
Inuuna ng Doktor na Ito ang Pera Kaysa sa Pasyente; Sa Kamay Niya Nawala ang Ginang na Nagpaaral sa Kaniya
“Lovely, kumusta na kaya ‘yong ginang na nagpaaral sa atin, ano? Nasaan na kaya siya? Wala na akong nababalitaan sa kaniya, eh. Ang huling balitang natanggap ko, noong umuwi siya rito sa Pilipinas, pagkatapos noon, wala na,” sambit ni Raya sa kaibigan, isang umaga habang sabay silang nagmemeryenda sa isang kapehan malapit sa ospital na kanilang pinagtatrababuhan.
“Si Mommy Neah? Baka naman bumalik ulit sa Amerika kaya wala na tayong balita, alam mo naman ‘yon, maraming pera!” walang interest na sagot ni Lovely habang panay ang pagkuha ng litrato sa binili niyang kape.
“Hanapin kaya natin siya sa Amerika para makapagpasalamat? Tutal, marami-rami na rin naman ang naiipon natin at dahil iyon sa kaniya,” yaya pa nito na ikinakunot ng noo niya.
“Ano ka ba? Hindi ba’t kabilin-bilinan niya sa atin dati, huwag na huwag tayong magtatapon ng biyaya?” pagpapaalala niya rito habang nakataas ang kilay.
“Bilin niya rin na matuto tayong magpasalamat kahit sa maliit na pamamaraan at tumulong sa kapwa, ‘di ba?” tugon nito na ikinainis niya.
“O, ‘yon naman pala, eh, edi ipagdasal na lang natin siya! Saka marami akong pasyenteng kailangang tulungan! Hindi ako pupwedeng umalis ng bansa,” sagot niya saka hinigop ang kaniyang kape dahilan para mapabuntong-hininga ang kaibigan.
“Kahit kailan ka talaga!” inis na sambit nito saka humigop na rin ng kape.
Iskolar ng isang ginang na naninilbihan sa simbahan ang dalagang si Lovely noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang. Ito ang nagbigay tulay upang maabot niya ang pangarap niyang pagdodoktor na ngayong propesyon na niya at ang dahilan upang mapaalwan niya ang buhay ng kaniyang buong pamilya.
Wala nang gagaan sa buhay niya noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Tutok lamang siya sa pag-aaral habang ang ginang na ito ang nagbibigay sa kaniya ng lahat ng pangangailangan niya sa pag-aaral. Kung minsan, pati nga mga luho niya, binibigay nito lalo na kung mataas ang markang nakukuha niya.
Kaya lang, simula nang makapagtapos siya ng pag-aaral at maging isa nang ganap na doktor, nawala na ang koneksyon niya rito. Ni hindi na sumagi sa isip niya ang ginang na ito dahil sa labis niyang pagkatutok sa trabaho.
Nawala na rin sa isip niya ang mga pangaral nitong maging mabuting tao, maging matulungin at tapat sa lahat ng gagawin nang siya’y maging isang doktor. Nagagawa niya kasing magsinungaling sa kaniyang mga pasyente para lamang dumalas ang pagpapatingin ng mga ito sa kaniya, nakakapagreseta siya ng hindi tamang gamot para tumaas ang benta ng botika sa ospital na pinagtatrababuhan niya at higit sa lahat, hindi siya nag-aaksaya ng oras sa mga pasyenteng walang pangbayad kahit malubha na ang lagay ng mga ito na labis na kinokontra ng kaibigan niyang si Raya.
Ngunit dahil ito nga ang mga gawaing lalong nakakapagpataas sa sahod niya, patuloy niya itong ginagawa kahit na maraming na ang nawawalan ng buhay sa kamay niya. Katwiran niya, “Doktor ako, hindi Diyos para sumagip ng buhay.”
Noong araw na ‘yon, pagkatapos nilang magkape ng kaniyang kaibigan, agad na silang bumalik sa trabaho. Ngunit, hindi pa man niya nabababa ang kape niya sa lamesa, tinawag na siya ng isang nars at mayroon daw na isang matandang namimilipit sa sakit ng tiyan ang nasa tapat ng ospital.
“Baka may sakit siya sa bituka o atay. May pang-downpayment ba ‘yon? Para maoperahan ko siya agad,” kalmado niyang sambit.
“Wala raw po, dok, pero kilala niyo raw po siya baka pupwede raw kayong pakiusapan,” natatarantang wika ng naturang nars.
“Sabihin mo sa kaniya, ospital ‘to, hindi simbahan para makiusap siya ng tulong na walang bayad!” sigaw niya rito.
“Taga-simbahan daw po siya dati, ma’am, kilala niyo raw po siya,” sagot nito dahilan para siya’y kabahan ngunit bago niya pa maisip na ito ang ginang na nagpaaral sa kaniya, sinigawan na siya ng kaniyang kaibigan.
“Lovely, si Mommy Neah ‘yong nasa labas! Dalian mo na! Mukhang malubha ang lagay niya! Namumutla na siya!” bulyaw nito dahilan para siya’y agad na mapahangos palabas.
Tumambad sa kaniya ang ginang na nakahandusay na tapat ng kanilang ospital. Agad niya itong pinapasok at dinala sa isang silid upang matignan niya ang lahat nito ngunit habang naghihintay siya ng resulta, bigla nang tumigil ang pagtibok ng puso nito. “Mommy Neah, kumapit ka! Kumapit ka! Ngayon lang ako makakabawi sa’yo! Pasensya na’t hindi ako agad umaksyon! Pakiusap, kumapit ka!” sigaw niya habang nire-revive niya ito.
Pero tila huli na ang lahat dahil tuluyan na itong nalagutan ng hininga. Hinang-hina siyang napaupo sa sahig habang tinitignan ang matandang bakas ang paghihirap sa buhay.
Doon niya labis na napagtantong sa sobrang pagpapahalaga niya sa pera, nawala niya ang isang taong naging dahilan ng pag-abot niya sa kaniyang pangarap.
Wala siyang ibang magawa noon kung hindi umiyak kasama ang kaibigan niya. Sising-sisi siya sa ginawa niya.
“Hanggang sa huli niyang hininga, aral ang binigay niya sa atin, Lovely. Naging doktor tayo para tumulong sa may sakit, hindi para lumangoy sa pera,” sambit ng kaibigan niya na talagang tumatak sa kaniya.
Simula noon, siya’y naging tapat na sa trabaho. May mga pasyente mang walang pera, kaniya itong tinatanggap at ginagamot gamit ang perang naipon niya. Humingi rin siya ng tulong sa kilala niyang mga organisasyon upang makapagpatayo ng isang klinika para sa mga mahihirap.
“Siguro naman, ngayon, napangiti na kita, Mommy Neah,” iyak niya habang nakaupo sa tapat ng nitso nito.