Inday TrendingInday Trending
Dalawang Taon na Silang Hiwalay ng Kaniyang Asawa; Pinagbuksan Niya pa rin Ito ng Pinto nang Mangailangan Ito

Dalawang Taon na Silang Hiwalay ng Kaniyang Asawa; Pinagbuksan Niya pa rin Ito ng Pinto nang Mangailangan Ito

Pinapakain ni Andrea ang kaniyang dalawang anak nang may kumakatok sa labas ng pintuan. Biglang napadako ang tingin niya sa malaking orasan na nakasabit sa itaas na bahagi ng dingding at agad ding nagsalubong ang kaniyang kilay. Alas onse na ng gabi, sino naman ang bibisita sa kanila ng ganitong oras?

“Sino iyan?” tanong niya sa kung sino man ang taong nasa labas.

“Andrea, ako ito,” sagot naman nito.

Hindi na niya kailangang tanungin ulit ang hindi inaasahang bisita, dahil sa tono pa lang ng boses nito’y kilala na niya ito. Kilalang-kilala. Naglakad siya patungo sa may pintuan at pinagbuksan ito.

“F-Frank, anong ginagawa mo rito?!” Hindi sinasadyang napadako ang tingin niya sa malaking bag nitong dala. “Naglayas ka?” tanong niya.

Bago pa man masagot ng lalaki ang tanong niya’y narinig niya ang masayang boses ng dalawang anak na masiglang sinalubong si Frank at agad na hinagkan ng dalawang bata.

“Papa!” sabay na bati ng dalawa at agad na nagpakandong sa ama.

Oo, ang lalaking kaniyang bisita sa gabing iyon ang ama ng kaniyang dalawang anak, ang dati niyang asawa si Frank, halos siyam na taon din silang naging mag-asawa at dalawang taon na rin noong nagpasya silang maghiwalay.

Ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ay dahil hindi nila kayang pakisamahan ang ugali ng isa’t-isa. May taglay na ugali si Frank na kinaiinisan niya’t inaayawan, at ganoon din ito sa kaniya. Hindi naging masaya ang buhay mag-asawa nila, kaya naman kaysa masuklam sila pareho ay nagdesisyon silang maghiwalay na lang at manatiling magkaibigan para sa dalawa nilang anak.

Makalipas ang isang taon mahigit ay nakahanap si Frank ng babaeng muli niyang mamahalin. Nagsama ang dalawa ngunit hindi nagpakasal. Handa naman siyang pirmahan ang pagpapawalang bisa sa kasal nila, ngunit ayaw naman pumayag ni Frank. Ayon rito’y hindi naman nito nais na matali silang dalawa sa isa’t-isa, ngunit para sa mga anak nila’y huwag na lang nilang pakialaman ang naging kasal nila noon. Manatili pa rin silang kasal sa papel, upang kahit papaano’y lehitimo niya pa ring anak na maituturing ang mga anak nila.

Nagkasundo sila sa bagay na iyon at hanggang ngayon nga’y kasal pa rin silang dalawa, pero hindi na mag-asawa, pero ang kagandahan ay nanatili silang mabuting magkaibigan at magulang.

“Pwede bang dito na muna ako, Andrea? Pangako, hindi ako magigiing pabigat, tutulong ako sa gawaing bahay at sa mga gastusin, talagang wala lang akong mapuntahan ngayon. Biglaan kasi ang pagpapalayas sa’kin ni Iza, may topak na naman,” nakikiusap na wika ni Frank.

“Wala namang problema, doon ka matulog sa dating kwartong tinutuluyan mo,” sang-ayon niya. “Baka naman kasi nagpapasaway ka na naman kaya ka pinalayas ng nobya mo,” aniya na may halong biro.

Umismid ito saka malalim na bumuntong hininga. “Ewan ko ba sa babaeng iyon. Pero salamat ha? Kapag nagkakaproblema ako, sa’yo pa rin talaga ako tumatakbo,” anito.

Matamis siyang ngumiti saka tinulungan itong iakyat ang mga dala nito sa magiging silid. “Ganoon talaga, dahil kahit hindi na natin masikmura ang isa’t-isa, naroon pa rin ang katotohanan na mag-asawa tayong dalawa, at ikaw ang ama ng mga anak ko,” aniya saka nilingon ang mga anak na masayang-masaya. “At masaya ako kapag nakikita ko silang masaya.”

Pilyong ngumiti si Frank sabay banat ng nakakalokong biro. “Gusto mo, Andrea, tayo na lang ulit? Kapag nagkabalikan tayong dalawa, malamang mas magiging masaya ang mga bata.”

Nandidiri siyang napaatras sabay palo ng balikat nito. “Tigilan mo ako, Frank! Wala na akong nararamdamang kahit ano sa’yo, at wala na akong nakikitang rason para muli pang dugtungan ang nakaraan nating dalawa. Kung wala nga lang siguro tayong mga anak, baka ibinaon na kita sa limot,” aniya saka malakas na tumawa.

Iyon ang totoo… kahit anong kapa niya sa puso ay wala na talaga siyang pag-ibig para sa dating asawa, at alam niyang ganoon din ito sa kaniya. Talagang loko-loko nga lang talaga ito upang biruin siya. Minsan, hindi niya lubos maisip na may ‘expiration’ ang pagmamahal, hanggang sa siya na mismo ang nakaramdam.

Sa dami ng nangyaring hindi maganda sa relasyon nila noon ni Frank ay kusang naging manhid ang puso niya at nagulat na lang siya isang araw nang hindi na niya maramdaman ang kahit anong pag-ibig para dito.

“Alam mo mas okay rin itong pinalayas ako ni Iza at dito ako umuwi, para kahit papaano’y makasama ko naman ang mga anak natin at talagang miss na miss ko na sila,” masayang wika ni Frank. “Ang bilis talaga ng panahon, Andrea, ‘no. Dati magkasintahan lang tayo at mahal na mahal natin ang isa’t-isa. Nagpakasal, nagkaanak, at nagkahiwalay, pero nanatiling magkaibigan at mas piniling maging mabuting mga magulang,” nakangiting wika nito habang nakatingin sa panganay na anak. “Noong naghiwalay tayo’y tatlong taong gulang pa lang siya, ngayon ay big boy na ang panganay natin, Andrea, sa bilis ng panahon hindi ko na lang namamalayan na may binata’t dalaga na akong anak. Salamat kasi hindi mo sila ipinagdamot sa’kin,” malungkot na wika ni Frank.

Dala na rin siguro ng halo-halong emosyon kaya nagda-drama ang dating asawa. Matamis siyang ngumiti saka tinapik ang balikat nito.

“Salamat din kasi kahit hiwalay na tayo’y nanatili kang responsableng ama sa kanila. Kahit hindi naging maganda ang kinahinatnan ng relasyon natin, Frank, masaya ako kasi nagkakausap at nagkakabiruan pa rin tayo nang ganito,” aniya. Galing iyon sa kaniyang puso. Masaya siya dahil si Frank ang lalaking minahal niya’t siya ring naging ama ng kaniyang mga anak.

Ilang linggo rin munang nanatili si Frank sa bahay niya saka ito nagpasyang umuwi sa bahay ng mga magulang. Hindi na yata nito natiis ang ugali ng bagong kinakasama kaya hindi na ito nagpumilit na bumalik sa poder nito.

Kahit ano man ang gawin ni Frank ay sinusuportahan niya ito at ganoon din ang lalaki sa kaniya. Mahal nila ang isa’t-isa ngunit hindi bilang mag-asawa kung ‘di bilang magkaibigan na lamang at sa ngalan na may pinagsamahan silang dalawa. Pwede namang maging kaibigan ang taong dati mong minahal, basta kaya mo lang palawakin ang iyong isipan, hindi ba?

Advertisement