Inday TrendingInday Trending
Sa Wakas, Tumino na ang Binatang Ito Mula sa Pagkahilig sa mga Babae at Nahanap na ang Dalagang Pakakasalan Niya; Mapanindigan Kaya Niya Ito?

Sa Wakas, Tumino na ang Binatang Ito Mula sa Pagkahilig sa mga Babae at Nahanap na ang Dalagang Pakakasalan Niya; Mapanindigan Kaya Niya Ito?

“Paano ba ‘yan, bro? Bukas, hindi ka na binata. Hindi ka na namin basta-basta makakasama sa happy-happy?” kantiyaw ni Junie sa kaniyang kaibigang si Paul, na isang ‘babaero’.

Pero sa pagkakataong iyon, tila seryoso na sa pakikipagrelasyon si Paul. Nakahanap ng katapat. Isang babaeng nagpaibig sa kaniya nang husto at ibang-iba sa lahat ng mga babaeng nakilala niya.

Si Nicole.

Bukas, hindi na lamang sila dalawa kundi iisa na. Masayang-masaya ang pamilya at mga kaibigan niya dahil sa wakas, tila raw naumpog na siya sa pakikipaglaro. Si Nicole lang daw pala ang makapagpapatino sa kaniya.

“Oo nga bro eh. Wala eh, tinamaan ni Kupido,” natatawang sabi ni Paul sabay turo sa kaniyang puso. “Akala ko nga hindi na ‘ko titino. Pero iba si Nicole eh. Siya yung tipong sineseryoso talaga. Siya yung klase ng babae na deserve na deserve pakasalan. Hangal ka na lang kung pakakawalan mo na lang ang isang gaya niya.”

“Pero bro ah, sana tumino ka na talaga. Iba na kapag nakatali ka na. Awat na sa kaka-chicks,” biro pa ni Junie na siyang best man niya.

“Oo naman, bro. Alam mo namang hindi ako naniniwala sa konsepto ng kasal. Kaya para mapapayag mo akong magpakasal, malaking bagay ‘yun. At kay Nicole ko lang gustong maikasal.”

At dumating na nga ang araw na pinakananabikan ng lahat, lalo na ni Paul.

Ang araw ng pag-iisang dibdib nila ni Nicole.

Para siyang maiiyak nang matapos ang entourage ay bumukas na ang malaking pinto ng katedral at bumungad ang kaniyang napakagandang bride. Napakaswerte talaga ni Paul!

Pakiramdam ni Paul ay huminto ang oras. Wala siyang ibang nakikita nang mga sandaling iyon kundi si Nicole at ang puting-puting trahe de boda nito. Dinig ni Paul ang malakas na kabog sa kaniyang dibdib. Halo-halong emosyon ang pumupuno sa kaniyang puso.

Masaya, kinikilig, kinakabahan, nasasabik…

Sa wakas, matatawag na niyang kaniya ang babaeng ‘nagpatino’ sa kaniya. Ipinapangako niya sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat nang makakaya niya upang mapasaya si Nicole.

Ituturing niya itong reyna ng kanilang kaharian.

Pagod na siya sa pakikipaglaro.

Pagkatamis-tamis ng ngiti ni Paul nang umabot na sa kaniya ang bride. Kakaiba rin ang ngiti ni Nicole. Ngayon lamang niya nakita ang gayong klaseng ngiti ng nobya simula nang maging sila. Kakaiba. Lalo siyang kinabahan subalit hindi niya alam kung saan nagmumula. Ganoon ba talaga kapag ikinakasal?

“Babe, this is it,” naiusal ni Paul.

“Yes babe, ito na ang araw na pinakahihintay ko,” wika naman ni Nicole.

Pagkatapos ay dumiretso na ang dalawa sa harapan ng paring magkakasal sa kanila.

Sa totoo lang, hindi na maunawaan ni Paul ang laman ng homily ng pari dahil panay sulyap lamang siya sa napakagandang mukha ni Nicole, na para bang blangko ang ekspresyon ng mukha.

Naisip niya, baka kinakabahan ding tulad niya.

Maya-maya, dumako na sa tanungan.

“Paul, tinatanggap mo ba si Nicole bilang kabiyak ng iyong dibdib?” tanong ng pari.

“Opo, padre. Tinatanggap ko po nang lubusan,” tugon naman ni Paul.

“Ikaw Nicole, tinatanggap mo ba si Paul bilang kabiyak ng iyong dibdib?” tanong naman ng pari kay Nicole.

“Hindi po.”

Napatda si Paul sa kaniyang narinig. Hindi lamang siya, kundi ang pari at maging ang lahat ng mga naroon.

“B-Babe…?”

Sa pagkagulat ni Paul at ng lahat ay biglang tinanggal ni Nicole ang belong tumatabing sa kaniyang mukha.

“Hindi ako magpapakasal sa isang gaya mo, Paul Aragones! Isang palabas lamang ang lahat,” nakangising sabi ni Nicole. “Ano ngayon ang pakiramdam ng maloko at mapaglaruan?”

“Nicole, ano itong palabas na ito?” tanong ng ina ni Paul sa mga nangyayari. “Bakit mo ipinahihiya ang anak ko?”

“Natatandaan mo ba ang dati mong nobya na si Krizette, na matapos mong lokohin eh nagawang tapusin ang sarili niya? Kapatid ko siya, Paul, kapatid ko siya! Kaya ninais kong ipalasap sa iyo ang sakit na naramdaman namin nang mawala siya. Kulang pa ito kung tutuusin, Paul. Buhay ang inutang, buhay rin ang kapalit. Pero hindi ko hahayaang dumanak ang dugo ng isang kagaya mo sa mga palad mo,” paliwanag ni Nicole.

Pakiramdam ni Paul ay parang tinatarak ng patalim ang kaniyang dibdib. Pakiramdam niya ay nanliliit siya at unti-unti siyang lumulubog sa kaniyang kinatatayuan. Napakarami pa naman nilang mga panauhin, bukod pa sa mga gastos na siya mismo ang nagpaluwal, kahit sa trahe de boda ni Nicole.

“Isang laro lamang ang lahat Paul, kagaya ng pakikipaglaro mo sa mga babae mo. Naipaghiganti ko na rin ang ate. Hindi kita mahal, hindi kita minahal, at hinding-hindi kita mamahalin,” saad ni Nicole sabay alis palabas ng simbahan.

May kung ilang buwan ding pinag-usapan ang naturang mga pangyayari lalong-lalo na ng mga nakasaksing panauhin, subalit wala nang pakialam dito si Paul. Wala na ring paramdam si Nicole at hindi na rin ito nagpakita o nagpadala sa kaniya ng mensahe.

Tunay ngang nakahanap siya ng katapat sa katauhan ni Nicole.

Sa halip na magalit, tinanggap ni Paul nang maluwag sa kaniyang dibdib ang mga nangyari, dahil naisip niya, kabayaran ito sa lahat ng mga hindi magagandang nagawa niya, sa mga panlolokong ginawa niya sa mga nakarelasyong babae, na ang isa ay naging dahilan pa upang wakasan ang sarili.

Hindi niya alam kung handa na ba siyang magmahal ulit, pero iisa lamang ang tiyak: nagsisisi na siya at hinding-hindi na niya uulitin pa ang mga nagawa niya sa nakalipas.

Kailanman.

Advertisement