Inday TrendingInday Trending
Bumili ang Lalaki ng Mamahaling Motorsiklo; Para Makatipid ay Tumanggi Pa Siyang Bumili ng Helmet, Katwiran Niya’y ‘Di Niya Iyon Kailangan

Bumili ang Lalaki ng Mamahaling Motorsiklo; Para Makatipid ay Tumanggi Pa Siyang Bumili ng Helmet, Katwiran Niya’y ‘Di Niya Iyon Kailangan

Masayang minulat ng binatang si Jerry ang kaniyang mga mata ngayong araw. Ito na kasi ang araw na pinakahihintay niya kung kailan niya tuluyan na niyang mabibili ang pinapangarap niyang motorsiklo na kaniyang pinag-ipunan simula pa lang noong magkaroon siya ng magandang trabaho sa isang sikat na kumpanya halos isang taon na ang nakalilipas.

“Mukhang ang ganda ng gising ng bunso ko ngayon, ha?” bati ng kaniyang ama nang makita siya nitong nagluluto ng almusal sa kanilang kusina habang kumakanta-kanta pa.

“Aba, syempre naman, papa! Ngayong araw ko na kaya mabibili ang pinapangarap kong motor. Hindi ka na maglalakad papuntang palengke, papa, ihahatid-sundo na kita,” sabi niya rito na talagang ikinatuwa nito.

“Kaya naman pala gan’yan ka kaligaya, eh! Pakiramdam ko tuloy agad mayaman na ako. May taga-hatid sundo na ako, eh,” tuwang-tuwa tugon nito na labis niyang ikinatawa, “Payo ko lang sa’yo, anak, ha? Mag-ingat ka palagi sa pagmamaneho. Lapitin ng aksidente ang mga motorsiklo. Kung maaari nga, magandang klase na ng helmet ang bilhin mo para kahit anong mangyari, protektado ka,” paalala nito habang tinatapik-tapik ang kaniyang likuran.

“Saka na ‘yon, papa, kapag magandang klase kasi, siguradong mahal ang presyo! Ito munang magandang motor ang bibilhin ko. Mag-iingat naman ako, eh,” giit niya na sinang-ayunan na lamang nito.

Pagkatapos na pagkatapos niyang mag-almusal, agad na rin siyang nagpunta sa tindahan ng mga motorsiklo at dahil nga binayaran niya na agad ng buo ang presyo nito, noong araw ding iyon, nakuha na niya agad ang pangarap niyang motor.

“Hindi ko akalain na sa loob lang ng isang taon kong pagtatrabaho, makukuha na kaagad kita! Pangako, iingatan kita maigi kaysa sa buhay ko!” sabi niya sa bago niyang motorsiklo habang kaniya itong hinihimas-himas na parang isang alagang aso.

“Naku, sir, dapat mas pangalagaan niyo ang sarili niyo! Hindi niyo magagawang alagaan ang motor niyo kung wala na kayo sa mundong ito!” sabat ng isang empleyado sa tindahang pinagkuhanan niya ng motor na ikinailing niya na lamang, “Baka gusto niyo po kumuha ng helmet, sir? Naka-promo po kami ngayon! Kapag bumili po kayo ng isa, may libre na pong isang helmet para sa angkas niyo! May kamahalan man, sir, maganda naman ang klase! Kahit mabangga ka man ng trak, buo pa rin…” agad na niya itong pinutol dahil pakiramdam niya, gusto lamang nitong makabenta.

“Hindi naman ako mabilis magpatakbo, boss, kaya malabo akong maaksidente,” pabalang niyang sagot dito saka agad na pinatakbo ang bagong bili niyang motor.

“Sir! Ingat, may trak!” sigaw ng naturang empleyado dahilan upang siya’y mapalingon sa kaliwang daan.

Mabuti na lamang, agad siyang nakapagpreno dahil pagkalagpas na pagkalagpas ng rumaragasang trak, tumambad sa kaniya ang isang motorista na nakahandusay sa kalsada na naliligo na sa sariling dugo. Katulad niya, wala rin itong suot na helmet ngunit mayroong magandang motorsiklo.

Sa sobrang pagkabigla niya sa nasaksihang pangyayari, siya’y napababa sa kaniyang motorsiklo saka naupo sa kalsada at labis na nagpasalamat sa Panginoon sa pagligtas sa kaniya.

“Ngayon po nauunawaan ko na ang kahalagahan ng helmet. Maaaring maingat nga ako sa pagmamaneho ngunit hindi ko kontrol ang pagmamaneho ng iba kaya ako’y nasa kapahamakan pa rin,” hinang-hina niyang sabi.

Nagulat na lang siya nang maramdaman niyang may nagtayo sa kaniya at siya’y inalalayan sa gilid ng kalsada.

“Kahit huwag niyo po muna bayaran, sir, itong paninda namin. Basta makauwi ka lang nang ligtas,” wika ng naturang empleyado saka inilagay sa upuan ng motorsiklo niya ang helmet na inaalok nito sa kaniya kanina.

Simula noon, muli siyang nag-ipon upang mabayaran ang helmet na iyon at makabawi sa empleyadong naging mabuti sa kaniya sa kabila ng hindi magandang pag-uugaling pinakita niya rito.

Iyon ang naging daan upang siya’y magdoble ingat na sa pagmamaneho at makasanayan na niya ang pagsusuot ng helmet na talagang nagbigay ng doble ring proteksyon sa kaniya habang binabaybay niya ang mapanlinlang na kalsada.

“Isa pang pangaral ko sa’yo, anak, ayos lang na mabagal ang iyong takbo, huwag lang mapabilis ang buhay mo,” payo naman ng kaniyang ama, isang araw nang muli niyang makwento rito ang aksidenteng kaniyang nasaksihan.

“Opo, papa, alam ko na po ngayon na kailangan kong pahalagahan ang buhay ko kaysa sa motorsiklo at pera ko,” tugon niya saka na siya umalis at maingat na nagmaneho patungo sa kaniyang trabaho.

Advertisement