Inday TrendingInday Trending
Ikinatuwa ng Babae ang Biglaang Pagkalugi ng Negosyo ng Kaniyang Matalik na Kaibigan; Ito pala ang Kapalit ng Panandalian Niyang Tagumpay

Ikinatuwa ng Babae ang Biglaang Pagkalugi ng Negosyo ng Kaniyang Matalik na Kaibigan; Ito pala ang Kapalit ng Panandalian Niyang Tagumpay

“Ibinebenta na raw nina Sasha ’yong negosyo nila, Mildred…nabalitaan mo na ba?” tanong sa kaniya ng isang kaibigang napadaan sa kaniyang boutique. Ang tinutukoy nito ay ang isa pa nilang kaibigang si Sasha na katulad niya ay nagmamay-ari rin ng isang fashion boutique na ang itinitinda ay puro magaganda at eleganteng mga damit na pambabae at panlalaki.

“Talaga?” gulat namang naitanong niya. Matagal na siyang walang balita sa kaibigan niyang ito dahil pinutol niya ang koneksyon nila buhat nang malaman niyang unti-unti nang nakikilala ang negosyo nito.

Hindi niya kasi kayang tumanggap ng kompetisyon. Hindi kaya ni Mildred na makitang nauungusan siya ng iba niyang kaibigan, kaya naman upang hindi siya tuluyang lamunin ng inggit ay minabuti na lamang niyang hindi makibalita tungkol kay Sasha at sa nangyayari rito.

“Oo. Ang totoo n’yan, usap-usapan na nga na nalulugi na ang negosyo nila kaya naman ipinauubaya na lamang ito sa iba. Hindi ko alam, pero parang balak na rin daw yata ni Sasha na magtrabaho na lang sa kompaniya ng pamilya ng kaniyang napangasawa para may mapagkuhanan pa rin siya ng ikabubuhay,” sagot pa ng kausap.

Lihim namang napapangisi sa nalaman si Mildred. Sa wakas, pagkalipas ng ilang taong nagtago siya sa likod ng inggit niya kay Sasha, ngayon ay kaya niya na itong pagmalakihan. Buong buhay niya ay hindi siya naging angat sa sinuman, dahil palagi na lamang may mas magaling kaysa sa kaniya. Masiyado kasi siyang nagpapakain sa inggit at mahilig siyang tumingin sa ibang tao kaya naman halos hindi umangat-angat si Mildred.

Katulad na lamang ngayon. Imbes na malungkot at maawa siya sa kaibigang tila nangangailangan ng tulong ay nagawa pa niyang mapangisi at isiping sa wakas ay magagawa niya na itong yabangan. Mawawala na rin sa wakas ang kompatisyon niya sa mall na kaniyang pinagpupuwestuhan, dahil aalisin na roon ang negosyo ni Sasha.

Mas marami kasi itong kustomer kaysa sa kaniya, kaya naman nakapagtatakang nalugi ito ngayon. Ngunit agad din namang nasagot ang kaniyang mga katanungan nang malaman niyang nagkasakit pala si Sasha kaya naman napabayaan nito ang negosyo.

Ilang taon ding nagpakasasa si Mildred sa ‘tagumpay’ na kaniyang nakamit buhat nang mawala si Sasha sa usapan. Ang mga kustomer nito ay napunta na sa kaniya, kaya naman pakiramdam niya ay mas angat na siya sa kaibigan. Ni hindi niya nga ito nagawang kausapin sa mga nakalipas na taon kahit ang kumustahin man lang, tulad ng ginagawa nito sa kaniya noong ito pa ang nasa itaas.

Ganoon pa man, hindi akalain ni Mildred na tatlong taon lang pala ang itatagal ng kaniyang tagumpay. Sa tapat kasi ng mall na kanilang pinagpupuwestuhan ay mayroon ding itinayong bagong mall na kakalaban sa kanilang puwesto! Mas maganda, mas malaki at mas mukhang elegante iyon, kaya naman madali rin iyong nakilala ng mga tao. Dahil doon ay unti-unting humina ang benta ng boutique ni Mildred, hanggang sa halos hindi na kayanin ng kita niya sa araw-araw ang pasahod niya sa kaniyang mga tauhan. Dahil doon ay naisip niyang lumipat na lamang ng puwesto sa bagong mall na katapat ng kanilang pinagpupuwestuhan, ngunit napakahirap na palang makahanap ng puwesto doon dahil punuan na ito ngayon.

Palabas na sana si Mildred sa naturang mall, nang hindi sinasadya ay may nakabungguan siya dahil hindi siya nakatingin sa kaniyang dinaraanan. Nang mag-angat naman siya ng tingin upang humingi ng paumanhin sa nabunggo niya ay nagulat siya nang makilala kung sino ito!

“Sasha?” gulat na sambit niya sa pangalan ng dating kaibigan.

Agad naman siyang nginitian nito. “Ikaw pala, Mildred! Kumusta?” ganting-bati naman nito sa kaniya.

Hindi maiwasan ni Mildred ang mamangha nang makita ang hitsura nito. Mula ulo hanggang paa kasi ni Sasha ay nagsusumigaw iyon ng kaelegantehan! Mukha itong yayamanin, kaya naman dahil doon ay muli na namang nanumbalik ang inggit sa puso ni Mildred.

“Ano ang ginagawa mo rito, Mildred? May binili ka ba?” tanong sa kaniya ni Sasha.

Doon naman naisipan ni Mildred na oras na upang yabangan niya ito upang ibsan ang inggit na nararamdaman niya rito ngayon. “Naku, hindi. Naghahanap kasi ako ng puwesto. Alam mo na, kailangan mag-expand ng negosyo. Malaki na kasi kami kaya hindi na kami kasiya doon sa luma…pero grabe, ’no? Punong-puno na agad ang mga puwesto rito. Sobrang sikat kasi nitong mall, e. Hula ko, ang yaman ng may-ari nito. Maghihintay na lang akong magkaroon ng bakante para makapasok agad ako,” sagot naman niya na nakangisi pa at taas noo.

Tumawa naman si Sasha. “Naku, hindi naman sa mayaman. Sakto lang. Nag-uumpisa pa lang din naman kami rito ng mister ko. Siguro, sinuwerte lang na nakilala agad itong mall namin. Sa bagay, matagal ko na rin naman itong pinaghandaan at pinag-isipan, e. Salamat, ha?” sagot pa nito na halos ikalaglag naman ng panga ni Mildred.

“I-ikaw ang may-ari nito?” nanlalaki ang mga matang tanong niya.

Ganoon na lang ang pagkapahiyang naramdaman niya sa kaniyang sarili nang tanguan siya nito nang nakangiti! Nahiling niya pa nga na sana’y lamunin na lamang siya ng lupa sa sobrang pagkapahiya! Kung bakit ba naman kasi naisipan niya pang magyabang, iyon pala’y wala pa rin naman siyang binatbat dito. Karma tuloy ang inabot niya.

Advertisement