May Tagong Intensyon sa Bahay ng Kaniyang Amo ang Binatang Ito, Sa Kulungan ang Huli Niyang Hantungan

May Tagong Intensyon sa Bahay ng Kaniyang Amo ang Binatang Ito, Sa Kulungan ang Huli Niyang Hantungan

HeartbreakingKarmaStories

“Ben, wala ka ba riyang kupit mula sa mansyong bahay ng amo mo?” tanong ni Ruru sa kababata, isang umaga habang naglalakad sila pauwi mula sa kani-kanilang bahay na pinagsisilbihan. 

“Wala, eh, bakit? Ikaw ba may nakupit na sa amo mong negosiyante?” pang-uusisa niya pa rito. 

“Ako pa ba? Ikaw lang naman ang duwag sa ating dalawa! Ito, o, may nakuha na akong singsing, kwintas at isang mamahaling wallet. Ikaw, kailan mo isasakatuparan ang pagnanakaw mo?” wika pa nito. 

“Hinahanda ko pa kasi ang lahat. Inaalam ko pa kung saan nakalagay ang mga mamahaling gamit nila roon at sinasaulo ko ang mga lagusang pupwede kong daanan. Gusto ko kasi, isang kuhanan na lang tapos aalis na ako roon at maghahanap nang bagong mapagnanakawan,” nakangisi niyang bulong dito dahilan para labis itong bumilib sa kaniya.  

“Aba, mukhang maganda ‘yang plano mo, ha? O, ito, sa’yo na itong singsing para may panggastos ka sa kaarawan mo. Basta, kapag nagtagumpay ka, huwag mo ako kalimutan, ha?” tugon nito saka iniabot sa kaniya ang naturang singsing. 

“Naku, maraming salamat! Ikaw ang una kong aambunan!” tuwang-tuwa niyang sagot saka niyakap-yakap ang kaibigan. 

Hardinero sa isang mala-mansyong bahay ang binatang si Ben. Siya ay nakapasok dito nang pakitaan niya nang mabuting loob ang anak ng may-ari ng bahay na ito nang minsan itong habulin ng mga magnanakaw sa lansangan. 

Sa labis na pasasalamat nito sa kaniya, bukod sa binigyan na siya nito ng pabuya, binigyan pa siya nito ng trabaho sa sarili nitong bahay na labis niyang ikinatuwa. Pero lingid sa kaalaman ng mga mayayamang taong ito na ang mga magnanakaw na iyon ay kaniyang mga kasahaman at plano nila iyon para siya’y makapasok sa malaking bahay na iyon at makapagnakaw.

Ngunit dahil nga nakilala siya ng mga ito bilang isang mabuting tao, pinanindigan niya muna iyon hanggang sa tuluyan na niyang makuha ang loob ng mga taong ito at siya’y hayaan nang maglibot-libot sa malaking bahay na iyon. 

Natatawa na lang siya sa tuwing napapaikot niya ang mga ito sa kaniyang pagpapanggap. Kaya lang, hindi katulad ng iba niyang magnanakaw, hanggang ngayon, wala pa rin siyang naiuuwing gamit para sa kaniyang pamilya. “Hinay-hinay ka lang, Ben, maghintay ka lang, isang bagsakan lang ‘yan, limas lahat ang mga alahas ng mga ‘to!” wika niya sa sarili habang siya’y nag-iikot-ikot sa bahay na iyon. 

Ngunit, ngayong bukas na ang kaarawan niya at malayo pa ang araw ng pagsahod niya, siya’y naiinis dahil wala pa siyang pera panghanda. Kaya, laking tuwa niya nang siya’y bigyan ng singsing ng kaniyang kaibigan na agad niyang binenta upang makabili ng pagkain ng kaniyang pamilya. 

Kinabukasan, sa araw ng kaniyang kaarawan, siya’y nagdesisyon na isakatuparan na ang kaniyang plano. Kumpiyansado niya pang wika, “Kaarawan ko naman, eh, siguradong pagbibigyan ako ng tadhana!” 

Pagkatapos ng trabaho niya noong araw na ‘yon,  siya’y pasimpleng namalagi sa isa sa mga bodega ng bahay na iyon at siya’y naghintay na magdilim. 

Nang magsimula nang magsara ng mga ilaw ang mga kasambahay doon, siya’y nagsimula nang mag-imis ng mga alahas mula sa mga silid ng kanilang amo hanggang sa may isa siyang silid na nakitang ngayon pa lang niya nasisilayan. 

“May ganitong silid pala sa bahay na ito? Ang daming kandado, ha? Paniguradong ang daming kayamanan nito!” tuwang-tuwa niyang wika saka inisa-isang ang mga kandado gamit ang kaniyang panusok. 

Kaya lang, nang hawakan niya ang bukasan ng naturang pintuan, bigla na lang itong tumunog nang napakalakas dahilan para maalarma ang lahat at siya’y mapatakbo palayo. 

Ngunit dahil sa pagkataranta niya, nahulog sa kaniyang bag ang ilang mga alahas na nakuha niya at nakasalubong niya pa ang kaniyang amo kasama ang ilang sekyu. 

“O, bakit nandito ka pa, Ben? Kanina pa ang uwian mo, hindi ba?” tanong nito sa kaniya.

“Ah, eh, may naiwan lang po akong gamit,” pagpapalusot niya. 

“Naiwang mga gamit? O nahulog na mga gamit?” tanong nito saka nilapitan ang mga alahas na nasa sahig, “Tumawag kayo ng pulis. Magnanakaw ‘yang si Ben! Bilis!” utos nito na labis niyang ikinataranta. 

Tatakas pa lang sana siya nang siya’y sipain nito sa kaniyang likuran dahilan para siya’y mapadapa at posasan ng mga sekyung kasama nito. 

“Patawarin niyo ako, madam, hindi ko sinasadya,” pagmamakaawa niya. 

“Maganda na ang pakikitungo at pasahod sa’yo, magnanakaw ka pa! Mabulok ka sa kulungan!” sigaw nito saka siya agad na pinadala sa pulisya. 

Doon sa presinto, muli silang nagkita ng kaibigan niyang nahuli rin ng amo. Pagsisisi ang kanilang sabay na naramdaman at pagmamakaawa ang kanilang ginagawa. 

Ngunit dahil nga sila’y may mabigat na pagkakasala, wala itong naging epekto sa kanilang mga amo. “Hindi ko akalaing sa mismong kaarawan ko pa ako makukulong,” sambit niya sa sarili habang umiiyak.

More Stories