Gustong-Gusto ng Dalaga ang Kaniyang Gwapong Amo, Gusto Rin Kaya Siya Nito?

Gustong-Gusto ng Dalaga ang Kaniyang Gwapong Amo, Gusto Rin Kaya Siya Nito?

HeartbreakingLoveStories

“Marie, may nahanap ka na bang trabaho? Baka gusto mong pumasok sa pinagtatrababuhan kong kumpanya. Mababakante ang posisyon ko bilang sekretarya, mag-aapply kasi ako sa mas mataas na posisyon para palagi kong makasama ang boss kong pogi!” kinikilig-kilig na wika ni Sky, isang umaga nang sadyain niya sa silid ang bunso niyang kapatid. 

“Ikaw talaga, idadamay mo pa ako sa kalokohan mo! Ano namang alam ko sa pagiging sekretarya?” tanong nito habang namamalansta ng damit na gagamitin sa pupuntahan nitong job fair. 

“Tuturuan naman kita! Wala ka na nang makikitang kumpanyang mataas na magpasahod, maganda pa ang benepisyo sa mga empleyado. Kaya, sige na, hindi ako makakapag-apply sa mas mataas na posisyon kapag wala akong nahanap na kapalit!” pagpupumilit niya rito habang naglalambing pa. 

“Pinapantakip butas mo lang ako, eh!” tugon nito habang kinakalakas ang pagkakayakap niya. 

“Hindi kaya! May tiwala kasi ako sa’yong magagampanan mo ‘yon nang maayos!” sambit niya pa rito dahilan para mapangiti ito. 

“Ewan ko sa’yo! Pasalamat ka kailangang-kailangan ko ng trabaho ngayon!” sagot nito na labis niyang ikinatuwa. 

“Akin na ang resume mo!” sambit niya habang sumasayaw-sayaw pa sa tuwa. 

Simula pa lang nang makapagtrabaho bilang sekretarya ng isang kilalang negosiyante ang dalagang si Sky, hindi niya mapigilan ang sariling hindi mahulog sa gwapo, mabait, at matalinong boss na pinagtatrababuhan niya. 

Ito ang dahilan kaya kahit labis siya nitong pinahirapan noong mga unang buwan niya ng pagtatrabaho rito, lahat ito ay hindi niya sinukuan bagkus lalo pa siyang nagpursigi upang makuha ang atensyon at bilib nito. 

Sambit niya sa sarili noong mga araw na ‘yon, “Magtiyaga ka lang, Sky! Mapapagod ka, pero hindi ka aayaw, ha? Sumulyap ka lang kay boss, siguradong aapaw ulit ang enerhiya mo!” dahilan para sa tuwing mapapagod siya, sisilip lang siya sa salaming pintuan ng opisina ng kaniyang boss na tanaw sa lamesa niya upang muling makakuha ng inspirasyon. 

Ngayong nakuha na niya ang tiwala ng boss niyang ito, nais siya nitong bigyan nang mas mataas na posisyon na kaniyang labis na ikinakilig. Wika niya pa, “Mukhang nagpaparamdam na talaga sa akin si boss, ha? Ayaw pa akong diretsuhin kung gusto niya ako, sasagutin ko naman siya agad, eh!” 

Kaya lang, bago siya makapag-apply sa posisyong ito, kailangan niya munang makahanap ng kapalit. Doon niya agad naisip ang bunso niyang kapatid na naghahanap din ng trabaho. 

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang makumbinsi niya ang kaniyang kapatid at agad na niya itong sinamahan sa kanilang opisina. 

Nang makita ng kaniyang boss ang kapatid niya, hindi niya mawari kung bakit bigla itong namula at agad itong pinapunta sa dati niyang lamesa. 

“Baka nagandahan lang siya sa akin kaya siya namula. Ang pogi niya kiligin!” bulong niya sa habang tinuturo sa kapatid ang dapat nitong gawin. 

Simula noong araw na ‘yon, isa na siya sa mga nagbibigay ng sarili niyang opinyon sa mga meeting na kasama ang kaniyang boss at ilan pang matataas na negosiyante. Labis siyang nagpapabibo upang ganoon mapahanga ang binatang ito.

Lumipas lang ang ilang linggo, bigla siyang nagulat sa binigay nitong pananghalian sa kaniya. Wika pa nito, “Pupwede ba kitang makausap mamaya pagkatapos ng trabaho mo?” na halos nagpalaglag sa puso niya at dahil nga gustong-gusto niya ito, agad siyang pumayag. 

Pagkatapos ng trabaho niya, agad siyang dumiretso sa opisina nito. Tumambad sa kaniya ang sandamakmak na mga bulaklak dahilan para siya’y labis na mabigla. 

“Pa-para sa akin ba ito lahat?” kinikilig-kilig niya pang tanong.

“Ano ka ba, Sky? Nakakatawa ka talaga! Alin sa mga bulaklak na ‘yan ang tingin mong magugustuhan ng kapatid mo? Sa’yo ako nagtanong dahil alam kong kilalang-kilala mo siya. Saka, s’yempre, kailangan ko munang humingi ng pahintulot sa sa’yo bilang ate niya, hindi ba?” sambit nito na ikinahiya niya at ikinainis. 

“Hindi mahilig sa bulaklak ‘yon! At wala kang pag-asa roon!” sigaw niya rito saka agad na naglakad palabas. 

“Ano palang gusto niya? Tsokolate? Bag? Gusto niya bang magpunta sa ibang bansa?” pangungulit nito habang hinahabol siya. 

“Ewan ko sa’yo!” sigaw niya. 

“Hoy, boss mo ako!” paalala nito dahilan para kumalma siya. 

Nakita niya ring nakatingin ang kapatid niya dahilan para siya’y mapaiyak na lang at mapahangos pauwi sa inuupahan niyang dormitoryo. 

Hindi pa natigil ang boss nila dahil simula noong araw na ‘yon, kitang-kita niya kung paano suyuin nito ang kapatid niya. Nagsabi na rin ang kapatid niya na tila nahuhulog na rin ito sa kanilang amo na labis niyang ikinaiyak. 

Doon niya napagtantong kahit anong pilit niya sa isang love story na hindi para sa kaniya, hindi talaga siya sasaya at patuloy na masasaktan. Kaya naman, imbis na hadlangan ito, kahit masakit, kaniya na lang itong sinusuportahan. 

Masaya na rin siya kahit papaanong makitang masaya ang bunso niyang kapatid sa amo niyang gustong-gusto niya noon pa man. 

Ituon niya na lang ang atensyon niya sa trabaho kasabay nang paghihintay sa kaniyang prince charming. 

More Stories