Lumuwas ng Maynila ang Lalaki Upang Hanapin ang Kapatid na Matagal nang Nawawala; Animo’y Mabangis na Hayop Ito nang Sila’y Magtagpo
Mangiyak-ngiyak si Kenneth habang tinititigan ang batang si Nadia. Tahimik nitong ninanamnam ang pagkaing kaniyang binili kanina nang pumasok sila sa kainang ito. Si Nadia ang batang matagal na niyang hinahanap, at ito rin ang dahilan kaya siya naririto ngayon sa Maynila.
Half sister niya si Nadia, dahil anak siya ng kaniyang ama sa unang asawa. Siyam na taong gulang siya noong ikinasal ang ama kay Nadine Montemayor, ang ina ni Nadia, at dose anyos naman siya noong ipinagbuntis nito si Nadia.
“Nadia, maiwan na muna kita ah, magbabanyo lang si kuya,” aniya at agad na tumayo upang pumaroon sa palikuran.
Ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay napansin niyang nakasunod na ito sa kaniyang likuran habang hawak-hawak ng maliit na kamay nito ang laylayan ng kaniyang damit.
“Isama niyo na po ako, Kuya Kenneth,” anito.
Bigla siyang nahintakutan sa naisip ngunit pinili niyang ngitian ang kapatid na halata sa mga mata ang takot na muling maiwan. Tumango siya’t hinawakan ang kamay ni Nadia, hindi na niya hahayaang muli itong nawala sa kanila, iyon ang ipinangako niya kay Don Fernan, ang lolo nito, ang ama ng ina nitong si Nadine.
Pitong taon na rin ang nakakalipas mula noong kumalat ang balita sa buo nilang baryo ang pagkawala ni Nadia Montemayor, ang apo ni Don Fernan Montemayor, sa anak nitong si Nadine. Ang mga Montemayor ang isa sa pinakamayaman sa lungsod nila.
Ayon sa balita ay dinukot si Nadia ng mga hindi kilalang lalaki, nawala ito sa mismong eskwelahang pinapasukan, at mula noon ay wala nang ginawa ang don kung ‘di ang magbayad ng tao upang hanapin ang kaniyang nawawalang apo.
Sa sobrang pagkalungkot ng ina ni Nadia, maaga itong sumakabilang buhay dahil sa atake sa puso. Sumunod naman ang kaniyang ama kay Nadine, kaya ngayon ay ulilang lubos na silang dalawa ni Nadia.
Ngayong nalalapit na ring sumunod ang don sa kaniyang anak na si Nadine, nakiusap ito sa kaniyang hanapin niya si Nadia at ibalik ito sa kanila. Sa takot na baka hindi niya matupad ang huling hiling ng matandang don ay ginawa ni Kenneth ang lahat upang mahanap si Nadia. At kung paano niya ito nahanap ay hindi niya na alam kung paano, basta ang mahalaga’y nakita niya na ito at nagawa niya ang huling hiling ni Don Fernan.
“Nadia, ano ba talaga ang nangyari sa’yo sa nakalipas na pitong taong nawala ka?” maingat na tanong ni Kenneth.
Tatlong taon lamang noong nawala si Nadia, kaya ngayon ay nasa sampung taong gulang pa lang ito. Ayon kay Nadia, ang naalala lamang nito ay may taong nagbigay sa kaniya ng tsokolate, at dinala siya sa bahay na hindi na nga nito matandaan kung ano ang itsura. Sa murang edad ay hindi na maisalaysay ni Nadia nang malinaw ang lahat, tanging mga natatandaan lamang nito ang kaya nitong ikwento sa kaniya.
“Ang natatandaan ko po kuya, dinala ako sa madumi at mabahong lugar, itinatali nila ang paa ko na parang aso at pinapakain ng tira-tirang pagkain, kapag nag-inarte ako ay pinapalo nila ako at wala akong ibang magagawa kung ‘di kainin iyon kasi kung hindi ay kakalam ang sikmura ko at wala akong magiging sapat na lakas upang gumalaw. Kinabukasan ay tatanggalin nila ang tali sa paa ko at uutusang mamalimos, kapag kaunti lang ang kita ko, sinasaktan ulit nila ako,” maluha-luhang kwento ni Nadia.
Hindi napigilan ni Kenneth ang maiyak sa narinig na kwento. Sindikato ang kumupkop kay Nadia, binayaran niya pa ito ng malaking halaga, bago nito ibinigay si Nadia sa kaniya. Noong una’y ayaw pang sumama sa kaniya ng kapatid at nagwawala ito, na animo’y mabangis na hayop. Ngunit nang mapatunayan nitong mabuting tao siya at naroon siya upang iligtas ito’y yumakap ito sa kaniya habang humahagulhol ng iyak.
“Kaya sorry kuya, kung naging mabangis ako noong una tayong nagkita. Ang akala ko kasi’y isa ka sa masamang tao na wala nang ibang ginawa kung ‘di ang ipahamak ako,” humihikbi nitong sambit.
Nilapitan niya si Nadia at niyakap ito. Hindi niya alam kung paano papawiin sa isip nito ang nangyaring sakit at hindi magandang alaala sa nakaraan. Alam niyang malaking trauma rito ang mga nangyari, sana ngayong alam niyang ligtas na ang bata ay maramdaman din nito ang totoong kaligtasan at piliin na lamang na ibaon sa limot na parang hindi talaga nangyari ang mga nangyari sa nakaraan.
“Patawarin mo ang lolo mo, at patawarin mo ako, Nadia, ginawa namin ang lahat mahanap ka lang,” mangiyak-ngiyak niyang wika. “Patawarin mo ang kuya, kasi ngayon lang kita natagpuan,” aniya.
Payapa na ang pakiramdam niya ngayon dahil nakita na niya ang matagal nang nawawalang kapatid. Wala siyang ibang hinihiling kung ‘di ang maghilom ang lahat ng sugat mula sa mga naranasan ni Nadia.
“Salamat kuya, kasi dumating ka at iniligtas ako sa kamay nila,” hagulhol nito.
Hindi man magiging madali ang proseso, tiyak siyang simula ngayon ay magiging maayos na ang lahat. Panahon na upang makabawi siya sa kapatid. Kung naririto man ang mga magulang nila’t nakikita sila’y alam n’yang kagaya niya’y masayang-masaya na rin ang mga ito.