Inday TrendingInday Trending
Nambabae ang Mister ng Babaeng Ito; Ano Kayang Solusyon ang Naisip Niya Upang Tapusin ang Problemang Ito?

Nambabae ang Mister ng Babaeng Ito; Ano Kayang Solusyon ang Naisip Niya Upang Tapusin ang Problemang Ito?

Hindi malaman ni Melba ang gagawin niya nang malaman niyang nambababae ang kaniyang mister na si Edgar sa pangatlong pagkakataon.

Tatlong beses na rin itong humingi ng tawad mula sa kaniya. Tatlong beses na rin niyang pinagbigyan. Tatlong beses na ring nangako sa kaniya na hinding-hindi na uulit pa.

Hindi na niya alam kung paano pa ba paniniwalaan ang mister na paulit-ulit din naman kung humingi ng kapatawaran sa kaniya.

Kaya naman, walang sabi-sabing umalis siya ng bahay at sinabihan ang mga anak na kinabukasan na siya uuwi, dahil may pupuntahan siyang isang kaibigan. Nagpapasalamat siya sa mga binatilyo at dalagita na sila kaya puwede nang iwanan.

Agad siyang nagtungo sa isang lugar na siya lamang ang nakakaalam. Sa dako pa roon, nakakapag-isip siya. Sa tabi ng malawak na dalampasigan. Noong bata pa siya, doon sila naglalaro ng kaniyang mga kababata. Simple lamang ang pangarap nila noon.

Hanggang sa nagkaroon na sila ng sari-sariling buhay. Si Melba naman, nagtungo ng Maynila upang makipagsapalaran. Nakahanap ng magandang trabaho, nakilala si Edgar… niligawan siya nito at sinagot naman niya. Hanggang sa nagpakasal sila at bumuo ng sariling pamilya.

Hinayaan ni Melba na dumampi sa kaniyang mga pisngi ang malamig na simoy ng hangin na humalik sa dagat at bumubuhay sa kaniyang diwa.

Naalala niya ang laging paalala sa kaniya ng ina noong nabubuhay pa ito.

“Anak, lagi mong haharapin ang problema. Huwag mo itong tatalikuran.”

Hanggang sa may bigla siyang naisip na kailangang gawin, na hindi niya nagawa noon, at sa palagay niya ay hindi kayang gawin ng mga misis na kagaya niya ay paulit-ulit na niloloko ng kanilang mga mister.

“Tama na ang pagiging martir, Melba, tama na…” nasasaloob na usal sa sarili ni Melba.

At inihanda na niya ang mga kailangang gawin…

Minanmanan ni Melba ang kilos ng bagong babaeng kinahuhumalingan ni Edgar, na ang pangalan ay Trixie Tuazon.

Kailangang mapalapit siya rito.

Gusto niyang malaman kung ano ba ang nakita ni Edgar rito at kinakalantari.

Kaya nang malaglagan ito ng mga pinamili nang ito ay mag-grocery, sinamantala na ito ni Melba. Tinulungan niya itong mamulot ng mga nalaglag na items mula sa nabutas na paper bag.

“Naku miss, salamat ah, nakakahiya,” pasasalamat ni Trixie kay Melba.

“Wala ‘yun, naku, mukhang sira na ang lalagyan mo. Gusto mo, ako na lang ang babalik doon sa cashier para humingi ng dagdag na paper bag?” alok ni Melba.

“Naku, huwag na lang, nakakahiya naman sa iyo, ikaw na nga ang nagmagandang-loob na tumulong sa akin, huwag na…”

“Hindi ayos lang. Sandali lang ah,” wika ni Melba.

Umalis sandali si Melba at pagbalik niya, may dala-dala na siyang paper bag.

“Oh heto, nahingan kita. Sa susunod kasi magdala ka ng eco bag. Ako, lagi akong may eco bag kapag namimili ako eh,” nakangiting sabi ni Melba.

“Maraming salamat ha? Ano nga palang pangalan mo?” nakangiting tanong ni Trixie.

“Melba. Ikaw? Anong pangalan mo?”

“Trixie. Trixie ang pangalan ko. Sandali, may gagawin ka ba? May pupuntahan ka pa ba? Para sana makabawi ako, gusto sana kitang maimbitahang magkape,” aya ni Trixie.

Hindi makapaniwala si Melba na umaayon sa kaniya ang mga balak niya. Tama lamang. Kaya naman pumayag siya.

At iyon na ang pagsisimula ng kanilang pagkakaibigan.

Sa dalawang linggong pagkakaibigan nina Trixie at Melba, ayaw mang aminin ni Melba, subalit mukhang mabait at mabuting babae si Trixie.

Hanggang sa isang paglabas nila ay inurirat na ni Melba si Trixie tungkol sa buhay-pag-ibig nito.

“I’m sure sa ganda mong ‘yan, imposibleng wala kang nobyo?” tanong ni Melba.

Tipid na ngumiti si Trixie.

“Actually, meron… pero sana huwag mo akong husgahan ha?”

“Bakit naman kita huhusgahan? May problema ba?”

May ilang segundo bago sumagot si Trixie.

“Tama ka naman, may boyfriend ako. Pero… pero he’s a married man. May mga anak na rin.”

Kinalma ni Melba ang kaniyang sarili. Hindi siya dapat magpatangay sa umuusbong na emosyon sa kaniyang puso. Hindi ito ang tamang panahon para ibuking na siya mismo ang misis ng sinasabi nitong nobyo. Hindi ito ang balak niya.

“Ah ganoon ba? Siguro napakagwapo, mabait, at responsable nitong nobyo mo para mapapayag kang maging kabit niya. Sorry sa termino ah… pero alam mo namang ganoon, ‘di ba?”

“Oo. Alam ko naman ‘yun. Kaya nga nakokonsensya rin ako eh. Kaya lang mahal ko talaga siya… ano bang gagawin ko para hindi na maipagpatuloy pa ito, Melba? Sabi kasi niya, hindi na siya masaya sa asawa niya. Hindi na raw ibinibigay ang mga pangangailangan niya bilang lalaki, simula nang magsilakihan ang mga anak nila. Lagi rin daw siyang sinusungitan.”

Tila tinusok-tusok naman ng kutsilyo ang dibdib ni Melba sa kaniyang mga narinig. Iba pala sa pakiramdam kapag naririnig mo na sa kabit ang mga dahilan ng mister kung bakit ito nangaliwa.

Ganoon ba talaga siya? Napagtanto niya, may katotohanan din naman sa mga sinabi ni Melba, na ikinuwento marahil sa kaniya ni Edgar.

Simula nang isilang niya ang bunso nila, parang hindi na nga sila ‘nag-aanuhan’ ng mister. Para kasing nawalan na siya ng interes. Saka, parang natakot na siyang manganak, sa posibilidad na manganganak na naman siya, iiri na naman nang malala, mag-aalaga, mapupuyat, mapapagod, at makakaranas ng post-partum.

“Ano bang mabuti kong gawin, Melba? Kung tatanungin kita? Dapat ko pa bang ipagpatuloy ang pakikipagrelasyon sa kaniya?”

Napalunok si Melba sa tanong ni Trixie.

“K-Kung ako ikaw, hindi ko na itutuloy at makikipagkalas na ako. Maganda ka, Trixie. May pinag-aralan. Mabait. Huwag mong sayangin ang oras mo sa isang lalaking pamilyado. Hindi mo deserve. Anuman ang mangyari, pamilyado pa rin siya. May mga anak siya. At saka maawa ka naman sa misis niya. Tiyak na masakit na masakit para sa kaniyang malaman na niloloko siya ng mister niya. Yung halos mabaliw-baliw na siya sa kakaisip kung ano kaya ang ginagawa ng asawa niya sa mga panahong wala ito sa bahay…”

Nabasag ang tinig ni Melba at pakiramdam niya ay bubuhos na ang kaniyang luha. Nais niyang sampalin si Trixie subalit hindi niya magawa. Hindi pa ito ang katapusan nang lahat. Nais niyang magharap-harap silang tatlo nina Edgar upang manliit ang mga ito sa harapan niya.

“Maraming salamat, Melba. Malaking tulong ang mga sinabi mo,” naiiyak na sabi ni Trixie. Kinuha nito ang ang mga kamay ni Melba. Ginagap.

“Alam mo, madalang akong makipagkaibigan. Bihira ang mga kaibigan ko. Pero iba ka. Kampante ako sa iyo, magaan ang loob ko sa iyo. Hindi ko alam kung bakit.”

Ilang araw matapos ang pagkikitang iyon, napansin ni Melba na lagi nang umuuwi nang maaga si Edgar.

Lagi rin itong may dalang pasalubong para sa kaniya.

Napansin din niya na hindi na rin masyadong nagpapadala ng mensahe sa kaniya si Trixie. Baka abala lang, naisip niya.

Hanggang sa maisipan niyang gawin na ang kaniyang planong paghaharap-harap nilang tatlo. Plano niya, aanyayahan niya si Trixie ng dinner sa bahay.

Hanggang isang araw, isang tawag ang natanggap ni Melba. Si Trixie!

“Trixie! Kumusta? Bakit hindi ka na nagpaparamdam? Iimbitahan sana kita rito sa bahay for a dinner.”

“Melba, oo nga pala, hindi na kita nasabihan, nasa airport na ako ngayon at papunta na ako sa Switzerland. Tinanggap ko na ang promotion ng kompanya bilang branch manager doon. Gusto ko lang magpasalamat sa lahat. Hindi na ako nakapagpaalam. Saka… sinunod ko ang payo mo sa akin. Tinapos ko na ang lahat sa amin ng nobyo kong may asawa na.”

Gulat na gulat si Melba sa kaniyang mga narinig mula kay Trixie.

“A-Ah ganoon ba… sayang naman, hindi kita napakilala sa…”

“Melba, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadyang makipagrelasyon kay Edgar, sa asawa mo.”

Natameme si Melba sa kaniyang mga narinig.

“P-Paano mo n-nalaman na…”

“Nalaman ko noong magkita kami ni Edgar para tapusin na namin ang lahat. Nakita ko sa cellphone niya ang litrato mo, ninyong buong pamilya. Parang nangyayari sa pelikula ‘no? Sinong mag-aakalang ang legal na misis at kabit ay pagtatagpuin ng tadhana at magiging magkaibigan? Maniwala ka sa hindi, kaibigan ang turing ko sa iyo hanggang ngayon. At nahihiya ako ngayon sa lahat ng mga pinaggagawa ko, lalo na sa pamilya mo. Patawarin mo sana ako,” at narinig ni Melba ang paghikbi ni Trixie.

“T-Trixie… makinig ka sa akin, ako ang kailangang humingi ng tawad sa iyo,” sabi ni Melba, at isinalaysay niya ang kaniyang ginawang planong pakikipaglapit kay Trixie.

“Wala kang dapat ipaghingi ng kapatawaran sa akin, Melba. Sa ating dalawa, ako ang may mas malaking kasalanan. Patawarin mo ako…”

“Pinatatawad na kita, Trixie. Mag-iingat ka riyan sa bansang pupuntahan mo, at goodluck sa iyong karera…”

At masaya na ring napatawad ni Melba ang kaniyang mister at nagsimula na silang magsama nang maluwat.

Higit sa lahat…

Pinatawad na rin ni Melba ang kaniyang sarili.

Advertisement