Mahilig Umangal sa Trabaho ang Empleyadong ito kapag Wala ang Kanilang Boss; Tiklop Siya nang Malaman nito ang Ginagawa Niya!
“Ano ba ’yan, pasok nang pasok dito, isang inumin lang naman ang bibilhin!” angal ni Jeffrey nang makita ang isang grupo ng mga kabataang biglang pumasok sa kanilang kainan. Hula niya’y iistambay lang naman ang mga ito at walang ibang gagawin kundi ang mag-selfie upang may mai-post sila kunwari sa social media.
“Oy, Jeff, ano ka ba! Ganoon talaga, ’no! Huwag ka na ngang magreklamo d’yan. Binabayaran naman tayo para asikasuhin ang lahat ng customers na papasok dito, regardless kung ilan ba ang o-order-in nila,” payo naman sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kasamahang si Kris, bago ito kumilos at siya nang nag-asikaso sa kanilang mga bagong pasok na kustomer.
“Ma’am, sir, ano po’ng order nila?”
Napangisi na lamang si Jeff, nang marinig na um-order lamang ang mga ito ng tig-iisang inumin. Dahilan nila ay may hinihintay pa raw kasi sila, kaya mamaya na lamang sila kakain.
“Sabi ko sa ’yo, e!” pumapalatak pang pasaring niya kay Kris nang muli itong lumapit sa kaniyang puwesto.
“Tumigil ka na nga, Jeff. Sumbong kita kay boss, e,” asar namang saway nito sa kaniya na ikinakunot ng noo ni Jeffrey.
“Sipsip!” hiyaw niya. Wala siyang pakialam kung maririnig man iyon ng iba nilang mga kustomer.
Palagi na lamang ganito si Jeffrey sa trabaho. Simula nang makapasok siya rito ay hindi na siya naubusan pa ng reklamo. Halos araw-araw ay may inginingitngit siya kahit iyong mga kaliit-liitan lamang na bagay. Iyon din ang dahilan kung kaya’t noon ay hindi siya tumagal sa kaniyang mga dating trabaho.
Likas na kasi ang katamaran kay Jeffrey. Ang gusto niya ay kahig na lamang nang kahig. Ayaw niyang kumilos. Kahit nga sa bahay nila’y ganoon din ang ipinapakita niya kaya nga palagi rin siyang napapagalitan at nasesermunan ng kaniyang mga magulang.
Ngunit may mga oras din namang nagsisipag si Jeffrey. Iyon nga lang, nangyayari lamang ’yon tuwing nandiyan ang kanilang boss, dahil doon ay nagpapalakas siya at nagpapakitang gilas—ngunit madalang lang ’yong mangyari dahil madalang lang din namang dumalaw ang kanilang boss.
Kaya nga maya-maya pa ay nagulat na lamang si Jeffrey nang dumating ang kanilang boss sa kainang pinagtatrabahuhan niya. Naabutan siya nito habang nakaupo at ang kasama lamang niyang si Kris ang kumikilos.
“Ganito ba lagi ang ginagawa mo rito, Jeffrey? Sobrang disappointed ako sa ’yo. Akala ko pa naman ay masipag ka, iyon pala ay pakitang-tao lang,” naiiling na sita sa kaniya ng kanilang boss.
“Sino ho ba ang may sabi n’yan sa inyo, sir? Si Kris ba? E, sinisiraan lang naman ho ako n’yan sa inyo, dahil gustong sumipsip n’yan!” inis namang katuwiran niya sabay tapon ng masamang tingin sa kasamahan.
Natawa nang mapakla ang kaniyang boss sa kaniyang sinabi. “E, bakit naman kailangang sumipsip sa akin ni Kris, aber? Para sabihin ko sa ’yo, Jeffrey, kapatid ko ’yan, slash, co-owner ko rito sa pinagtatrabahuhan mo! Sa totoo lang ay boss n’yo rin siya, kaya lang ay gusto niya kayong kaibiganing lahat kaya’t ayaw niyang magpakilala. Pero maganda na rin naman pala ’yon, dahil nakilala namin ang tunay mong ugali habang maaga.”
Halos lumuwa ang mga mata ni Jeffrey matapos sabihin iyon ng kaniyang boss. Kulang na lamang ay lumubog siya sa kaniyang kinatatayuan dahil sa sobrang kahihiyang kaniyang nararamdaman. Halos hindi siya makalingon man lang sa direksyon ng boss niya palang si Kris na ngayon ay seryoso lamang na nakatingin sa kaniya at iiling-iling.
“Sinubukan kitang pagbigyan ng ilang pagkakataon, pero masiyado ka nang abusado. Sana ay magsilbing leksyon ito sa iyo, Jeffrey. Hindi ka kayang buhayin ng katamaran mo, kaya sana ay matuto kang kumilos at maging masipag bago mo pa pagsisihan ang lahat,” tanging sabi lamang nito sa kaniya, pagkatapos ay umalis na ito sa kaniyang harapan.
Siya namang sulpot muli ng kapatid nitong inakala niyang nag-iisang boss, na inabutan siya ng sobreng naglalaman ng huli niyang sahod.
“You’re fired,” mariing sabi nito. “Dinagdagan ko na itong sahod mo. Binuo ko na for one month para naman may panggastos ka pa habang naghahanap ka ng panibagong trabaho. Bumalik ka sa amin kung kaya mo nang ipangakong magiging masipag ka at aalisin mo ang pagiging reklamador mo. Makakaalis ka na muna ngayon, Jeffrey.”
Dahil doon ay problemadong umuwi si Jeffrey sa kanila. Nasermunan pa tuloy siya ng kaniyang ina dahil hindi na naman siya tumagal sa trabaho, ngunit sa pagkakataong ito ay tumatak na iyon sa isip ni Jeffrey. Sa wakas ay determinado na siyang magbago at sana ay kayanin niyang magtuloy-tuloy iyon.