Isang Binata ang Tila Walang Planong Mag-abot ng Pamasahe; Titinag Kaya Ito Kapag Sinigawan Niya?
Napangiti si Rudy nang mapasulyap siya sa mga pasahero. Punong-puno kasi ang jeep niya. Kahit paano ay malaki-laki ang maiuuwi niyang halaga sa kaniyang pamilya.
Maya-maya pa ay naging abala na siya sa pagtanggap ng bayad at pagbibigay ng panukli. Alisto na tinitigan niya ang bawat nag-aabot ng bayad. Nais niya kasi makasiguro na walang madayang pasahero na makakalampas sa matalas niyang mata.
Sa ilang dekada niyang pamamasada ay masasabi niya na talaga namang sanay na sanay na siya sa mga pasahero na hindi nagbabayad.
Matapos ang sunod-sunod na abutan ng bayad ay nagsimula siyang magbilang ng pera. Sa tantiya niya ay may dalawa pang pasahero na hindi nag-aabot ng bayad.
“‘Yung mga hindi pa ho nagbabayad, pakiabot na lang!” simpleng paalala niya.
Matapos ang ilang minuto ay isang pasahero ang nag-abot ng bayad.
“May isa pang hindi nagbabayad…” sa isip-isip niya.
Ang isang pasahero ay nagkakahalaga ng bente pesos. Kung iisipin ay maliit lamang na halaga iyon. Ngunit sa kagaya niya na mahirap ay malaking bagay na iyon. Lalo na ngayong napakamahal pa naman ng gasolina.
Pambili niya na iyon ng sardinas. O ‘di kaya ay kalahating kilo ng bigas.
Kaya naman ayaw na ayaw niya na may nakakalampas.
Sinipat niya ang mga pasahero. Agad niyang natukoy ang isang lalaking nakaputi na nasa bandang dulo nakaupo. Sa tingin niya ay nasa mga bente ang edad nito. Nakapikit ito.
Napailing siya. May mga pasahero talaga na tulad nito na talagang iiwas sa pagbabayad hangga’t maaari.
“Magbayad na ho ang mga wala pang bayad. Malapit na ho tayo sa babaan!” muli ay paalala niya, bago pasimpleng sinulyapan ang lalaki na hindi natitinag.
Makalipas ang mahigit-kumulang sampung minuto ay isa-isa nang nagbababaan ang mga pasahero.
Unti-unti nang nakaramdam ng iritasyon si Rudy.
Bente na pesos kasi ang mababawas sa kita niya, ngunit tila wala lang iyon sa pasahero na noon ay nakapikit pa rin at tila nagpapanggap lamang na tulog.
Ngunit ayaw niya rin naman na ipahiya ang lalaki dahil hindi siya ganoong klase ng tao.
Sa kabutihang palad, ito ang kahuli-hulihang naiwan sa jeep.
Kaya naman hindi na siya nag-atubili pa na sitahin ang lalaki. Malapit na rin naman ang babaan at ayaw niya na lumampas ito.
“Boy!” malakas na sigaw niya.
Hindi ito natinag sa malalim na tulog.
Muli ay sumigaw siya. Sa pagkakataong iyon ay itinodo niya na ang kaniyang boses.
“Boy!”
Napabalikwas ito, tila nagulat.
Agad itong sumilip sa labas ng jeep upang siguraduhin na hindi pa ito lumalampas. Tila nakahinga ito nang maluwag nang mapansin na wala pa ito sa destinasyon.
Handa na siyang sigawan at sitahin ang binata nang mula sa kinauupuan nito na malapit sa pinto ay lumapit ito sa kaniya.
“Manong, makikiusap po sana ako. Nahiya ako magsabi kanina kasi maraming tao, pero hindi pa ho ako nakakabayad ng pamasahe. Baka po sakaling pwede ko na lang ibalik sa susunod na matiyempuhan ko ulit ang jeep niyo,” malumanay na pakiusap ng binata.
Nang lingunin niya ay ito ay nakita niya ang hiya at pakikiusap sa mga mata nito.
Napabungtong hininga na lang si Rudy. Ngunit bago pa siya makisagot ay pahapyaw nang nagkwento ang binata.
“Pasensya na ho, ha. Alam ko malaking halaga rin ang bente pesos. Pero ayaw ko rin naman na hindi pumasok dahil lang wala akong pamasahe. Bukas pa ho ang sweldo ko kaya wala na talaga akong pera rito ni singko,” paliwanag nito.
“Saan ka ba nagtatrabaho?” hindi maiwasang usisa niya.
Isang malaking pabrika ng bote ang binanggit nito. Doon nagtatrabaho ang asawa niya noon, kaya alam niya na kakarampot lang din ang sinusweldo ng binata.
Napakunot noo siya nang may mapagtanto.
“Teka, hindi ba’t sasakay ka pa ng traysikel para makapunta roon? Paano ‘yan kung wala ka nang pera?” usisa niya.
Napakamot ito sa batok.
“Maglalakad ho. Kaya nga ho maaga ako pumasok,” paliwanag nito
“Hindi ba masyadong malayo ‘yun?” tanong niya.
Tumango ito.
“Wala ho, ganoon talaga. Kapapanganak lang ho ng asawa ko, kailangan kong kumayod…” anito.
Napatingin siya sa kaniyang mumurahing relong pambisig. Halos mag-aalas diyes na ng gabi. Hindi niya maiwasang mag-aalala, lalo pa’t talamak ang nakawan kung saan-saan.
Naiiling na dumampot siya ng trenta pesos at iniabot iyon sa binata. Napagtanto niya kasi na kagaya niya lang din ang binata. Isang ama na itinataguyod ang pamilya nito.
“Para saan ho ito?” gulat na gulat na tanong nito.
“Gawin na nating singkwenta ang utang mo sa akin. Pahihiramin kita ng pera pamasahe. Siguro makakabili ka na rin ng tinapay rito,” aniya.
“‘Wag ka nang maglakad. Maraming masasamang loob ngayon. Isipin mo ang pamilya mo, mas lalo silang kawawa kung may mangyayari sa’yo,” dagdag niya.
Abot-abot naman ang pasasalamat ng binata. Kasabay noon ay ang pangako na ibabalik nito ang hiniram sa kaniya.
“Kung hindi na tayo magkitang muli, sa susunod na may nangailangan, at ikaw naman ang mayroon, ikaw naman ang tumulong,” pakiusap niya sa binata.
“Salamat ho, at maraming salamat!”
Umiling siya.
“Sino pa bang magtutulungan, kundi tayo rin?” nakangiting sabi niya.
Ilang sandali pa ay bumaba na ang pasahero, na hindi pa rin matapos-tapos ang pasasalamat.
Kailanman ay hindi na nakita pa ni Rudy ang pasahero, kahit pa araw-araw na bumibyahe ang jeep niya. Hindi na rin nito naibalik ang singkwenta na “pinautang” niya rito.
Ngunit umaasa siya na ang singkwenta niya ay malayo ang mararating. Umaasa siya na may iba pang nasa alanganin ang matutulungan, at maipapasa-pasa ang munting kabutihan.