Hilig ng Lalaki ang Mag-alaga ng mga Mababangis na Hayop; Ito Pala ang Maidudulot Nito sa Kaniyang mga Anak
Sa kabila ng pagkakaroon ng padre de pamilyang si Reno ng dalawang anak na edad tatlo at limang taong gulang, hindi niya pa rin maputol ang kaniyang hilig sa pag-aalaga ng iba’t ibang klase ng nakakalasong hayop katulad ng ahas, tarantula at iba pa.
Nagsimula niya itong makahiligan noong siya’y binata pa lamang. Sa katunayan, siya’y naimpluwensiyahan lamang ng kaniyang mga kaibigan noon at buong akala niya, agad niyang mapuputol ang pagkahilig niya rito.
Ngunit nang mauso ang pag-aalaga ng mga ganitong klaseng hayop at marami ang gustong mag-alaga nito, roon niya naisipang gawing itong negosyo.
Nang siya’y kumita rito at nagtuloy-tuloy ang paglago ng kaniyang negosyo, dumami rin ang personal niyang alaga hanggang sa mapuno na ang isa sa mga silid ng kanilang bahay.
Agad din mang nalaos ang pag-aalaga ng ganitong klaseng hayop dahil nga sa kapahamakang maaaring maibigay ng mga ito sa tao, ngunit nagpatuloy pa rin siya sa pag-aalaga nito.
Kahit pa halos araw-araw na nila itong pag-awayan ng kaniyang asawa dahil bukod sa malaki-laki ang perang nilalaan niya sa pag-aalaga sa mga ito, nag-aalala pa ito sa maaaring idulot ng mga naturang hayop sa kanilang mga anak, hindi pa rin siya nagpapaawat dito.
“Reno, hindi mo pa rin ba ipapaalaga sa zoo ang mga nakakalasong hayop na alaga mo? Hindi na talaga ako komportable sa mga iyon. Lalo na ngayon na malilikot na ang mga anak natin. Hindi na natin makontrol ang isip at galaw nila. Baka mamaya…” panenermon nito habang nililinis niya ang kulungan ng isa sa mga ito.
“Pwede ba kahit ngayong araw lang huwag mong pagdiskitahan ang mga alaga ko? Araw-araw mo na lang sila gustong ipamigay o ipatapon! Ako ba, kailan ko sinabi sa’yong tigilan at itapon mo ang pag-aalaga sa mga mamahalin mong bag, ha?” sigaw niya rito.
“Magkaibang bagay naman kasi iyon. Wala namang buhay ang mga bag ko at lalong wala silang kapahamakang maaaring ibigay sa mga anak ko!” katwiran nito na lalo niyang ikinagalit.
“Tumahimik ka na riyan at huwag na huwag mong papakialamanan ang mga alaga ko!” bulyaw niya saka niya tuluyang nilayasan ang asawa niya.
Gano’n man ang nangyari sa kanilang mag-asawa nang araw na iyon, hindi pa rin siya nakaramdam kahit katiting na pag-aalala para sa kaligtasan ng kaniyang mga anak.
Kaya lang, nang araw ding iyon, habang siya’y mahimbing na natutulog sa kanilang sala, nagising siya sa isang malakas na sigaw ng kaniyang anak at nang pakinggan niya kung saan ito nanggagaling, napagtanto niyang ito ay mula sa silid kung nasaan ang kaniyang mga alaga.
Dali-dali niya itong pinuntahan at halos tumalon ang puso niya nang makitang nakaamba na sa kaniyang panganay na anak ang isang ahas at tila handa na itong manakmal anumang oras!
“Bunso, huwag kang matakot, ha? Mabait siya, hindi ka niya sasaktan. Kay daddy lang ang tingin, okay?” pagpapakalma niya sa anak habang dahan-dahan niyang nilalapitan ang naturang ahas.
Nang matantiya niyang kaya na niya itong kuhanin, agad niya itong dinakma sa ulo at ito’y dali-daling sinilid sa isang sakong naroon saka niya agad na nilabas doon ang kaniyang anak na lamig na lamig na sa kaba.
Dahil sa pangyayaring iyon, napagtanto niya kung gaano kadelikado para sa kaniyang mga anak ang silid na iyon. Naunawaan niya na rin ngayon ang pinupunto ng kaniyang asawa na hindi nga talaga nila kontrolado ang galaw ng kanilang mga anak, lalo na ang mga hayop na alaga niya.
Kaya naman, kinabukasan, agad na siyang humanap ng zoo kung saan niya pupwedeng ipagkatiwala ang kaniyang mga alaga. Mahirap man para sa kaniya ang desisyon niyang ito, para sa kaligtasan ng kaniyang mga anak, hindi na siya nagdalawang-isip na ipaalaga ito sa iba na talagang ikinatuwa ng kaniyang asawa.
“Mabuti naman, mahal, hindi mo na hinintay na may mapahamak pa sa mga anak natin bago ka magising sa katotohanang hindi maaaring alagaan sa bahay natin ang ganitong uri ng mga hayop dahil nalalagay sa alanganin ang ating mga anak,” nakangiting wika ng kaniyang asawa nang minsan nilang dalawin sa zoo ang kaniyang mga alaga.
“Pasensya na rin, mahal, hinintay ko pang matakot ang anak natin bago pa ako nagpasiyang pakawalan ang hilig kong ito,” sabi niya rito dahilan para siya’y yakapin nito saka nila sabay na pinagmasdan ang kaniyang mga dating alaga.
Simula noon, tuluyan nang napanatag ang loob nila ng kaniyang mag-asawa. Ngayon, kahit mahimbing silang matulog, sigurado na silang walang maaaring makasakit sa kanilang mga anak kahit saang silid ng kanilang bahay.