Pinagbintangan ng Babae na Malikot ang Kamay ng Kaniyang Mister; Napahiya Siya Nang Lumabas ang Katotohanan

“Darling, gumising ka na, tanghali na!” malakas na sigaw ni Mitoy sa kaniyang misis.

Pupungas-pungas pa na bumangon sa kama ang asawang si Gelie.

“Ang aga-aga pa, bunganga mo na agad ang naririnig ko!” hiyaw naman ng babae.

Kinaiinisan talaga ng kanyang misis ang malakas niyang boses sa tuwing ginigising siya nito.

Sa kanilang mag-asawa ay si Gelie ang may regular na trabaho samantalang si Mitoy, mula nang mawalan ng trabaho sa pinapasukang restawran na nagsara ay hindi pa rin nakakahanap ng kapalit. Kaya dakilang tambay ito ngayon sa bahay nila. Ang mister ang gumagawa ng mga gawain doon at si Gelie naman ang kumakayod. Mabuti na lamang at hindi pa sila binibiyayaan ng anak kundi ay mas mahihrapan sila kung paano pagkakasyahin ang kinikita.

Nang makita ang oras ay nagmamadali nang kumilos si Gelie. Naligo na siya at nagbihis saka mabilis na kumain ng almusal. Dahil inis pa rin sa asawa ay hindi na siya nagpaalam dito at tuluyan nang umalis. Baka mahuli na kasi siya sa pinagtatrabahuhang call center.

Kinagabihan, pag-uwi niya ay nagulat siya na nakahanda na ang hapagkainan.

“Narito na ako! Mabuti naman at naisipan mong maghanda ng makakain natin,” aniya.

Advertisement

“O, mabuti at dumating ka na. Kumain ka na d’yan, tapos na ako. Maaga akong nagluto dahil manonood pa ako ng basketball sa TV,” sagot naman nito sabay hilata sa sofa.

Napakamot na lang sa kaniyang ulo si Gelie. Kaya pala maagang naghanda ng pagkain ay manonood lang pala ng TV ang magaling niyang mister.

“Ano pa ba ang maasahan ko sa isang ito? Imbes na maghanap ng trabaho ay kung anu-ano ang pinagkakaabalahan,” napapailing niyang bulong sa sarili.

Minsan tuloy ay gusto niyang magsisi kung bakit si Mitoy pa ang naging asawa niya. Marami naman siyang naging nobyo noon na mas guwapo at matalino, pero bumagsak pa rin siya sa kaniyang asawa. Ang totoo’y ipinagkasundo lamang siya ng mga magulang sa lalaki. Kilala niya noon si Mitoy bilang isang pasaway na anak at ang pinakamalala sa lahat ay ang pagiging mahilig nitong kumuha ng mga bagay na hindi nito pag-aari. Sa madaling salita, malikot ang kamay ng napangasawa niya. Hinala nga niya ay hindi totoong nagsara ang pinapasukan nitong restawran, sa tingin niya ay may kinalaman ang pagiging malikot ng kamay nito kaya natanggal sa trabaho. Ayaw niyang isipin ang ganoon pero kilalang-kilala niya kasi ang mister.

Ngunit kahit may kapintasan ang kanyang asawa ay may mga ugali pa rin ito na napamahal sa kaniya gaya ng pagiging maalalahanin at maalaga nito.

Dahil naalala ang ‘di magandang ugali ng asawa ay bigla niyang naisip na tingnan ang mga nakatabi niyang pera sa aparador.

“Naku, baka nawala na ang mga inipon kong pera, nasa loob pa naman ng aparador ang lahat ng iyon. Huwag naman sana,” sambit niya sa isip.

Nang bilangin niya ang mga inipong pera sa isang maliit na kahon ay laking tuwa niya dahil wala namang nabawas doon ngunit may napansin siyang sobre na nakasuksok sa mga damit. Nang buksan niya ay laking gulat niya dahil punumpuno ng perang papel ang sobre at nang bilangin niya ay nagkakahalaga iyon ng limampung libong piso.

Advertisement

“Diyos ko! Saan galing ang halagang ito?!”

Bigla niyang naalala ang kaniyang asawa.

“Inatake na naman ng pagiging magnanakaw ang mister ko! Saan niya kaya nakuha ang mga perang ito? ‘Di kaya sumasalisi siya sa mga kapitbahay namin kapag wala ako rito sa bahay?” nag-aalala niyang bulong sa sarili.

Dismayado si Gelie sa ginawa ni Mitoy kaya agad niya itong kinompronta tungkol sa natagpuang pera.

“Mitoy, magsabi ka nga sa akin ng totoo. Saan mo ninakaw ang mga perang ito? Saan galing ang mga ito?!” tanong niya.

‘Di makapaniwala ang lalaki na natuklasan agad niya ang pinakatatago nitong lihim.

“Patawad, darling, dahil itinago ko sa iyo ang tungkol diyan. Matagal kong inilihim sa iyo ang ginawa kong pag-iipon. Ang perang ‘yan ay inipon ko mula nang mawalan ako ng trabaho at ikaw lamang ang kumakayod sa atin. Itinatabi ko ang sobrang perang ibinibigay mo sa akin sa tuwing sumasahod ka para kapag dumating ang araw na kailanganin natin ay mayroon tayong madudukot,” pag-amin ni Mitoy.

“I-inipon mo ang lahat ng ito?!”

Advertisement

Tumango ang mister.

‘Di akalain ni Gelie na nagawang makaipon ang kaniyang asawa ng ganoong kalaking pera. Labis ang pagkapahiya niya sa ginawang pag-aakusa rito na isa itong magnanakaw at malikot ang kamay, ‘yun naman pala ay mali ang kanyang hinala.

“Sorry, darling kung pinag-isipan kita ng masama at pinagbintangan. Ang akala koy…”

“Ang akala mo ay ginagawa ko pa rin ang ginagawa ko noon? Mula nang ikasal tayo ay nangako ako na hindi ko na gagawin ang pagkuha ng mga bagay na hindi ko pag-aari. Matagal ko nang kinalimutan ang masama kong gawain. Pinilit kong magbago para sa aking sarili at para sa iyo, Gelie, dahil mahal kita,” wika ni Mitoy.

Napaiyak si Gelie sa ipinagtapat ni Mitoy. Agad niya itong niyakap at hinagkan sa labi.

“Sorry talaga. Hayaan mong itama ko ang aking pagkakamali. Mula ngayon ay magtitiwala na ako sa iyo, darling. Mahal din kita,” tugon niya.

Mula noon ay mas lalo pang minahal at nirespeto ni Gelie ang asawa. ‘Di nagtagal ay biniyayaan na rin sila ng anak na pinangalanan nilang Jimboy.