Upang Maungusan ang Kapatid ay Pinagpanggap ng Lalaking Ito Bilang Nobya ang Kaibigan Niyang Maganda; Iba pala ang Kalalabasan ng Kanilang Istorya
“Balita ko, nakauwi na raw ang kuya mo.” Napatango na lamang si Harry sa tanong na iyon ng matalik niyang kaibigang si Aira bago niya inisang lagok ang lamang alak ng kaniyang hawak na baso. “Kaya siguro nag-iinom ka,” sabi pa nito na tinapik pa ang kaniyang balikat.
“Ikaw, bakit alam mong dumating na siya?” Siya naman ngayon ang nagtanong.
“Tinawagan ako, e. Alam mo naman ’yang kuya mo, hindi yata n’yan alam ang salitang ‘ayoko sa kaniya,’ e!” napapatampal sa noong sagot pa nito.
Natawa si Harry sa narinig. Hanggang ngayon pala ay malaki pa rin ang paghanga ng kuya niya sa kaibigan niyang ito. At least, kahit isang bagay lang ay may lamang siya rito. Hindi kasi kayang hulihin ng kaniyang kuya ang loob ni Aira.
Hindi maganda ang samahan nilang magkapatid. Palibahasa ay magkapatid lamang sila sa ina. Lumaki ito kasama ang ama nito sa ibang bansa, habang siya naman ang kasama ng kaniyang mga magulang dito sa Pilipinas. Dahil doon, kailan man ay hindi sila naging malapit. Noon pa man ay kompetisyon na ang tingin sa kaniya ng Kuya Julius niya, at hindi isang kapatid. Kaya nga sa tuwing magkikita na lamang sila ay palagi na lamang siyang nakatatanggap ng panlalait dito, kahit pa kaharap nila ang buo nilang mga kaanak.
“Ano na naman ba kasing ginawa sa ’yo ng kuya mo, Harry? Masiyado ka namang nagpapaapekto sa mokong na ’yon!” inis pang sabi sa kaniya ni Aira.
“Wala pa naman siyang ginagawa, pero alam kong mapapahiya na naman ako. Sawang-sawa na akong maging katatawanan ng pamilya namin kapag nariyan siya, Aira. Palagi na lang siya ’yong magaling!” inis na sabi naman ni Harry sa kaibigan.
Dahil doon ay napailing na lamang si Aira. Natahimik ito. Ilang sandaling namayani ang mga tunog ng kuliglig sa pagitan nilang dalawa, hanggang sa tila bigla na lamang may maisip na ideya si Aira.
“Gusto mo bang tigilan ka na ng kapatid mo? Edi iparamdam mo sa kaniya na hindi ka lang basta katatawanan! Palagi mo na lang kasing hinahayaang manalo sa ’yo ang mokong na ’yon kaya nasasanay ’yon na ginaganiyan ka, e!”
“E, paano ko naman gagawin ’yon? Totoo namang kulelat ako sa lahat ng bagay kumpara sa kuya ko! Biruin mo, doktor ’yon, samantalang ako, heto at isang struggling businessman pa rin hanggang ngayon,” napapabuntong hiningang sagot naman ni Harry.
“Anong kulelat sa lahat ng bagay? E, hindi nga niya kayang maging kaibigan ko, hindi tulad mo. Ikaw nga, nakuha mo ang loob ko, e. Siya, hanggang ngayon, basted pa rin sa akin,” natatawang tugon naman sa kaniya ni Aira at doon ay parang natauhan si Harry.
“Oo nga, ano!” aniya. “Tama ka, Aira! Ikaw ang nag-iisang lamang ko sa kuya ko. Ikaw rin lang ang nag-iisang hindi niya kayang pagtagumpayan. Ano kaya kung magpanggap kang girlfriend ko para magawa ko ’yang sinasabi mo?” nakangising tanong naman ni Harry sa kaniyang kaibigan na bahagya namang nagulat.
“Seryoso ka ba?” tanong pa ng dalaga na sinagot lamang naman ni Harry ng pagtaas-baba ng kaniyang kilay habang nakangiti.
Pumayag si Aira. Natuloy ang plano ng dalawang magkaibigan na pasakitan ang kaniyang Kuya Julius sa pamamagitan ng babaeng gusto nito. Ipinakilala ni Harry si Aira sa kanilang pamilya bilang ‘girlfriend’ niya sa wakas! Kitang-kita niya kung papaanong bumagsak ang balikat ng kaniyang Kuya Julius nang marinig ang balitang iyon. Sa unang pagkakataon sa buhay ni Harry ay hindi siya nagawang ipahiya nito sa harap ng kanilang mga kaanak. Tahimik lamang ito, hanggang sa lahat sila ay matulog na.
Samantala, todo-panggap naman sina Harry at Aira. Sobrang sweet nila sa isa’t isa na hindi nila napapansing napakanatural na ng kanilang mga kilos. Tila ba nailabas nila sa wakas ang mga damdaming matagal na nilang hindi maamin sa isa’t isa dahil sa ideyang iyon ng pagpapanggap. Lalo na nang tumagal-tagal pa ang pananatili ng kuya ni Harry dito sa Pilipinas, kaya tumagal din ang ‘pekeng relasyon’ ng magkaibigan.
Hanggang sa isang araw ay tila hindi na kaya pang pigilan ni Harry ang pagsabog ng kaniyang damdamin… “Mahal na yata kita, Aira,” pag-amin niya sa kaibigan.
Akala ni Harry ay magagalit sa kaniya si Aira. Nilakasan lamang talaga niya ang loob niya. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang bigla siyang yakapin nito at sinabing, “Matagal na rin kitang mahal, Harry! Sa wakas, napansin mo rin ako bilang babae!”
Hindi akalain ng dalawa na dahil sa pagpapanggap ay makakamtan nila ang kasiyahang hinahanap nila sa kanilang mga puso. Dahil doon, imbes na maging masama ang epekto ay lalo pang nagkabati tuloy sina Harry at Julius. Hindi na kasi naaapektuhan pa si Harry sa mga sinasabi ng kaniyang kuya dahil napakasaya niya na sa piling ni Aira. Napagod naman si Julius sa pakikipagkompitensya sa kapatid, dahil aminin man niya o hindi ay totoo namang natalo siya nito. Sa usapang pag-ibig ay ito ang nanalo at tinanggap niya na lamang iyon na naging dahilan ng kanilang pagkakabati.