Inday TrendingInday Trending
Nakipagkita ang Anak sa Amang Nagtatago at Pinaghahanap ng mga Awtoridad; Bakit Kaya Nagulat at Napaigtad ang Ginoo Nang Paalis na Ito?

Nakipagkita ang Anak sa Amang Nagtatago at Pinaghahanap ng mga Awtoridad; Bakit Kaya Nagulat at Napaigtad ang Ginoo Nang Paalis na Ito?

Dahan-dahan subalit tiyak ang mga hakbang ni Fred patungo sa isang madilim na lugar, sa isang bakanteng lote, batay sa text message na ipinadala sa kaniya ng amang si Mang Fidelino. Doon sila magkikita. 9:00 ng gabi.

Palinga-linga si Fred, tila ba minamatyagan niya kung may nakasunod ba sa kaniya. Hila-hila niya sa kanang kamay ang isang malaking maleta, na naglalaman ng iba pang mga damit at kagamitan ni Mang Fidelino.

Nang makarating sa tapat ng isang malaking puno, huminto si Fred. Sumipol siya, isang sipol na tanging silang mag-ama lamang ang nakakaalam. Ito ang isinisipol ni Mang Fidelino noong bata pa siya, bilang hudyat na nariyan na ito, nakauwi na mula sa maghapong pagtatrabaho.

Agad na lumabas mula sa kaniyang pinagtataguan ang lalaking nakasuot ng itim na damit, pantalong maong, at itim na sumbrero.

“A-Anak, Fred…”

“Tay…”

Emosyunal na nagyakap ang mag-ama.

“Salamat, anak, at pinuntahan mo ako rito. Dala mo na ba ang mga pinadadala kong gamit?” tanong ni Mang Fidelino.

“Opo, ‘Tay,” at iniabot na nga ni Fred ang bitbit niyang maleta na naglalaman ng mga gamit ng kaniyang ama.

“Anak, maraming-maraming salamat ah… pasensya ka na. Pasensya ka na kung nadadamay ka pa rito, pasensya ka na kung bakit ganito ang sitwasyon natin ngayon. Kailangan ko munang magtago. Magpakalayo-layo. Hayaan mong ayusin ko muna ang mga problema ko,” saad ni Mang Fidelino.

“’Tay, bakit ho ba ayaw ninyo pang magtungo sa himpilan ng pulisya para mapagaan ang habla laban sa inyo? Kung kayo na po mismo ang kusang susuko sa mga pulis, baka mapababa po ang magiging hatol sa inyo ng hukuman…”

“Anak… hayaan mong ako ang tumapos nito. Wala naman talaga akong kasalanan. Ipinain lamang ako ng mga kaibigan ko. Hindi ko naman alam na hindi pala legal ang mga kotse na ipinabebenta nila sa akin. Ngayon, lumalabas na ako pa ang promotor ng lahat. Lilinisin ko ang pangalan ko, anak,” giit ni Mang Fidelino.

“’Tay, lalo mo lang pinapalala ang sitwasyon. Sa bawat pagtatago ninyo, mas lalo kayong nadidiin. Magtiwala kayo sa mga alagad ng batas, ‘Tay. Nasa panig ninyo ang katotohanan,” pangungumbinsi ni Fred sa kaniyang ama na ilang buwan na ring pinaghahanap ng mga awtoridad.

“Sa takdang panahon, anak… pero hayaan mo muna akong magpalamig sa ngayon. Mag-iingat ka lagi ha? Huwag mong pababayaan ang sarili mo. Pangako, babalik ako, at sa pagbabalik ko, naayos ko na ang mga dapat kong ayusin.”

At muling niyakap ni Mang Fidelino ang anak na si Fred, bago siya pumihit upang umalis na.

Subalit nagulantang si Mang Fidelino nang pagharap niya, naglabasan ang mga unipormadong lalaki mula sa dilim. Tinutukan siya. Mga pulis.

“A-Anong… anong ibig sabihin nito…”

“Fidelino Manriquez, taas ang kamay! Bitiwan mo lahat ng hawak mo!” utos ng isang pulis.

Sa labis na takot ay sumunod naman si Mang Fidelino. Mabilis na nagsilapit ang iba pang mga pulis at agad siyang pinosasan.

Binasahan siya ng ‘Miranda Rights’.

Naiiyak na napatingin si Mang Fidelino sa anak, na noon ay lumuluha na.

“A-Anak… ipinagkanulo mo ko? Bakit nagawa mo sa akin ito, pinagkatiwalaan kita…”

“’Tay… mahal na mahal kita kaya ko ginawa ito. Nakipagtulungan na ako sa mga pulis para masukol ka na. ‘Tay, patawarin mo ako, pero ayokong mas malagay ka ba sa alanganin sa mga desisyon ninyo. Palagay ko, ito ang tamang gawin. Ito ang tamang paraan upang maayos ang problema mo.”

Matapos ang ilang mga paglilitis, nahatulan si Mang Fidelino na ‘guilty’ sampu ng kaniyang mga kaibigan. Matibay kasi ang mga ebidensya at saksi laban sa kanila.

Walang nagawa si Mang Fidelino kundi tanggaping kailangan niyang pagdusahan ang mga kasalanan sa likod ng mga rehas na bakal.

Hindi naman nagmimintis si Fred na bisitahin ang ama.

“Tay, patawarin mo po ako sa ginawa ko… pero para sa akin, iyon po ang nararapat gawin,” umiiyak na muling paghingi ng tawad ni Fred.

“Anak… tama ang ginawa mo. Wala kang kasalanan. Ako ang may kasalanan. Tama ka. Kailangan kong harapin ang mga bagay na nagawa ko. Nahihiya ako sa iyo. Ikaw na anak ko pa ang may maturidad na pag-iisip pagdating sa mga ganitong bagay. Anak, huwag kang mag-alala. Kapag nakalaya na ako, babawi ako sa iyo…” umiiyak na sabi ng kaniyang ama.

Malugod na tinanggap ni Mang Fidelino ang kaniyang kinasapitan. Si Fred naman ay ipinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral, nakatapos, nagkatrabaho, at nagkaroon ng sariling pamilya.

May mga rehas na bakal man na nakapagitan sa kanilang dalawang mag-ama, sa halip na mapalayo eh mas napalapit pa silang dalawa sa isa’t isa.

Umaasam si Fred na sa paglaya ng kaniyang ama, muli silang magsasama-sama at bubuo ng mas masasayang alaala!

Advertisement