Pinakialaman ng Babaeng Ito ang Pag-aari ng Kaniyang Kapatid na Nagtatrabaho sa Abroad; Masosorpresa Siya sa Biglaang Pag-uwi Nito
Sabik na sabik si Cherry. Katatapos lamang nilang mag-usap ng kanilang kuya sa video call, dahil ibinalita nito sa kaniya na bumili ito ng isang bahay at lupa. Anito ay balak daw nito ’yong ipa-renovate pag-uwi nito galing sa ibang bansa, kaya naman ipinauubaya na muna nito sa kaniya ang pangangalaga no’n habang wala ito.
Nangako naman si Cherry na tutuparin niya ang bilin ng kaniyang kuya, ngunit ang pangakong ’yon ay labas sa kaniyang ilong. Ang totoo ay may iba siyang balak na gawin sa pagmamay-ari nito, upang magkapera!
“Parerentahan mo?!” gulat na tanong sa kaniya ng matalik na kaibigan niyang si Jill, nang sabihin niya rito ang kaniyang plano. “Hindi kaya, magalit sa ’yo ang kuya mo n’yan?”
Napangisi lang si Cherry. “Hindi siya magagalit kung hindi niya malalaman. Matagal pa naman bago umuwi ’yon dahil sobrang busy no’n sa trabaho, kaya ako na ang bahala,” sagot pa niya rito at dahil doon ay hindi naman napigilan ni Jill ang mapailing.
“Ewan ko, friend, ha? Pero kung ako ang tatanungin mo, hindi ako sang-ayon sa balak mong gawin. Masiyadong mabait ang kuya mo tapos ganito pa ang igaganti mo sa kaniya?” nagdadalawang isip namang payo pa ng kaniyang kaibigan na ikinainis naman ni Cherry.
“Hindi ko naman kailangan ng opinyon mo, e. Kung ayaw mo akong tulungang maghanap ng uupa sa bahay, edi ako na lang! Ang dami mo pang sinasabi d’yan, akala mo naman kung sino ka!” inis pang aniya sa kaibigan. Napailing na lamang ito at hindi na nakapagsalita pa.
Itinuloy pa rin ni Cherry ang kaniyang balak. Pinarentahan niya ang bagong bahay na binili ng kaniyang kuya at nagpakasasa siya sa loob ng ilang buwan gamit ang perang kinikita niya galing dito. Walang kaalam-alam ang kaniyang kuya sa kalokohang ginagawa ni Cherry. Kailangang-kailangan kasi nito ng pera, dahil si Cherry na rin ang bumubuhay ngayon sa kaniyang boyfriend na batugan. Maging ang pamilya ng kaniyang nobyo ay sa kaniya na umaasa kaya naman hindi siya maaaring mawalan ng pera kahit pa nga isa lamang siyang estudyanteng sinusuportahan din naman ng kaniyang kuya ngayon.
Ika’tlong taon na ni Cherry ngayon sa kolehiyo, ngunit hindi naman siya pinapayagan ng kaniyang kuya na mag-part time job. Katuwiran nito, kaya nga raw siya nagtatrabaho ngayon ay upang hindi na siya mahirapan pa.
Samantala, ganoon na lang ang pagkasabik ng kaniyang kuyang si Cholo. Balak kasi ng binata na sorpresahin ang kaniyang kapatid na ilang taon din niyang hindi nakita. Hindi kasi siya nagbakasyon upang makaiwas sa gastos, kaya naman ngayon ay gusto niyang puntahan ang kapatid. Tutal ay nalalapit na ang debut nito ay nais niyang sabihin na sa wakas kay Cherry ang tunay na surpresang matagal na niyang nais ihandog.
Mahal na mahal ni Cholo ang kaniyang nag-iisang kapatid. Buhat kasi nang sabay silang naulila ng kanilang mga magulang dulot ng isang aksidente sa eroplano ay sila na lamang dalawa ang naging karamay ng isa’t isa. Ipinangako ni Cholo sa kaniyang sarili na hindi niya kailan man pababayaan ang kapatid, kaya naman nagsusumikap siya sa ibang bansa. Ito rin ang dahilan kung kaya ibinili niya ng bahay ang naipon niyang pera…nais niyang hindi na iyon problemahin pa ni Cherry sa hinaharap kaya ibibigay niya iyon sa kaniyang kapatid.
Ngunit tila biglang bumagsak ang kaniyang balikat nang sa kaniyang pag-uwi ng ’Pinas ay isang hindi magandang balita ang nakarating sa kaniya.
“Ano’ng ibig sabihin nito, Cherry?!”
Nakarating na rin sa kaniya ang tungkol sa ginagawa nitong pagpaparenta sa bagong bili niyang bahay, dahil nga sinusuportahan at binubuhay nito ang nobyo nitong walang ginagawa sa buhay, dala pa ang pamilya nito!
Halos hindi naman makaumang si Cherry, lalo na nang palayasin ng kaniyang kuya ang nobyo niyang mapang-abuso sa mismong bahay nila. Ni hindi ito nangiming iwan siya gayong wala na siyang pakinabang pa para dito. Doon niya nalaman na ang bahay palang binili ng kaniyang kuya ay para talaga sa kaniya, bilang regalo nito sa nalalapit niyang kaarawan! Labis na pagsisisi ang kaniyang naramdaman. Hiyang-hiya siya sa iginanti niya sa ipinakitang kabutihan sa kaniya ng kaniyang kapatid, kaya naman ganoon na lang ang paghingi niya ng tawad dito.
“Nagkamali po ako, kuya. Masiyado akong nabulag ng pag-ibig kaya hindi ko na nagawa pang mag-isip nang tama. Sana, mapatawad mo pa ako,” umiiyak at sinserong sabi ni Cherry sa kaniyang kuya, na kalaunan ay hindi rin naman siya natiis. Niyakap na lamang siya nito at sinabing huwag na huwag niya nang uulitin pa ang ginawa.
Nangako naman si Cherry na tutuparin ’yon, kaya naman mabilis silang nagkaayos. Isang malaking leksyon ang iniwan ng pangyayaring iyon para sa kaniya.