Gustong Balikan ng Babae ang Kaniyang Dating Nobyo nang Malaman Niyang Asensado na Ito Ngayon; Pahiya Siya nang Siya ay Itanggi Nito

Natutop ni Antonette ang kaniyang sariling bibig nang mabasa ang isang artikulong kumakalat ngayon sa Facebook. Doon kasi ay nabalitaan niyang isa na ngayong matagumpay na negosyante ang kaniyang ex-boyfriend na si Raymond, na noon ay hiniwalayan niya dahil sa kawalan nito ng pera. Dahil doon ay nakaisip siya ng ideyang balikan ito. Iyon nga lang ay may isang malaking problema—ikakasal na ito.

“Hindi ako papayag na mapunta sa iba ang dati nang akin! Babawiin ko si Raymond sa kung sino mang babae ang pakakasalan niya ngayon!” inis na sabi ni Antonette sa kaniyang sarili.

Hindi naman nag-aksaya ng pagkakataon si Antonette. Agad niyang hiniwalayan ang lalaking ipinalit niya noon kay Raymond, ’tulad ng ginawa niyang pang-iiwan sa dating nobyo. Hindi na kasi nito naibibigay sa kaniya ang lahat ng pangangailangan niya dahil nasa krisis ngayon ang kompaniyang pagmamay-ari nito. Masiyado kasi itong naapektuhan sa naging unti-unting pagtatagumpay ni Raymond, lalo pa at magkalaban ang kompaniya ng mga ito.

Katulad ng inaasahan ay nagalit sa kaniya ang nobyo, ngunit walang pakialam doon si Antonette. Hindi mahalaga sa kaniya ang pinagsamahan, dahil pera ang bumubuhay sa kaniya para manatili siya sa isang relasyon. Aminado siya doon. Mukha siyang pera, at hindi siya nahihiyang aminin iyon sa kaniyang sarili. Katuwiran niya ay kailangan niyang maging praktikal para mabuhay siya nang maayos sa mundo at makaalis siya sa hirap.

Inalam ni Antonette ang lahat ng pinupuntahan ni Raymond at pasimpleng sinundan ang binata. Gagawa siya ng paraan upang muli silang magkita at magkausap, pagkatapos ay aakitin niya ito hanggang sa muli itong mapasakaniya!

Nalaman ni Antonette na may isang event na a-attend-an si Raymond. Party iyon, kasama ang dati nilang kaibigan na ngayon ay ikakasal na kaya naman suwerteng naimbitahan din ang manggagamit na dalaga. Doon na siya nakakita ng pagkakataong muling magpapansin sa dating nobyo.

Namataan niya si Raymond na nakatayo sa isang sulok ng venue kung saan nakatingin lamang ito sa ibang mga bisita. Mabuti na lamang at hindi nito kasama ang nobya nito kaya mabilis siyang makakakilos, sa isip-isip ni Antonette.

Unti-unti niyang nilapitan ang binata, at nang sa wakas ay makakuha na siya ng tamang pwesto ay sinadya niyang magpakatisod upang masubsob siya sa dibdib nito!

Advertisement

“O, I’m sorry! Hindi ko sinasadya!” kunwari ay aniya, bago niya unti-unting iniangat ang kaniyang mukha. “Wait—ikaw ba ’yan, Raymond?” tanong niya sa binata.

Agad na napakunot ang noo nito nang makita siya. Ngunit bago pa ito makapagsalita ay biglang dumating ang isang napakaganda at napakasopistikadang babae na halatang galing sa eleganteng pamilya at bigla na lang itong umangkla sa braso ni Raymond.

“Hi, hon! Sorry, medyo na-late ako. Nasiraan kasi kami ng kotse,” paliwanag ng nasabing babae sabay halik sa pisngi ng nobyo.

“What?” tila nag-aalalang sabi naman ng binata. “Okay ka lang ba? Sana, tinawagan mo ako. Sabi ko naman kasi sa ’yo, susunduin na lang kita,” dagdag pa nito na tila ba nakalimutan na ang tungkol sa kaniya.

“Wait, hon, sino siya?” Sa wakas ay muling nabaling sa kaniya ang atensyon ni Raymond dahil sa tanong na iyon ng nobya nito.

Magsasalita na sana si Antonette upang ipakilala ang kaniyang sarili bilang dating nobya ni Raymond, nang bigla na lang siyang putulin ng binata sa pagsasalita. “Hindi,” pagtanggi nito. “Nadapa kasi siya sa harap ko dahil natalisod siya, kaya tinulungan ko lang,” paliwanag pa nito sa nobya na agad namang napatango-tango.

Dahil doon ay nag-init ang ulo ni Antonette! Itinatanggi siya ng binata, tulad ng ginawa niyang pagtanggi rito noong mga panahong ikinakahiya niya ito dahil wala pa itong pera!

“Hindi mo ba talaga ako naaalala, Raymond? Ako ito, si Antonette, ’yong ex-girlfriend mo! Paano mo ako nakalimutan gayong seven years naging tayo?” nanggagalaiting tanong niya, ngunit sinagot lamang siya nito ng isang kunot sa noo.

Advertisement

“Miss, mukha yatang lasing ka na. Hindi kasi talaga kita natatandaan. Baka naman hindi ako ’yong tinutukoy mo? O baka naman, ikaw lang ang nakakaalam na naging tayo noon?” nangingisi pang tanong nito sa kaniya na nagpatulala naman kay Antonette lalo na nang bigla na siya nitong talikuran at iwan sa kinatatayuan niya.

Huli na nang mapagtanto ni Antonette na tinitingnan siya ng mga tao nang may panghuhusga. Hindi niya akalaing ganito ang sasapitin niya sa tangkang pang-aakit muli sa nobyong noon ay sinaktan niya dahil lamang sa kawalan nito ng yaman! Karma pala ang agad niyang sasapitin, dahil ngayon ay wala na rin siyang ibang lalaking babalikan pa. Hiniwalayan niya rin dahil sa pag-aakalang tatanggapin ulit siya ni Raymond.