Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Babae Nang Malamang Sadyang Pinatanggal ng Kanilang Boss ang Dinadala Nito; Mahahabag Pala Siya sa Dahilan Nito

Nagalit ang Babae Nang Malamang Sadyang Pinatanggal ng Kanilang Boss ang Dinadala Nito; Mahahabag Pala Siya sa Dahilan Nito

Agad na pumalakpak ang tainga ng dalagang si Majo nang marinig niya sa kaniyang mga katrabaho na hindi umano’y nagpal*glag daw ang kanilang boss kaya ilang araw na itong hindi pumapasok sa kanilang opisina.

“Diyos ko! Totoo ba ‘yang balita mo, Marites? Maituturing niya pa bang babae ang sarili niya sa ginawa niyang iyon?” agad niyang sabat nang marinig niyang nag-uusap-usap ang kaniyang mga katrabaho.

“Iyon na nga, eh! Ang pinagtataka ko, paano niya iyon nagawa? Hindi ba’t una niyang anak iyon? Halos araw-araw pa nga siyang namimili sa mall ng mga gamit ng bata, eh!” sagot naman ni Marites habang tinitingnan ang mga gamit na binili ng kanilang boss na nasa isang salaming aparador sa labas ng opisina nito.

“Hindi ba’t bali-balita rin dito sa opisina natin, bago magsunod-sunod ang pagliban niya sa pagpasok sa trabaho, may babae ‘yong asawa niya at siya pa mismo ang nakatuklas? Hindi kaya iyon ang dahilan?” sabat naman ng isa niya pang katrabaho na labis niyang ikinapanggalaiti.

“Kung iyon man ang dahilan, nakakahiya siya! Wala namang kasalanan ang bata, eh! Binuo-buo niya ‘yon sa sinapupunan niya tapos ngayong mahilab na, saka niya uurungan? May konsensya pa kaya siya?” galit niyang sagot habang iiling-iling pa.

“Baka naman may iba pa siyang dahilan. Imposible talagang gawin niya ‘yon nang dahil lang sa pagloloko ng asawa niya,” wika pa ni Marites na talagang sinalunghatan niya at kung anu-ano pang masasakit na salita ang kaniyang binato sa kanilang boss.

Ilang araw ang lumipas, lahat sila’y labis na nabigla nang makita nila ang kanilang boss sa kanilang opisina. Katulad ng nakasanayan nito noon, tahimik lang itong nagtatrabaho sa sariling opisina habang nakikinig ng musika’t umiinom ng paborito niyang kape mula sa isang sikat na kapehan.

Dahil doon, agad niyang tinipon ang kaniyang mga katrabaho upang ibahagi ang nararamdaman niyang pagtataka.

“Paano niya nagagawang maging kalmado sa kabila ng ginawa niya? Tao pa ba ‘yang boss niyo?” nguso niya sa mga katrabaho na tinipon niya sa isang sulok.

“Tao pa naman ako, Majo, wala kang dapat ikapag-alala. Gusto niyo bang malaman kung bakit ko nagawa iyon sa sarili kong anak?” sabat ng kanilang boss.

“Dahil po niloko kayo ng asawa niyo?” matapang niyang tugon na nagawa niya dahil sa galit na nararamdaman niya.

“Nagpapatawa ka ba, Majo? Walang ina ang idadamay ang kaniyang anak sa kasalanan ng asawa niya!” tugon nito na lalo niyang ikinapagtaka, “Totoong nagloko ang asawa ko sa akin sa gitna ng pagbubuntis ko pero hindi iyon ang dahilan kung bakit nagpasiya akong alisin ang bata sa sinapupunan ko,” dagdag pa nito na ikinatahimik niya.

“A-ano po palang dahilan?” tanong naman ni Marites habang dahan-dahang lumalapit dito upang mas marinig nang malinaw ang isasagot nito.

Ngunit bago ito sumagot, nakita na niyang tumulo na kaagad ang mga luha nito kaya agad niya itong inabutan ng panyong nasa bulsa niya.

“Maraming diperensya ang batang dinadala ko. Hindi buo ang utak niya, maraming kulang sa lamang loob niya, iba ang porma ng kaniyang mga kamay at paa at wala siyang kakayahang makakita o kahit magsalita. Kung kayo ang nasa sitwasyon ko, hahayaan niyo bang mabuhay ang anak niyo kung tiyak na pahihirapan lang siya ng mundo sa oras na isilang ko siya? Mahirap, sobrang hirap na magdesisyong isuko ko siya kaysa ipaglaban. Kaso anong magagawa ko? Kung ipipilit ko ang kagustuhan ko, siya ang mahihirapan, siya ang masasaktan. Kaya pinili ko na lang na ako ang magdusa kaysa mahirapan siya habangbuhay,” hikbi nito na ikinatahimik nilang lahat.

Ni isang salita ay wala silang nasabi noong mga pagkakataong iyon. Lalo na siya na walang habas na nanghusga sa mapait palang pinagdaanan ng naturang ginang. Ang tangi lamang nilang nagawa ay pakalmahin ang pag-iyak nito sa pamamagitan ng yakap, takip sa balikat at pagmasahe sa kamay.

Habang hinihintay nilang tumahan ang kanilang boss, napagtanto niya kung gaano kahirap ang kinakaharap nitong sitwasyon. Kaya imbes na paulit-ulit niya itong husgahan, napagdesisyunan niya itong yayain sa pinakamalapit na bahay-ampunan. Hindi upang saktan ito lalo, kung hindi upang ipakita rito na maaari pa rin itong maging ina kahit hindi galing sa kaniyang sinapupunan.

Hindi matatawarang saya naman ang naibigay nito sa ginang. Wala man itong balak na mag-ampon ng bata sa ngayon dahil nga sariwa pa rito ang pait na dinanas, masaya siyang malamang kahit papaano, naibsan ang bigat na nararamdaman nito nang makita ang ngiti ng mga bata at marinig ang iyak ng mga bagong silang na bata roon.

Simula noon, pilit niyang tinuruan ang sarili na bawas-bawasan ang pagiging mapanghusga.

Advertisement