Inday TrendingInday Trending
Sinungitan ng Sekretarya ang Isang Matandang Lalaking Inakala Niyang Nagsosolicit sa Kanilang Opisina; Gusto Niyang Maglahong Parang Bula Nang Malaman Kung Sino Ito

Sinungitan ng Sekretarya ang Isang Matandang Lalaking Inakala Niyang Nagsosolicit sa Kanilang Opisina; Gusto Niyang Maglahong Parang Bula Nang Malaman Kung Sino Ito

Kung pagandahan at paseksihan din lamang ang pag-uusapan, tiyak na hindi magpapatalbog diyan si Lexi, ang magandang sekretarya ni Mr. Legazpi. Bukod sa taglay na magandang mukha at balingkinitang katawan, lagi ring sunod sa moda ang kaniyang mga damit.

Hinahangaan siya ng mga kasamahan sa trabaho subalit pinagtataasan naman ng kilay ng mga inggitera. ‘Over-dressed’ daw kasi siya. Akala mo raw ay pupunta ng party dahil talagang ‘effort’ ang kaniyang pagpapaganda.

Kibit-balikat naman dito si Lexi. Sa palagay niya, walang masama sa kaniyang ginagawa. Isa pa, talaga namang kapag sekretarya, inaasahang presentable lalo na’t maraming kinahaharap na mga propesyunal na tao hindi lamang sa opisina kundi sa labas.

Ngunit ang problema kay Lexi, masyadong mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili, at kapag sa tingin niya ay mabait o kaya naman ay malambing ang isang tao sa kaniya, pinag-iisipan na kaagad niya ito nang masama. Lalo na kapag lalaki.

Lalo na ngayon. Napansin ni Lexi na habang naglalakad siya sa pasilyo ng opisina, isang matandang lalaking simple ang pananamit at may tangang tungkod, ang lumapit sa kaniya.

Hindi niya ito pinansin.

“Miss, puwede ba akong magtanong?”

Pinasadahan niya ng tingin ang matanda mula ulo hanggang paa. Ngayon lamang niya nakita ito.

“Lolo, hindi po ba ninyo napansin na nagmamadali ako? Hindi po kami tumatanggap ng solicitation dito, at lalong hindi kami nagpapaunlak ng limos,” matalas ang dilang saad ni Lexi.

Kapansin-pansing namula ang pisngi ng matanda.

“Hindi naman ako nagpunta rito para gawin ang mga sinasabi mo, puwede bang magtanong kung saan ang…”

“Ay lolo, pasensya na po, hindi po ako receptionist dito at lalong hindi rin po ako guwardiya. Doon na lang ho kayo magtanong,” at ininguso niya ang lugar kung nasaan naroon ang guwardiya.

Magsasalita pa sana ang matanda subalit hindi na ito nakahuma pa dahil naglakad na ulit si Lexi patungo sa elevator, paakyat sa pinakamataas na palapag kung saan naroon ang amo niya—ang Chief Executive Officer na si Mr. Legazpi.

Pagdating sa opisina ng kaniyang boss ay agad siyang nagtungo sa pantry upang ipagtimpla ito ng kape at kuhanan ng meryenda. Naririnig niya na may kausap ito sa cellphone.

“Ano? Binastos ka? Nino?” narinig niyang sabi ni Mr. Legazpi.

“Sinong nambastos? Naku, lagot ka ngayon!” sa isip-isip ni Lexi.

“Sige. Aalamin ko kung sino ‘yang sinasabi mo at nang mapagsabihan. Natatandaan mo naman ang hitsura?”

Lumapit na si Lexi sa kaniyang boss at ngumiti ng ubod-tamis kay Mr. Legazpi. “Sir, magkape po muna kayo at mag-snack para hindi na uminit ang ulo ninyo. Kay aga-aga po, HB kaagad kayo!” biro ni Lexi.

Matipid na ngumiti si Mr. Legazpi. Napansin ni Lexi na kapag sinusubukan niyang maging magaan at medyo personal ang usapan nila, ibinabalik nito sa trabaho ang kanilang usapan.

“Oo nga pala Lexi, na-email mo na ba yung project proposal natin kina Mr. Romero?”

“Opo sir, pero sige po, mag-follow up po ako sa kanila na magpadala ng feedback,” sagot naman ni Lexi.

Tumango-tango naman si Mr. Legazpi. Bumalik na si Lexi sa kaniyang puwesto, kinuha ang kaniyang tablet, at nagsimula nang ayusin ang iskedyul sa kalendaryo ng kaniyang boss.

Maya-maya, nanlaki ang mga mata ni Lexi nang mabungaran ang matandang lalaking pinagsabihan kanina.

“Oh? Bakit mo ko sinundan dito, lolo? Hindi ba’t sinabi ko na sa inyo na hindi ako ang receptionist dito at hindi rin ako guwardiya? Walang sinuman ang nakakapunta rito sa palapag na ito dahil narito ang opisina ng anak ng may-ari ng kompanyang ito, na boss ko,” masungit na sabi ni Lexi.

“Tama naman ang pinuntahan ko. Dito ang opisina ni Carlo, hindi ba?”

Nangunot ang noo ni Lexi. Carlo? Teka, si Mr. Legazpi iyon!

“Oo, siya nga. Bakit, magsosolicit ba kayo sa kaniya—”

“Lolo Mauro!”

Nanlaki at nanlamig si Lexi nang makitang nilapitan ni Mr. Legazpi ang matandang lalaking kausap at niyakap ito.

“Apo… kumusta ka na?” nakangiting sabi ng matandang lalaki.

“Heto, Lo… miss na kita! Kailan pa kayo bumalik ni Lola mula sa Sweden?” nakangiting tanong ni Mr. Legazpi.

“Kahapon lang, iho. Teka, sekretarya mo pala ang babaeng ito?” tanong ng matandang lalaki na tinawag na Lolo Mauro.

“Opo, bakit po Lolo?”

“Siya ang tinutukoy ko na nambastos sa akin.”

At ikinuwento ni Lolo Mauro sa apo ang mga pinagsasabi sa kaniya ni Lexi, magmula sa unang palapag, hanggang sa kaninang nasa harapan na siya nito.

Hiyang-hiya si Lexi sa kaniyang boss. Hiling niya, sana ay lamunin na lamang siya ng lupa o maglaho ng parang bula dahil sa labis na kahihiyan.

“S-Sir, pasensya na po kayo, hindi ko po kasi alam… akala ko po kasi…”

“Iha, kesehodang lolo ako ng may-ari ng kompanya, o karaniwang empleyado, o tagalabas, hindi pa rin tama ang ginawa mo. Wala ka pa ring karapatang pagsalitaan nang masama ang mga tao. Sino ka ba sa akala mo?” sarkastikong sermon ng lolo ni Mr. Legazpi.

Matapos sabunin ng kaniyang boss ay hindi naman siya tinanggal sa trabaho, bagama’t pinagsabihan siya nang bonggang-bongga na maging maayos at magiliw ang pakikitungo sa lahat. Mabuti na lamang at mabait din ang lolo nito, na sinungit-sungitan niya.

Simula noon ay binago na ni Lexi ang kaniyang pag-uugali lalo’t mabilis itong kumalat sa kaniyang mga kasamahan. Nagtanda na siya at ipinangako niya sa sariling hinding-hindi na niya uulitin ito kailanman.

Advertisement