ilang araw na bakasyon sa Pilipinas ay bumalik na si Jamila sa Italy kasama si Dindo para ipagpatuloy ang maganda niyang karera bilang mang-aawit.