Napaiyak ang Dalaga Nang Gisingin Siya ng Kaniyang Ina; Mas Nakalulungkot ang Susunod na Bubungad sa Kaniya
Si Aicelle ang pinakamatalino sa kanilang klase. Accountancy ang kinukuha niyang kurso sa kolehiyo. Ngayong summer break nila sa eskwela ay sabik siyang magbakasyon.
“Naku, Aicelle sa wakas ay bakasyon na ninyo. Alam kong matagal mo nang gustong pumunta sa Pangasinan. Ito na ang pagkakataon kaya sulitin mo na ang apat na araw,” wika ng ate niyang si Ara.
“Oo nga, ate. Gusto ko na ngang pabilisin ang oras, I need a break. Ikaw ba, hindi ka ba sasama sa akin? Sa sobrang stress mo sa trabaho’y kailangan mo rin ng bakasyon,” sabi niya.
Magkasama sila ng kaniyang kapatid sa inuupahan nilang apartment. Nagtatrabaho ang Ate Ara niya sa call center, wala na kasi itong leave kaya hindi ito makakasama sa kaniya.
“Hindi, eh, ubos na ang leave ko kaya hindi ako makakasama sa iyo. Sa susunod na lang siguro kapag nagkaroon na ulit ako ng leave. Saka baka mamaya dumaaan dito si tatay, eh makitang walang tao,” sagot ng ate niya.
Kinabukasan ay maagang bumiyahe si Aicelle. Alas kwatro pa lang ay nakasakay na siya sa bus. Napangiti siya nang maalala ang kaniyang inang si Aling Catalina. Mas malapit kasi siya rito kaysa sa tatay niya dahil ‘di tulad ng amang istrikto ay napakabit at pasensyosa ng nanay niya. Dating itong OFW sa Qatar, kaya nga noong umalis ito ay sobra ang iyak at lungkot niya. Nang bumalik ito sa Pilipinas ay nagtayo na lang ito ng negosyo kasama ang kaniyang ama sa probinsya. Natatandaan pa niya na palagi siya nitong ipinagtatanggol sa tatay niya kapag gabi na siya umuuwi sa bahay dahil marami siyang ginagawang aktibidad sa eskwela. Napakalambing din ng nanay niya na kapag sumasapit ang kaniyang kaarawan, pagkagising niya’y hinahalikan siya nito sa noo saka babatiin ng ‘happy birthday’. Palagi rin siya nitong ipinagluluto ng paborito niyang ulam na adobo.
Naisipan niyang i-text ang nanay niya.
“Hi, ‘nay! Miss na kita sobra! Papunta na po ako sa Pangasinan ngayon, sayang dapat kasama kita, eh.”
Nakangiti pa siya habang isine-send iyon sa ina. Matapos ang ilang oras na biyahe ay nakarating din siya sa destinasyon niya. Dumaan muna siya sa pamilihan at bumili ng mga souvenir, itinabi ang mga iyon sa bag niya pagkatapos ay dumiretso na siya sa hotel kung saan siya mananatili pansamantala.
Mabilis na lumipas ang mga araw at ngayon ay pabalik na si Aicelle sa Maynila. Masasabi niyang kahit paano, gumaan ang pakiramdam niya sa bakasyong iyon.
“O, narito ka na pala! Kumusta ang bakasyon? Magbihis ka na at malapit na maluto itong adobo para makakain ka na. Pero pasensya ka na ha, hindi ako kasing sarap magluto ni nanay,” sabi ng ate niya.
“‘Di na ate, kumain na ako sa fast food kanina. Tulog lang ako ha? Nahilo ako sa biyahe. Tingnan mo na lang ‘yung bag ko’t nandoon ang mga pasalubong ko sa iyo, kay tatay at kay nanay,” matamlay na sabi niya at nahiga na sa kama.
Kinaumagahan, naalimpungatan si Aicelle sa mahihinang tapik sa kaniyang pisngi. Nang magmulat siya ay nakita niya ang kaniyang ina na nakangiti, nakatitig ito sa kaniya. Sinulyapan niya ang orasan, alas tres ng madaling araw.
“‘Nay? Buti naman at bumalik ka na!” gulat na sabi niya, ang aga aga pa kasi.
“Aking baby bunso,” biro nito.
“Dalaga na ako, ‘nay! Hindi na ako baby pero sige na nga, cute na baby girl mo,” paglalambing niya.
“Sabi ko naman sa iyo, kahit umabot pa sa singkwenta anyos ang edad mo, para sa akin ay ikaw pa rin ang baby bunso ko,” sabi nito saka siya hinalikan sa noo.
“‘Nay, nalulungkot ako,” naliluhang sabi niya.
Ngumiti ito. “Kaya mo yan, anak. Palagi naman akong nandito para sa inyo ng ate mo. Kayanin mo para inyong magkapatid. Saka nandiyan pa rin naman ang tatay ninyo. Istrikto ‘yon pero mahal na mahal niya kayo. Sige na, ngiti na,” utos nito saka hinaplos ang kaniyang pisngi.
Pinahid niya ang luha at niyakap ang nanay niya. “Miss na miss kita, ‘nay. Ang sakit-sakit.”
“Bumangon ka na diyan, nandito lang sabi ako, eh. Tulungan mong magluto ang ate mo mamaya ha? At may mga bisitang darating,” sabi nito, mas humigpit ang yakap sa kaniya.
‘Di namalayan ni Aicelle na tigib na ng luha ang kaniyang mga mata habang mahigpit na yakap ang unan. Biglang tumunog ang alarm clock, alas nuwebe na ng umaga.
“Nay, ipagluto mo ulit ako ng espesyal mong adobo. Miss na miss ko na ‘yon, eh,” bulong niya habang natutulog.
Humihikbi pa siya nang idilat ang kaniyang mga mata, naringgan niyang may mga matatandang babae na nagdarasal sa kanilang salas.
“A-ate…anong meron? Bakit may mga nagdarasal at nagrorosaryo?” maang na tanong niya, nanghihina pa dahil sa napanaginipan.
Malungkot na sumagot ang kapatid niya.
“Ika-siyam na araw ngayon ni nanay, Aicelle, bangon ka na diyan tulungan mo akong magluto,” anito.
Saka lamang niya naalala na ika-siyam na araw na pala nang mawala ang kanilang inang si Aling Catalina. Pumanaw ito dahil sa atake sa puso, hindi niya alam kung paano kinakaya ang matinding lungkot dahil kahit kailan ay hindi na nila makikita at makakasama ang nanay nila. Ang mas masakit, nawala ito nang wala sila sa tabi nito. Binawian ito ng buhay sa ospital sa kanilang probinsya sa Bulacan habang nasa Maynila sila, anala siya sa pag-aaral t sa pagtatrabaho naman ang ate niya. Kaya nga siya nagbakasyon sa Pangasinan para makalimot. Kasama niya dapat doon ang nanay niya dahil hiling nito noon na makarating sa Pangasinan para makita ang sikat na sikat na Hundred Islands pero hindi na iyon natupad, wala na ang nanay niya. Napahawak si Aicelle sa dibdib niya, alam niyang naroon lang ang nanay nila at nakabantay.
Sa sandaling iyon ay tanggap na niya ang katotohanan. Alam naman niyang nakasubaybay lang ang kanilang ina at kahit kailan ay hindi ito mawawala sa puso at isip nila. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na kakayanin niya at magpapakatatag siya para sa ate at tatay niya. Alam niyang dinalaw siya ng nanay niya sa panaginip upang mapanatag na ang kaniyang loob at magkaroon siya ng lakas para ipagpatuloy ang buhay kahit hindi na sila kumpleto.