Inday TrendingInday Trending
Masama ang Ugali ng Isang Ginang na May-ari ng Paigiban; Isang Aral ang Natutuhan Niya nang Unti-unting Mabawasan ang Kaniyang mga Kustomer

Masama ang Ugali ng Isang Ginang na May-ari ng Paigiban; Isang Aral ang Natutuhan Niya nang Unti-unting Mabawasan ang Kaniyang mga Kustomer

“Aling Sela, Aling Sela!”

Mula sa labas ay dinig na dinig ni Sela ang malakas na pagtawag sa pangalan niya. Napairap na lang siya dahil alam niya na isa iyon sa mga nakikiigib sa kanila.

Sa kanilang baranggay kasi ay iilan lamang sila na may kakayahan na magpakabit ng tubig. Isa ang pamilya nila roon. Kaya naman marami sa mga residente ay sa kanila nakikiigib. Sa kanila rin bumibili ng tubig na inumin ang karamihan.

Noong una ay paisa-isa lamang ang hinahayaan nila na mag-igib. Ngunit nang napagtanto niya na maari nilang pagkakitaan iyon nang malaki ay iyon na ang ginawa nilang negosyo.

Nakasimangot na binuksan niya ang gate upang harapin ang nagtatawag. Nabungaran niya si Celso, isa sa mga bagong lipat sa baranggay nila.

“Aling Sela, makikiigib ho ako. Kasi wala na hong inumin na tubig ang mga anak ko…” anito.

Hayagan na sinumangutan niya ang lalaki.

“Wala bang orasan sa bahay niyo? Hindi ba’t sinabi ko na na alas otso ang bukas ng igiban? Ang aga-aga, nambubulahaw ka rito,” nakasimangot na bulyaw niya sa lalaki.

Namula naman ang mukha nito sa pagkakapahiya, lalo pa’t may iilan-ilan na rin na dumadaan.

“P-pasensya na po, wala pa kasing pera kagabi kaya hindi kami makabili ng tubig. Ngayong umaga lang ho pumasok ang sweldo…” tila nahihiyang paliwanag nito.

Napairap si Sela.

“Aba, hindi ko naman problema ‘yan, Celso. Maghintay ka riyan sa labas at maya-maya lang ay bubuksan ko na ang paigiban,” masungit na sabi niya sa lalaki bago niya muling isinara ang gate.

“Abala talaga ‘tong mga ‘to!” bulong niya pa habang papasok sa kanilang bahay.

“Anong ingay ‘yun?” usisa ng asawa niya na naabutan niyang nagkakape habang nagbabasa ng dyaryo.

“Si Celso, ang aga-aga nambubulabog, makikiigib daw,” aniya.

Napaangat ang tingin nito sa kaniya.

“Pinayagan mo?” usisa nito.

Umiling siya.

“Hindi, pinaghintay ko sa labas. Alas otso pa ang bukas ng igiban, maghintay siya roon,” nakaingos na sagot niya.

Nakita niya ang pag-iling ng asawa.

“Ikaw naman, sana hinayaan mo na ‘yung tao. Kapitbahay naman natin iyon. Isa pa, alam mo naman na may mga anak si Celso. Kawawa naman ang mga bata,” tila sermon nito.

Inirapan niya ang asawa.

“Kung ayaw niya sa patakaran ko, maaari naman siyang humanap ng ibang pag-iigiban. Hindi ko naman siya pinipilit na mag-igib dito,” kibit balikat niya.

Muli ay napailing ang asawa niya, tila dismayado.

“Sinasabi mo lang ‘yan kasi alam mo na malayo ang ibang paigiban. Kapag nakahanap sila ng mas mabait na kausap, bahala ka,” tila pananakot nito.

Hindi na siya sumagot pa at ipinagpatuloy na lang niya ang pagluluto ng almusal, na naudlot dahil sa pang-aabala ni Celso.

Saktong alas otso nang muli niyang buksan ang malaking gate. Gaya ng dati ay mahaba-haba na ang pila ng mga taong nakikiigib, kaya naman hindi maiwasan ni Sela na magalak.

“O, magbayad muna bago makiigib ha,” paalala niya.

Isang matanda ang lumapit. Pamilyar sa kaniya ang matanda, ngunit hindi niya naman ito personal na kakilala.

May hawak itong isang bote ng inumin na walang laman.

“Manang, baka pwede naman na makahingi ng inumin…” pakiusap nito.

“Limang piso lang ho ang ganyan kalaking bote. Wala hong libre rito,” mataray na tanggi niya.

Ilang sandali pa itong nakiusap, ngunit naging matigas ang pagtanggi niya. Natapos lang ang pangungulit ng matanda nang isa sa mga residente ang nagboluntaryo na magbayad ng limang piso para sa matanda.

Tahimik niyang binantayan ang mga nag-iigib. May iilan kasi na mas marami sa binabayaran nila ang kinukuha.

Maya-maya ay isang malakas na kalabog ang narinig niya.

Nang lingunin ni Sela ang gumawa ng ingay ay nakita niya si Buboy, isa sa mga batang madalas mag-igib doon.

Nasira kasi ang hawakan ng timbang bitbit nito, dahilan upang tumapon ang tubig at magkalat doon.

Inis na nilapitan niya ang bata.

“Ano ba ‘yan! Basang-basa na rito sa daanan! Linisin mo ‘yan, at baka may madulas diyan,” inis na utos niya sa bata, na agad namang tumalima.

“Aling Sela, pwede ho ba na lagyan ko ulit ng tubig ‘yung timba?” tanong nito.

“Magbabayad ka ba ulit?” aniya.

Umiling ito. “Wala na ho akong pera.”

“Eh ‘di hindi ka na iigib ulit! Umuwi ka na,” taboy niya sa batang may bitbit na sirang timba.

Narinig niya ang pag-ugong ng bulungan.

“Ang sama ng ugali!”

“Parang hindi kabaranggay! Napakadamot naman!!”

“Walang awa!”

Hindi na niya pinansin ang sinasabi ng iilan. Sa huli naman ay siya pa rin ang mananalo, dahil patuloy ang pagkita ng kaniyang negosyo.

Subalit makalipas ang isang buwan ay napansin niya ang pag-konti ng mga nakikiigib. Ang dating kinikita niya ay halos nangalahati, dahil marami sa mga araw-araw kung mag-igib ay hindi niya na nakikita.

llang linggo pa ang lumipas ay halos mabibilang na lang sa daliri ang nakikiigib. Ang mga naiwan na lang ay ‘yung mga malalapit ang bahay sa kanila.

Nalaman niya ang dahilan nang aksidente niyang marinig ang pag-uusap ng ilan sa mga kabaranggay niya. Naglalakad siya pauwi galing sa palengke nang marinig niya ang usapan ng mga babaeng nauuna sa kaniya. Marahil ay hindi alam ng mga ito na nasa likod siya.

“Doon na kami nag-iigib sa bagong paigiban na pinatayo ng kapitan para sa mga residente. May isang tanod ng baranggay pala kasi na nakasaksi kung paano itrato ni Aling Sela ang mga nakikiigib. Dahil doon ay talagang tinrabaho nila na magkaroon ng tubig para sa lahat,” kwento ng isa sa mga babae.

“Oo nga. Mabuti naman. Grabe kasi si Aling Sela, napakayabang! Sana maipasara na ‘yang paigiban niya, nang matuto naman siyang magpakumbaba!” sabi naman ng isa pa.

Hindi na niya narinig ang iba pang sinasabi ng mga babae dahil lumiko na ang mga ito sa isang eskinita, ngunit naiwan sa kaniya ang salita ng mga kabaranggay.

Naisip niya na marahil ay naging masyado nga siyang mahigpit, kaya naman nang mga sumunod na araw ay sinubukan niya na pakitunguhan nang mas maayos ang mga nakikiigib.

Gayunpaman ay hindi na bumalik ang dati niyang kinikita dahil ang mga dati niyang suki ay lumipat na sa paigiban ng baranggay, na hindi kalayuan sa bahay nila.

Kung noon ay regular ang pasok ng malaking pera dahil sa paigiban, ngayon ay nagkakasya lang silang mag-asawa sa kakarampot nilang pensyon.

Hinayang na hinayang si Sela. Marahil ay kung naging mabuti siya sa kapwa, baka hindi siya nawalan ng pagpapala.

Advertisement