Nakilala ng Babae ang Dalagitang Nagtitinda ng Banana Cue; Isang Gabi ay Nakasalubong Niya Ito at Ikinagulat ang Sinabi Nito
Pagka-gradweyt sa kolehiyo ay agad na lumuwas sa Maynila si Lorraine para doon magtrabaho. Masama kasi ang loob niya sa kaniyang ama dahil wala pang isang taong pumanaw ang nanay niya ay nag-asawa ulit ito ng bago. Hindi pa nga niya matanggap na wala na ang kaniyang ina ay ganoon na lamang kabilis itong pinalitan agad ng tatay niya. Kinukuwestyon niya tuloy ang pagmamahal nito sa namayapang ina.
“Insan, gagabihin ako ng uwi mamaya ha? May tatapusin pa ako sa opisina,” paalam niya sa pinsang si Jenny. Kasama niya ito sa kaniyang condo. Ulila na sa mga magulang ang pinsan niya kaya minabuti niyang sa condo na lang niya ito patirahin para may kasama siya. May maganda rin naman itong trabaho gaya niya kaya hindi sila nagkakaroon ng problema pagdating sa mga gastusin.
“Ayan ka na naman, eh. Hindi naman yata trabaho ang ginagawa mo kaya ka ginagabi. Ang sabihin mo’y magliliwaliw ka lang sa bar,” kantiyaw nito.
“Tse! Hoy, hindi ako katulad mo ‘no! Kung ayaw mo maniwala, ‘di huwag!” sagot niya.
Totoo naman na mahilig siyang gumimik pero iba sa araw na iyon. Abala talaga siya sa trabaho at marami siyang kailangang tapusin.
Paglabas niya sa condo ay napansin niya ang isang dalagitang nagtitinda ng banana cue sa labas. Matagal na niyang nakikita ito na palaging nakatambay sa harap ng condo unit niya at doon nagbebenta ng banana cue. Sa tingin niya, nasa katorse o kinse anyos ito. Maganda ang dalagita at palaging nakangiti. Sinubukan niyang bumili sa paninda nito, gusto niyang matikman kung masarap.
“Neng, pabiling banana cue, tatlong istik,” sabi niya at inabutan ito ng dalawandaan. “Keep the change,” saad pa niya.
“Naku, salamat miss ganda! Ikaw ang buwena mano ko. Papasok ka na ba sa trabaho mo?” tanong nito.
Pakunwari niya itong inirapan. “Aba, ‘di ko lang kinuha ang sukli ko’y binola mo na ako. Pero thank you, matagal na akong maganda,” sagot niya.
“‘Di ako nagbibiro, miss. Maganda ka talaga. Siguro ay mana ka po sa nanay mo, ano?” usisa ng dalagita.
Napangiti siya. “Siyempre, mana talaga ako sa nanay ko! Walang kasing ganda ‘yon kaya nga idol ko ‘yon eh!” buong pagmamalaki niya.
“Eh, miss, siguro ‘yung tatay niyo po mana ka rin sa kaniya?” muling tanong ng dalagita.
Sa sinabi ng tindera ay napasimangot si Lorraine. “Ikaw naman, aga-aga, pinaiinit mo ang ulo ko, eh. Mana lang ako sa nanay ko at hindi sa taong iyon,” tugon niya.
“Bakit naman, miss? May problema ka ba sa tatay mo?” tanong ulit ng dalagita.
“Ayaw ko lang napag-uusapan ang tungkol sa kaniya dahil madali niyang pinalitan ang namayapa kong ina. Galit ako sa taong iyon,” sabi niya.
Napalitan ng lungkot ang mukha ng dalagita sa tinuran niya. “Ikinalulungkot ko, pasensya ka na kung nag-usisa pa ako, miss,” anito.
“Naku, okey lang. Sa susunod ay huwag na lang tungkol sa tatay ko ang topic natin kasi naiinis lang ako. Maiba ko, infairness masarap itong banana cue mo a! Sa susunod ay bibili ulit ako sa iyo. Pero mauuna na ako, baka ma-late na ako sa opisina,” sabi niya at pumara na ng taxi.
Habang nasa biyahe, pakiramdam niya ay nakokonsensiya siya. Nakaramdam siya ng lungkot sa mga sinabi niya kanina. Aaminin niyang may sama siya ng loob sa tatay niya pero hindi niya maitatago na kahit paano ay nami-miss na niya ito. Nagpalit pa nga siya ng sim card para lang ‘di na makatanggap pa ng text or tawag mula rito. Pero ngayong naungkat ang tungkol sa ama’y handa na ba niyang muli itong makaharap? Matagal na rin siyang hindi umuuwi sa probinsya at wala na siyang balita sa tatay niya.
Mabilis na lumipas ang mga oras. Alas nuwebe na ng gabi at nasa opisina pa rin siya.
“Hoy, hindi ka pa ba uuwi? Gabi na! Pwede mo namang ipagpabukas ‘yan, girl!” wika ng isa sa mga ka-opisina niya.
“Sige, uuwi na rin ako mamaya. Ise-save ko lang itong mga ginawa kong files sa laptop,” sagot niya na hindi napigilang maghikab. Ang totoo’y antok na nga siya at pagod na.
Eksaktong alas nuwebe y media na nakalabas ng opisina si Lorraine. Buti na lang at may nasakyan pa siyang taxi pauwi. Malapit na siya sa tinitirhang condo nang may madaanan siyang checkpoint. Hindi nila naiwasan ng drayber na makiusyoso. Napag-alaman nila sa mga awtoridad na naroon na may edad na lalaking naholdap sa daan at pinagsas*ksak ng mga kr!minal hanggang sa bawian ng buhay. Sisenta y dos anyos na ang lalaki na kasing edad na ng tatay niya.
Nakaramdam siya ng awa at lungkot sa b*ktima. Hindi niya napigilang maluha, bigla niyang naisip ang tatay niya. Paano kung sa patuloy niyang pagtikis dito’y mangyari rin iyon sa kaniyang ama? Parang hindi niya kakayanin, wala na nga siyang nanay, ayaw niyang mawalan pa ng tatay.
Pagbaba niya sa taxi ay hindi pa rin natatapos ang pagluha niya. Nagulat siya nang makasalubong niya ang dalagitang tindera ng banana cue. Bitbit nito ang bilao at mukhang ubos na ang paninda nito. Nakangiti ito sa kaniya.
“O, miss. Ginagabi ka? B-bakit ka umiiyak ka?” tanong nito.
Dali-dali niyang pinahid ang luha sa mga mata. “Ikaw pala! W-wla ito, napuwing lang ako,” pagsisinungaling niya.”Ikaw, pauwi ka na ba? Mabuti’t naubos na ang mga paninda mo,” saad pa niya.
Pero imbes na sagutin ang tanong niya…
“Umuwi ka na sa inyo, miss. Patawarin mo na ang tatay mo. Kung nag-asawa siya ulit, siguro’y kailangan niya ng makakatuwang sa buhay nang mawala ang nanay mo. Alam kong kahit wala na ang iyong ina’y hindi pa rin ito nawawala sa puso ng tatay mo. Puntahan mo na siya, napakasakit para sa kaniya na tiisin ng sariling anak. Huwag mong hintayin na mahuli ang lahat, miss,” sabi ng dalagita.
Hindi maipaliwanag ni Lorraine ang mararamdaman sa sinabi ng tindera. Ibang-iba ang tono ng boses nito, tila matanda kung magsalita. Bigla tuloy siyang nahiwagaan sa dalagita. Pero ewan ba niya, sumang-ayon siya sa gusto nitong mangyari.
“Uuwi na ako sa probinsya paglabas ko sa opisina bukas. Handa ko nang harapin ang tatay ko. Hindi na ako magagalit sa kaniya,” sabi niya. Kahit siya ay nagulat, ‘di niya inasahan na sasabihin niya iyon sa harap nito.
Nagliwanag ang mukha ng dalagita. “Tama ‘yan, miss,” sabi nito.
‘Di niya namalayan na nasa tapat na pala siya ng condo niya. Nawala na ang dalagita, hindi man lang niya naramdaman na umalis na ito.
Biyernes ng gabi, pagkalabas sa opisina ay nagmaneho siya pauwi sa kanilang probinsya. Itinext pa niya ang pinsang si Jenny na ito na muna ang bahala sa condo. Tuwang-tuwa ang kaniyang ama nang makita siya. ‘Di gaya ng dati ay mahina na ito. Nakatungkod na ito dahil hindi na makalakad nang maayos dahil kung anu-ano na rin ang nararamdaman sa katawan. Malabo na rin ang mga mata nito at hirap na sa pagsasalita.
“Itay, nasaan si Tita Lorna?” tanong niya.
“Wala na siya, anak. Mas pinili kita kaysa sa kaniya. Mahal ko siya, pero mas mahal kita,” nakangiting sabi nito.
“Itay, okey na po sa akin kung kayo na ni Tita Lorna. Hindi na ako magtatampo o magagalit, sorry po sa lahat ng pagtitiis ko sa inyo, pangako hindi ko na ulit kayo iiwan. Isasama ko kayo ni tita sa Maynila,” aniya.
Niyakap siya ng matanda. “Ayos lang na mawala siya, huwag lang ikaw, anak. Naintindihan din naman niya kaya siya na rin ang kusang umalis. Saka, anak, lagi mong tatandaan na mahal na mahal ko ang nanay mo. Hindi ibig sabihin na wala na siya’y nawala na ang pagmamahal ko sa kaniya dahil habambuhay na siyang nakatatak sa puso at isipan ko.”
May inilabas na lumang litrato ang tatay niya at ipinakita sa kaniya.
“O, tingnan mo, ito ang nanay mo nung dalagita pa. Magkababata kami, noon pa man ay crush ko na siya. Mabuti nga at naitabi ko pa itong litrato niyang ito. Nag-iisa na lang ito kaya pinakaiingatan ko.”
Nanlaki ang mga mata ni Lorraine nang mamukhaan ang dalagita sa litrato. Hindi siya maaaring magkamali, kamukha ito ng dalagitang nagtitinda ng banana cue.
“Imposible!”
“Nakilala ko siya noon sa tapat ng simbahan habang nagtitinda ng banana cue. Masarap magluto ng banana cue ang nanay mo,” saad pa ng tatay niya.
Sa puntong iyon ay napaluha si Lorraine. Ang nakilala niya pala ay ang sariling ina na ang anyo ay nung dalagita pa ito. Nagpakita ito sa kaniya upang ipaalala na mahalaga ang pagpapatawad at muling pagtanggap sa tatay niya.
Malaking misteryo pa rin ang naranasan niya pero imbes na matakot ay natuwa pa siya dahil alam niyang kahit wala na ang nanay niya ay nakagawa pa rin ito ng paaan para pagbatiin silang mag-ama. Napagtanto niya na lagi pa rin itong nakabantay at nakasubaybay sa kanila.
Mula noon ay si Lorraine na ang nag-alaga sa kaniyang ama. Isinama niya ito sa Maynila at nagsama na sila roon nang masaya. Ipinagdasal din nila ang kaniyang nanay at nagpasalamat sa ginawa nitong pagmulat sa kaniya. Hangad nila na maligaya at mapayapa na rin ito sa kung nasaan ito ngayon.