Inday TrendingInday Trending
Nagtampo ang Dalaga dahil Walang Regalo sa Kanilang Anibersaryo ang Nobyo, Ikinainis Niya Pa ang Lobong Pambawi Nito

Nagtampo ang Dalaga dahil Walang Regalo sa Kanilang Anibersaryo ang Nobyo, Ikinainis Niya Pa ang Lobong Pambawi Nito

“Helen, anong binigay sa’yo ng nobyo mo noong ika-sampung anibersaryo niyo?” wala anu-anong tanong ni Gracia sa kaniyang kaibigan, isang tanghali habang sila’y sabay na nananghalian sa kantin.

“Naku, pinaalala mo pa! Kinikilig tuloy ako!” agad na sagot nito habang kinikilig-kilig pa, “Dinala niya lang naman ako sa isang mamahaling hotel sa Maynila at doon namin pinalipas ang isang napakaromantikong gabi. Binigyan niya pa ako ng isang malaking teddy bear, tsokolate, at sandamakmak na mga bulaklak!” kwento pa nito, bakas sa mukha nito ang labis na saya.

“Grabe, mahal na mahal ka talaga ng nobyo mo, ano?” wika niya pa.

“Sinabi mo pa! Parang hindi no’n kayang mabuhay kapag wala ako! Teka, bakit mo naman natanong?” pagtataka nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga.

“Ah, eh, ika-sampung anibersaryo kasi namin ng nobyo ko kahapon pero wala siyang kahit isang rosas na binigay sa akin. Binati niya lang ako kahapon tapos umalis na kaagad papuntang trabaho. Ngayon naman, hindi siya umuwi sa bahay ko dahil may inuman sila ng mga pinsan niya,” nakatungo niyang sambit, bakas sa boses niya ang labis na kalungkutang nadarama.

“Baka naman may surpresa sa’yo para mamaya?” wika nito upang siya’y mapakalma.

“Wala nga ‘yong pera, eh, sa akin pa humingi ng pang-ambag niya sa inuman nila,” sagot niya saka tuluyan nang bumuhos ang kaniyang mga luha.

Umaasa ang dalagang si Gracia sa isang masaya at hindi makakalimutang selebrasyon ng ika-sampung anibersaryo nila ng kaniyang nobyo. Isang buwan pa lamang bago ang araw na ito, lagi na niya itong bukang bibig sa kaniyang kinakasamang lalaki.

Palagi niyang pinaparinig dito na nais niyang pumunta sa Tagaytay at sila’y mamalagi sa isang hotel doon. Palagi niya ring pinapakita rito ang make-up na nais niyang bilhin sa isang online shop at bukod pa roon, palagi rin siyang nagkukuwento tungkol sa paborito niyang bulaklak.

Ngunit lahat ng ito ay hindi iniintindi ng kaniyang nobyo dahil dumaan na ang araw ng kanilang ika-sampung anibersaryo, wala pa rin itong inaabot na kahit anong regalo sa kaniya. Binati lamang siya nito pagkagising niya at agad nang umalis para magpunta sa trabaho na labis na ikinasama ng loob niya.

Lalo pa siyang nalungkot nang malaman kung anong ginawa ng nobyo ng kaibigan niya noong ika-sampung anibersaryo nila dahilan para ganoon na lang siya mapahagulgol habang sila’y nanananghalian.

Nang siya’y bahagya nang kumalma, sinamahan na siya ng kaniyang kaibigan sa palikuran upang mag-ayos ng sarili. Habang nasa harapan siya ng salamin, pilit niyang iniisip kung anong mali sa kaniya para hindi man lang iparamdam ng kaniyang nobyo na siya’y espesyal.

Wika niya pa, “Wala ba talagang halaga sa kaniya ang isa sa mga pinakamasayang araw para sa akin? Ako na lang ba talaga ang nagmamahal sa aming dalawa? Ano bang mali sa akin para hindi niya ako mahalin nang higit sa pagmamahal ko sa kaniya?” dahilan para muli na naman siyang umiyak.

Ilang oras na ang lumipas, tuluyan na ngang natapos ang oras ng kaniyang trabaho. Malungkot siyang naglakad pauwi kasabay ang kaniyang kaibigang kausap sa selpon ang mayamang nobyo na lalo niyang ikinainggit.

Ngunit bago pa man pumasok sa eskinita kung saan siya nakatira, natanaw na niya ang kaniyang nobyong may bitbit-bitbit na mga lobo.

“Sabi sa’yo may surpresa, eh!” sambit ng kaniyang kaibigan saka siya tinulak-tulak.

Pero imbis na matuwa, nainis lamang siya dahil lobo lamang ang ibibigay nito sa kaniya. Pagkalapit niya, agad na iniabot sa kaniya ng binata ang mga lobo ngunit kaniya agad itong pinakawalan sa langit.

“Iyon lang ang ibibigay mo sa akin? Lobo lang?” inis niyang tanong ngunit hindi siya sinagot nito bagkus agad na hinabol ang lumilipad na mga lobo.

“Diyos ko, Gracia! May singsing na nakasabit doon!” sigaw ng kaibigan niyang kumukuha ng bidyo na kaniyang ikinataranta, “Pinag-ipunan niya ang singsing na iyon para maalok ka ng kasal!” dagdag pa nito na kaniyang ikinatulala habang tinitignan ang mga lobong pataas nang pataas.

Kitang-kita niya kung paano manlumo ang nobyo niya habang pinagmamasdan ang unti-unting lumiliit na mga lobo sa kalangitan na labis niyang ikinakonsensya.

“Patawarin mo ako, mahal,” iyak niya saka niyakap ang hinayang na hinayang na nobyong nakaupo na sa kalsada.

Doon niya labis na napagtantong hindi porque hindi mabigay nito kaagad ang gusto niya, hindi na siya nito mahal dahil mayroon itong mas magandang plano para sa kanilang relasyon.

Dahil mahal nga siya ng binata, pinatawad siya nito at pinapatuloy ang pag-alok sa kaniya ng kasal na kaagad niyang sinang-ayunan.

Simula noon, lalo niyang minahal ang paraan ng pagmamahal na mayroon ang kaniyang nobyo. Hindi man kasing engrande katulad ng iba, puro at totoo naman ito sa kaniya.

Ilang buwan lang ang lumipas, sila nga’y tuluyan nang ikinasal. Simple man, alam niyang tama ang desisyong kaniyang ginawa ngayon.

Advertisement