Inday TrendingInday Trending
Ayaw Pakasalan ng Lalaki ang Nobyang Tagapayo sa Radyo; May Matindi Pala Itong Lihim Kaya Ayaw Patali sa Nobya

Ayaw Pakasalan ng Lalaki ang Nobyang Tagapayo sa Radyo; May Matindi Pala Itong Lihim Kaya Ayaw Patali sa Nobya

Isang kilala at hinahangaang tagapayo sa radyo si Maricel. Mahusay siyang makinig, magaling magsalita at humaplos sa puso ng kaniyang mga tagapakinig. Miss Lady Heart ang ginagamit niyang pangalan kapag nagbibigay ng payo.

“Alam mo, Katy karapatan mo ring lumigaya dahil marunong kang magmahal. Sana’y makatagpo ka ng lalaking nararapat para sa iyo,” sabi niya sa babaeng humihingi sa kaniya ng payo.

“Salamat, Miss Lady Heart. Gumaan ang pakiramdm ko sa mga sinabi mo,” sagot ng tagapakinig sa kabilang linya.

“Mabuti naman, salamat sa pagsubaybay mo sa programang ito,” aniya.

Magaling siyang magpayo sa mga taong may problema sa puso’t sa pag-ibig ngunit ang sariling problema sa kaniyang puso ay hindi niya mabigyan ng solusyon.

“Ang tagal mo naman! Napanis na ako sa paghihintay dito!” inis na sabi ng boyfriend niyang si Dave.

“Sorry, Dave. Kinausap pa kasi ako ng prodyuser ko,” sabi niya.

“Ewan ko ba kasi sa iyo, nagtitiyaga ka sa trabahong kakarampot na ang sahod, puro katangahan at kadramahan pa ng iba ang pinapakialaman mo!” anas nito.

“Dave, alam mo namang bata pa ako’y pangarap ko nang maging announcer sa radyo at makatulong sa kapwa,” tugon niya.

“Ang cheap! Ang baduy mo!” saad pa ng nobyo.

Napabuntung-hininga na lang si Maricel sa inasal ni Dave.

“Kung hindi ko makukuha ang suporta mo sa ginagawa ko, huwag na nating pag-usapan pa ito, okey?” sabi niya.

Kahit ganoon ang ugali ng nobyo niya ay mahal na mahal niya ito. Dalawang taon na silang magkasintahan at talagang mainitin ang ulo ni Dave. Ayaw na ayaw nitong pinaghihintay. Gusto ng lalaki ay palaging ito ang prayoridad niya.

Isang araw, may nanghingi na naman ng payo sa kaniya nang mag-umpisa na ang programa niya sa radyo.

“Miss Lady Heart, paano ko ba sasabihin sa boyfriend ko na ayoko na sa kaniya? Na hindi ko na siya mahal?” tanong ng babaeng tagapakinig.

“May kasabihan tayo, Roxanne, na ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama nang maluwat, hangga’t maaga pa’y ipagtapat mo na sa kaniya ang tunay na nararamdaman mo,” sabi niya.

“P-pero mahal na mahal niya ako, Miss Lady Heart. Ayaw niyang mawala ako sa kaniya. Kapag nangyari raw ‘yon, walang makikinabang sa akin,” tugon ng babae sa kabilang linya.

Biglang kinilabutan si Maricel sa sinabi ng caller.

“Tulungan mo ako, Miss Lady Heart. Takot na takot na ako! Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin,” anito.

“H-huminahon ka, Roxanne. Huwag kang matakot. Pero talaga bang hindi mo na siya mahal?” tanong niya.

“Hindi na, Miss Lady Heart. Nawala na ang pagmamahal ko sa kaniya. Sinasaktan niya ako, ginagamit ang katawan ko. S*dista siya, sad!sta,” takot na takot na sabi ng babae.

Nakaramdam si Maricel ng awa sa kausap. Damang-dama niya ang paghihirap sa boses nito.

“Lumaban ka, Roxanne. Humingi ka ng tulong sa iba, sa pamilya mo, mga kaibigan, sa mga pulis. Hindi ka isang laruan lang na gagamitin kung kailan niya gusto. Tao ka, Roxanne. Karapatan mong ipaglaban ang sarili mo’t dangal,” payo niya.

Maya maya ay ibinaba na ng caller ang linya. Ni hindi na ito nakapagpasalamat sa kaniya.

“Kawawa naman ‘yung babae. Hay*p na lalaki ‘yon! Hindi na naawa sa girlfriend niya. Sumpain siya!” sambit niya sa isip.

Ngunit mas tumama iyon sa sarili niya. Sa lahat ng ginagawa sa kaniya ni Dave…

Nang minsang matapos silang magni*g ay kinausap niya ang nobyo tungkol sa plano nito sa kaniya.

“K-kailan mo ba ako papakasalan, Dave? May plano ka pa bang pakasalan ako?” tanong niya.

“Ano na naman bang drama ‘yan, Maricel?” inis na sabi ng lalaki.

“Ganito na lang ba tayo lagi? Ito ang ginagawa sa tuwing magkikita?”

“Gusto mo rin naman ito, ‘di ba? Bago mo ako tanungin ng ganyan, mag-resign ka na muna sa trabaho mo, baka pag-isipan ko pa ang kasal na sinasabi mo,” tugon sa kaniya ng nobyo.

“P-pero, D-Dave…”

“Mahal kita, Maricel, alam mo ‘yon, pero kung mas matimbang sa iyo ang trabaho mo, wala kang aasahang pagbabago sa relasyon natin – tandaan mo ‘yan,” saad pa nito.

Napaluha siya sa sinabi ng nobyo. Hindi nga siya nito sinasaktan sa pisikal, pero ninanakaw naman nito sa kaniya ang isang bahagi ng kaniyang pagkatao.

Dahil mahal na mahal niya si Dave kaya humantong siya sa isang desisyon. Hindi niya hahayaang mawala sa kaniya ang nobyo.

“Sayang naman, Maricel! Nangunguna sa rating ang programa mo. Kailangan ka ng istasyon,” nanghihinayang na sabi ng kaniyang boss.

“Pasensya na po talaga, ma’am. Masyado lang po kasing personal ang dahilan kung bakit ako magbibitiw bilang announcer. Pero aalis lang po ako kapag nakakuha na kayo ng kapalit ko,” sagot niya.

“I respect your your decision. Sana lang ay makakuha kami ng kasing galing mo,” wika pa ng boss.

Buo na ang pasiya niya, tatalikuran na niya ang pangarap para sa lalaking minamahal. Habang nagbibilang na lang ng mga araw sa pinagtatrabahuhang istasyon ay isang pamilyar na caller ang muli niyang nakausap.

“N-natatandaan mo pa ba ako, Miss Lady Heart?”

“R-Roxanne?”

“Ako nga. Sinunod ko ang payo mo, ipina-blotter ko na siya sa mga pulis matapos niya akong muling saktan. Nakipagkalas na ako sa kaniya, sa ngayon ay pinagtataguan ko na siya,” sabi ng babae sa kabilang linya.

“Mabuti naman! Pero bakit kailangan mo pang magtago sa kaniya?” tanong niya.

“B-baka kasi ituloy niya ang masama niyang banta sa akin. Kahit ang anino niya’y kinatatakutan ko nang makita. Iba kasi siya, para na siyang kr*minal. Salamat sa lahat ng tulong at payo mo, Miss Lady Heart, sana’y malagpasan ko ito,” sagot ng caller.

“Mag-iingat ka, Roxanne. Basta kung kailangan mo ng tulong, tawagan mo lang ako, okey?” aniya.

Iyon ang isa sa mga mami-miss niya kapag wala na siya sa trabaho. Ang magbigay tulong sa mga tagapakinig niya.

“Haay, Roxanne…kung kasing tatag mo lang sana ako,” bulong niya sa sarili.

Nang magkita sila ni Dave ay may napansin siyang kakaiba sa lalaki. Para bang may kung anong galit at poot sa mukha nito. Hindi rin ito mapakali.

“M-may problema ka ba, Dave? Sabihin mo sa akin, baka makatulong ako,” sabi niya.

Nakakunot ang noo nitong humarap sa kaniya. “Wala! May problema lang ako sa trabaho, pero ako na ang bahala dun,” anito.

Hindi na lang niya pinansin ang nobyo. Baka kapag pinakialaman pa niya ito’y magtalo na naman sila.

Pero nang sumunod na araw, ikinagulat niya ang huling caller na nakauap niya.

“Nasa linya na po kayo, anong maipaglilingkod ko sa inyo?”

“Hello, Miss Lady Heart? Ako po ang nanay ni Roxanne, na madalas tumawag sa programa ninyo. Mananawagan lang po sana ako, maaari po ba?” sabi ng ginang.

“Sige po. Tiyak na nakikinig ngayon si Roxanne,” sabi niya. “B-bakit kaya ang nanay niya ang tumawag?” nagtataka niyang tanong sa isip.

Nagsimula nang magsalita ang caller, may takot sa tono ng boses nito. “Roxanne, anak! Pitong araw ka nang nawawala! Nasaan ka na ba? Ano’ng ginawa sa iyo ng dati mong nobyo?” nag-alalang sabi ng ginang.

“Diyos ko! Kung kailan pa naman na huling araw ko na sa trabaho! Paano ko pa matutulungan si Roxanne?” aniya.

Damang-dama niya ang takot at pangungulila sa boses ng nanay ni Roxanne. Pero sa mga sandaling iyon ay bakit may kakaibang kaba siyang nararamdaman?

Paglabas niya sa istasyon ay dumiretso siya sa bahay ni Dave. Nangako kasi siya na sabay silang magdi-dinner pero nagimbal siya sa nadatnan niya.

“D-Dave! A-anong ibig sabihin nito?”

Naabutan niyang hinuhuli ng mga pulis ang lalaki. Nakaposas na ang mga kamay nito at nakayuko ang ulo na iniiwas ang tingin sa kaniya.

“S*spek siya sa pagtapos sa buhay ng dati niyang nobyang si Roxanne Cepeda, miss,” sabi ng isa sa mga pulis.

Halos gumuho ang mundo ni Maricel sa natuklasan. Ang lalaking pinakamamahal niya, pinagkatiwalaan at pinili, sa huli ay isa palang manloloko, sad!sta at kr*minal.

“I-ikaw ang…”

“T-tulungan mo ako, Maricel, tinakasan kasi niya ako, eh…pero hindi ko sinasadya…” lumuluhang sabi ng lalaki.

Matagal na pala siya nitong niloloko, pinagsasabay silang dalawa ni Roxanne habang magkarelasyon sila. Ang hay*p na lalaking ito, binigay niya ang lahat pagkatapos ay ito ang gagawin sa kaniya? Pero kahit paano ay nagpasalamat pa rin siya dahil kahit kailan ay hindi siya pisikal na sinaktan ni Dave.

Kahit masakit sa kaniya ay hindi niya tinulungan ang lalaki. Hinayaan niyang pagdusahan nito ang nagawang kasalanan. Dapat lang itong magbayad sa mga sinirang buhay. Sinira nito ang buhay ni Roxanne at ang buhay niya. Sa pagkakakulong ni Dave ay nabigyan na ng hustisya ang pagkawala ni Roxanne.

Pagkatapos ng mga nangyari ay binawi niya ang resignation sa istasyon at ipinagpatuloy niya ang pagiging announcer. Nais niyang makatulong pa sa iba, hindi niya hahayaan na may matulad pa sa sinapit ni Roxanne. Balang araw ay tuluyan din niyang makakalimutan si Dave. Maghihilom din ang sugat na iniwan nito sa kaniyang puso.

Advertisement