Pinagkaisahan at Pinalayas ng Taumbayan ang Dayong Babaeng May Anak na Magkaiba ang Kulay ng mga Mata; Anak Daw Ito ng Maligno?
Taong 1989…
Nagulantang ang buong San Simon nang mabalitaan nila na ang isinilang ng ‘disgrasyadang’ si Salve na dayo lamang sa kanilang baryo, ay isang batang babae na may magkaibang kulay ng mga mata.
“Isang masamang pangitain, mga kababaryo,” saad ng albularyong si Mang Karyo. “May sa malas talaga ang babaeng iyan. Bigla na lamang siyang sumulpot dito sa ating baryo, mag-isa, at naninirahan pa sa gitna ng gubat? Sinong matinong tao na babae pa mandin ang magkakalakas-loob na manirahan sa isang sukal na lugar?”
“Maliban na lamang kung kampon siya ng kadiliman! Bigla na lamang napagkikitang malaki ang tiyan ng babaeng iyan. Baka iyan ay isang maharot na babae. Pero ang nakapagtataka, kakaiba ang kulay ng mga mata ng sanggol niya. Baka… baka inasawa siya ng maligno!”
At umugong ang malakas na ingay mula sa taumbayan na noon ay nagpulong-pulong upang pag-usapan si Salve.
“Ano ang marapat nating gawin? Baka malasin ang baryo natin? Malapit nang mag-anihan,” tanong ng isang lalaki.
“Ano nga ba ang mainam na gawin, Mang Karyo?” tanong ng nagpatawag ng pulong na si Kapitan Teban.
“Kung ako ang tatanungin, marapat lamang na palayasin natin siya rito. Magkaisa tayo.”
At iyon na nga ang ginawa ng taumbayan. Sabay-sabay silang sumugod sa barong-barong ni Salve na noon ay nasa gitna ng gubat, dis-oras ng gabi. Tanging mga nag-aalab na sulo ang nagbibigay-liwanag sa kanila.
Nang mga sandaling iyon ay tahimik na pinasusus* ni Salve ang kaniyang anak na may magkaibang kulay ng mata.
“Salve! Salve! Lumabas ka riyan!”
Napabalikwas si Salve at napasilip sa durungawan. Napakaraming tao sa labas ng kaniyang tahanan.
“A-Ano hong kailangan nila?” hintakot na tanong ni Salve.
“Salve, napagkaisahan ng taumbayan na paalisin ka na rito sa baryo dahil pinaniniwalaan ng lahat, batay na rin sa konsultasyon kay Mang Karyo na ating albularyo at manggagaway, na ang anak mong kasisilang ay anak ng maligno,” mahinahong utos at paliwanag ni Kapitan Teban.
Nagsigawan ang mga tao na ‘Tama!’ at ‘Layas!’
“Sandali lang ho,” pagmamakaawa ni Salve. “Ilang beses ko ho bang ipaliliwanag na hindi ho anak ng maligno o engkanto ang anak ko? Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit magkaiba ang kulay ng mga mata niya, ngunit hindi siya anak ng masamang elemento. Oo, masamang lalaki ang kaniyang ama, isang dem*nyo sa ugali, subalit hindi siya anak ng maligno o kung ano pa man!”
“Ah basta, hindi ka namin gusto rito! Isa kang babaeng maharot! Hindi ka dapat pamarisan ng mga anak naming babae. Kung kani-kanino kang lalaki nagpapagalaw! Saan ka nakakita ng isang babae na may anak pero walang asawa? Hindi tama ‘yan! Kasalanan sa Diyos ang ginawa mo. Isa kang maruming babae!” saad ng isang ginang na relihiyosa at palasimba.
“Huwag mong hintaying kaladkarin ka namin o kaya naman ay pagbabatuhin. Umalis ka na lang nang payapa,” segunda naman ng isang ginoong may hawak na tandang na panabong.
Hindi magkamayaw ang pagsang-ayon ng iba pa.
Dahil mahal na mahal ni Salve ang kaniyang sanggol, minabuti na lamang niya na lisanin ang baryong iyon at ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na siya babalik doon, kahit na ang gubat na kinatirikan ng kaniyang barong-barong ay pagmamay-ari ng kaniyang lolo, na hindi alam ng mga kababaryo.
Kung saan-saan naglagalag ang mag-ina. Naging palaboy sila. Iniiwasan at tila pinandidirihan siya ng mga taong nakakasalubong, lalo na kapag nakikita nila ang mga mata ng kaniyang anak na magkaiba ang kulay.
Hanggang sa isang mamamahayag ang hindi sinasadyang makita ang mag-ina habang nangangalkal ng basura. Ang naturang mamamahayag ay naitalaga sa lugar na iyon upang maghatid ng balita. Agad niyang tinanong si Salve kung papayag ba ito sa isang panayam, upang mailapit na rin sa espesyalista ang dahilan ng pagkakaiba sa kulay ng mga mata ng anak nito.
Pumayag naman si Salve. Naisagawa ang panayam.
Agad na naitampok ng mamamahayag sa peryodiko ang tungkol sa kalagayan ng anak ni Salve. Batay naman sa espesyalistang napakiusapan ng mamamahayag na suriin ang kondisyon ng anak ni Salve, ang kalagayan nito ay tinatawag na Heterochromia.
Malinaw na hindi anak ng maligno ang anak ni Salve na si Daisy.
Hanggang sa unti-unti na ngang lumaki si Daisy. Nakatapos ng pag-aaral, nagsusumikap, at nakapangasawa ng isang napakayamang lalaki. Bagay na hindi na naabutan pa ni Salve.
Taong kasalukuyan…
“Babe, tulungan mo akong maghiganti sa aming mga kababaryo,” pakiusap ni Daisy sa asawa.
“Paano kita matutulungan? Anong klaseng paghihiganti?” tanong ng mister ni Daisy.
“Sa ngayon, isang mayamang haciendero ang kumakamkam sa buong San Simon. Pagmamay-ari raw niya ang buong lupain. Nais kong bilhin mo ito mula sa kaniya, dahil napag-alaman ko na kompadre mo sa paglalaro ng golf ang hacienderong iyon. Kapag ako na ang may-ari ng buong San Simon, luluhod silang lahat sa akin. Magmamakaawa. Maipaghihiganti ko na rin ang nanay sa ginawa nila.”
“Sige, sige. Gagawin ko para sa iyo, mahal ko.”
Nagbunyi ang buong San Simon nang mapag-alaman nilang hindi na ang sakim na haciendero ang may-ari ng buong baryo, kundi nabili na raw ng isang mayamang-mayamang lalaki.
Si Kapitan Teban, na noon ay matanda na, ay muling pinulong ang taumbayan.
“Makikiusap tayo sa bagong may-ari na huwag na tayong paalisin sa lugar na ito, na kahit hulugan na lamang paunti-unti ang ating mga kinatitirikang lupa, ay gagawin natin, huwag lamang tayong mapaalis dito sa lugar na naging tahanan na natin at pinagmumulan ng ating kabuhayan.”
Sumang-ayon naman ang taumbayan sa mungkahi ni Kapitan Teban.
Itinakda ang paghaharap-harap ng bagong may-ari ng San Simon at ng taumbayan. Ganoon na lamang ang gulat nila nang magtanggal ng kaniyang shades si Daisy.
“Nagulat ba kayo? Oo. Ako nga ang anak ni Salve, ang babaeng pinagkaisahan ninyong palayasin sa baryong ito. Na sinabihan ninyo nang kung ano-anong masasakit na mga salita, na kesyo masamang babae, maharot, marumi—na ginawan pa ng kuwento na naasawa ng maligno. Ngayon, nagbabalik ako para maningil sa inyong lahat!”
Natahimik ang taumbayan. Waring hindi sila makapaniwala sa mga narinig nila mula kay Daisy, lalo na ang mga matatanda na naging saksi at naging bahagi ng naturang pagpapaalis kay Salve.
“Daisy, lubos kaming humihingi ng kapatawaran sa lahat ng pagkakamaling nagawa namin sa iyong ina. Nang mga panahon na iyon ay wala pa kaming alam sa siyensya. Nang mabasa namin sa peryodiko ang pahayag ng espesyalista na tumingin sa iyo noon, saka namin napagtantong nagkamali kami, na isa pala itong seryosong kondisyon. Patawarin mo na kami,” halos manikluhod si Kapitan Teban kay Daisy.
“Hindi! Hindi ako papayag na hindi ko man lamang mabigyan ng paghihiganti ang aking ina. Sa susunod na linggo, muli akong babalik, at gusto kong wala na kayo rito sa aking lupain. Magbalot-balot na kayo!” pagbabanta ni Daisy hanggang sa walang lingon-likod na umalis na siya.
Kinagabihan ay napanaginipan niya ang ina. Sinabi nito sa kaniya na huwag nang ituloy ang anumang mga balak dahil masaya na ito sa kaniyang kinalalagyan.
“Payapain mo na ang sarili mo, anak…” natatandaan ni Daisy na sabi sa kaniya ni Salve sa panaginip.
Nang sumapit ang araw ng pagbabalik niya sa San Simon, ganoon na lamang ang kasiyahan ng taumbayan nang marinig nila mismo sa bibig ni Daisy na hindi na niya palalayasin ang lahat. Sumang-ayon siya sa panukala ni Kapitan Teban.
“Hindi mo alam kung paano mo kami pinasaya, Daisy. Maraming-maraming salamat!” naiiyak na pasasalamat ni Kapitan Teban kay Daisy.
Nakaramdam ng kasiyahan sa kaniyang puso si Daisy. Alam niya, masaya rin ang kaniyang inang si Salve, saan man ito naroroon.